TW: Verbal sexual harassment
----Umalis si Jarreau...nang walang binitiwang salita...nang walang komento.
Ni hindi niya tinutulan ang sinabi ko! Ano, papayag na lang siya? Wala namang laman ang hamon kong iyon. Isa na namang hindi magandang desisyong dala ng bugso ng damdamin. Pero talaga bang wala siyang ibang reaksyon doon?!
Kahit sa chat, naghintay ako. Na baka sa wakas ay humupa na ang galit niya at handa na akong pakinggan. Na baka na-realize niyang biktima lang din ako ng ginawang halik ni Axel. Na baka nakapag isip isip na siya pagkauwi at suyuin ako.
Nakatulog at nagising na lang ako kinabukasan ay walang kahit anong paramdam akong natanggap. Mabigat ang katawan ko at pilit lang ang ginawang pagbangon. Kailangan kong pumasok para sa exam. Kalagitnaan na ng second sem at mukhang hindi ko na mahahabol ang target na grades. Gayunpaman, mas mahalagang makapasa man lang ako.
Mag isa akong namasahe papasok sa Aldersgate. Dahil abala ang mga tao sa pista ng barangay na gaganapin sa makalawa, mahaba ang traffic. Ang daming tao sa paligid lalo at inaayos na ng mga opisyal ng barangay ang mga banderitas at gagamiting stage para sa programang inihanda.
Tanaw ko naman na ang arko ng Aldersgate ngunit mainit na ang sinag ng araw kaya't nag aalangan akong maglakad. Lalo at wala nang puno sa paligid, puro establisyemento na. Tapos ay nalimutan ko rin pala ang payong.
Naghintay ako ng ilang minuto, iniisip na maaga pa naman at baka gumalaw na rin naman ang traffic. Inabala ko ang sarili sa panonood sa mga tao sa paligid. Bukod sa mga gumagawa ng disenyong pampista, lahat ay may kanya kanyang pinagkakaabalahan. May nagwawalis at nagbubunot ng damo, may nagpipintura ng pader na naaayon sa kulay ng pista, may ilang sinasamantala ang dami ng tao at naglalako ng iba't ibang pagkain. Mayroon din namang nagkukwentuhan lang sa tabi.
Hanggang sa nahagip ng mata ko ang isang babaeng balot ng itim na scarf ang mukha. Ilang beses iyong lumingon sa likod bago lakad-takbong naglaho sa likod ng mga nakahintong sasakyan.
Si Mama iyon! Sigurado ako. Alam ko ang hubog ng katawan niya at lakad. Maging ang suot na damit, sigurado akong siya!
"Manong, dito na lang po ako. Bayad po," nagmamadali kong sabi sa driver.
Lumabas ako sa tricycle at habang hinihintay ang sukli, sinubukan ko ulit na tanawin kung saan nawala si Mama. Maraming tao sa bandang iyon kaya agad akong nalito. Dagdag pa na nagsimula nang umandar ang mga sasakyan.
Nang maibigay ang sukli, tumawid ako para subukang hanapin siya sa kung saan tumakbo. Hindi ko na siya matanaw sa kahit saan, tuluyan na yatang nalunod sa dagat ng tao. Gayunpaman, sinubukan ko pa ring hanapin.
Naglakad ako nang naglakad, sinusuri ang mukha ng nakakasalubong ngunit wala. Nakarating na lang ako sa kalye ng Mabini, kung saan mas tahimik at kakaunti ang tao, ay hindi ko nakita si Mama.
Guni guni ko lang ba iyon? Hindi ko naman nakita ang mukha. Basta alam ko lang at...naramdaman ko na baka si mama nga iyon. Mali ba ako?
Isang beses ko pang sinuri ang paligid. Bumagsak ang balikat ko at napailing dahil wala talaga kahit anino niya. Nagkamali nga lang siguro ako. Kaya naman umikot ako at naglakad nang muli para pumasok sa eskwela.
At ano naman ang sasabihin ko kung sakali ngang si Mama iyon? Hindi naman niya ako matutulungan sa problemang ibinigay niya sa akin. Sa tagal niyang wala, siguradong walang awang nalustay niya na ang pera.
Dati, iniisip kong maganda ang istilo ng pagpapalaki ni Mama sa akin. Maaga niya akong tinuruang kumayod sa buhay. Hinahayaan niya akong magdesisyon para sa sarili ko. Tinuruan niya akong alagaan ang sarili. Akala ko noon, inihahanda niya akong harapin ang masalimuot na mundo.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...