Nakakabingi ang sigawan ng mga estudyanteng sumusuporta sa amin. Halos hindi na marinig ang tugtog. Nakakahawa ang sigla nila kaya mas lalo naming ibinigay todo ang sayaw. Ito na rin ang epekto ng may home court advantage.
Sumampa ako sa likod ng lalaking kagrupo at mabagal na gumiling doon, gaya ng saad sa choreo. Lalong naghumiyaw ang mga estudyante, taga Aldersgate man o mga kalaban. Iyong iyon ang reaksyon na inaasahan ko sa mga lalaking nanonood.
Dumiretso ako ng tayo at pahigang ibinagsak ang katawan sa mga brasong nag aabang sa akin. Habang ibinababa ako, pasimple kong nilingon ang pwesto ni Jarreau. Nasa gilid siya ng court, nakatayo roon at may multo ng ngisi sa labi habang sinusundan ng mata ang bawat galaw ko.
Nginitian ko siya, naalala ang sinabi niya kahapon noong pinag usapan namin ang tungkol sa cheer dance.
"My eyes will only watch you," bulong niya sa akin.
Kaya lang, nang mamataan ko si Selene sa gilid niya na nakasuot ng magarang dress at todo make up, agad kong iniwas ang tingin. Nagtagis ang bagang ko nang maalala ang engkwentro sa kanya noong isang linggo. Hindi naman na iyon naulit at hindi na rin niya ako nilapitan. Minsan ko ring naisip na posible niya akong baliktarin, na ako ang isumbong niyang nanakit. Posible iyon dahil mayaman siya at pinapaboran pa ng administrators ng school. Kaya niyang baliktarin ang kwento.
Pero hindi niya ginawa. Mabuti naman kung ganoon. Si Jarreau ang ipinuputok ng butchi niya noon. At kung totoong gusto ako ni Jarreau, hindi ako magdadalawang isip na gamitin iyon panlaban sa kanya.
Umirap ako at nagpatuloy sa pagsasayaw.
"Go, Yassi!"
"Wooh! Ang sexy nung singkit!"
"Akin ka na lang, Yassi!"
Dinig na dinig ko ang sigawan ng mga lalaki. May kinindatan akong isa dahilan para halos dambahin ng mga kasamahan nito ang kinindatan ko. Ang effortless tuloy para sa akin na ngumiti.
Pumunta kaming mga flyers sa likod para maghanda sa huling stunt. Bumubuo na ng pyramid ang mga lalaki at nasa harap naman ang mga matatangkad na babae para sumayaw habang abala kami sa likod.
Natanaw ko si Jarreau. Wala na sa akin ang atensyon niya kundi na kay Selene. Hawak ni Selene ang kamay ni Jarreau, hinihila siya paalis pero hindi siya nagpapatinag. Ilang beses itong umiling.
Siguro dahil hindi mahila gamit ang braso, ipinulupot ni Selene ang braso sa baywang ni Jarreau. Yakap niya na ito ngayon!
Naramdaman ko ang unti unting paninikip ng dibdib. Pati ang pamumuo ng bikig sa lalamunan. Kaya iniwas ko na agad ang paningin sa kanila.
Kanina pa sila magkatabi. Ano kaya ang pinag uusapan nila? At para saan ang yakap? Hindi ko alam. Ayoko nang isipin.
Isa isa nang umaakyat ang mga kasamahan ko para sa panghuling stunt. Pinilit kong ibalik ang nawalang focus.
"Ready?" tanong ng dalawang lalaking maghahagis sa akin patungo sa tuktok.
This is the highlight. We will end this performance with a bang. At nakasalalay sa akin ang tagumpay nito. Hindi pwedeng may iba akong iniisip dahil kung hindi, mahihirapan akong balansehin ang sarili sa tuktok. Kapag bumagsak ako, sayang ang pinaghirapan ng buong squad.
Mamaya ko na lang iisipin si Jarreau. Kapag pumalpak ako rito, basted na siya! Magsama sila ni Selene.
Huminga ako nang malalim para ikalma ang sarili sa huling pagkakataon at habang naririnig ang mahabang tunog ng drums.
"1,2..." At sa huling bilang, hinagis ako mula sa likod.
Napakaraming tumili sa gulat ngunit hindi ko iyon inalintana. I landed straight and perfect on the hands of two bases. Hiyawan muli ang mga tao.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
Ficción GeneralMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...
