Nakapuntos ang team namin. Lamang pa rin ang kalaban ng walo pero ang tilian ng student body, parang nakalamang na. Nakisigaw naman ako kasabay ng cheer squad at ang ingay ng drums, hindi nga lang kasing sigla ng kanila.
Pinasukan ko ang panghapong klase, pagkagaling sa pawnshop kanina. Ayaw kong maiwang mag isa sa bahay at maghapong magmukmok. Kaya nang sinabi ni Shy na papasok siya, sumabay na ako.
Pakiramdam ko nga lang, wala pa rin ako sa sarili. Hindi rin nakakatulong na ang daming nagtatanong tungkol sa picture na iyon, at kung bakit daw nawala. Ni hindi ko nga alam na nawala dahil hindi naman na ako nagbukas ng social media. At iyong iba, hayagan kung makatawa sa harap ko dahil naloko raw sila ni Jarreau. Akala raw nila ay ako ang girlfriend nito. Hindi ko na ipinagtanggol ang sarili ko. Kasi kahit ako, naloko rin.
Masyado akong matamlay buong maghapon kaya naisipan kong manood dito, umaasa na mahawa ako sa sigla ng mga tao rito. Kaya lang, sa tuwing nasa gitna ng ingay at saya, saka naman tatawid sa isip ko ang picture. Babalik ang lungkot at iyon ang mangingibabaw sa puso ko.
Bumuntong hininga ako at umiling. Ganito lang siguro sa umpisa. Makakalimutan ko rin iyon. Hindi ko kailangan ng closure, sapat na ang luha at sakit. Maisasarado ko ang parteng ito ng buhay ko na hindi nangangailangan ng paliwanag mula sa kanya.
"Kit Enriquez for three!"
Dumagundong muli ang buong gym sa lakas ng cheer para kay Kit. Itinaas ko rin ang pom-poms na hawak ko, kahit hindi kasing taas ng ginagawa ng mga katabi ko.
Nakita kong sumulyap sa banda namin si Kit at patakbong tumuro. Nahigit ko ang hininga nang sa akin nagsibalingan ang mga katabi.
"Sa'yo tumuro!" si Kayla habang niyuyugyog ang balikat ko.
Umiling lang ako, ni hindi nga makatawa dahil sa mga naririnig mula sa hindi kalayuang upuan.
"Luh? Si Kit naman?"
"Lahat naman ng nasa team crush 'yan si Yassi."
"Akala ko si Jarreau ang jowa. Kaya siguro iba ang nasa post nung Ate niya kagabi."
Ilan lang iyon sa mga narinig ko. Kaya sa mga sumunod na puntos, nakikipalakpak na lang ako at hindi na masyadong nagcheer. Habang napapansin ako, lalo lang silang may nasasabi laban sa akin. Gusto ko ng atensyon noon, noong naniniwala akong mas marami akong maaabot na mayaman kung sikat. Ngayon, hindi ko alam kung ano ang nagbago.
Tahimik akong nanood, nakikipalakpak kapag nakakapuntos ang team namin. At sa tuwing hawak naman ni Kit ang bola, yumuyuko ako at nagkukunwaring abala sa phone para lang hindi na nila maisip na ako ang tinitingnan nito.
Ganoon ang ginawa ko sa ilang minuto hanggang sa naramdaman kong may naupo sa gilid ko. Nasa dulo ako ng bleacher at maliit na espasyo na lang iyon, alanganin pang upuan ng iba. Kaya nagulat ako at nagtaka.
Nga lang, nang balingan ko kung sino, tumigil sa pagpintig ang puso ko. Nanuot ang mamahaling pabango ni Jarreau sa ilong ko, habang nagsisimulang magulo ang utak ko habang nakikita siyang nandito sa harap ko, malamlam ang mga mata kahit pa seryoso ang kabuuang ekspresyon.
Ilang beses akong kumurap at hindi makapaniwalang nandito siya sa tabi ko. At nang sa wakas ay natauhan, agad akong umusod palayo sa kanya.
"Yassi," tawag niya at saka gumalaw din palapit sa akin.
Itinuon ko ang atensyon sa mga naglalaro kahit pa wala roon ang utak ko. Napakalakas ng kabog ng dibdib ko, para akong hihimatayin. Hindi ko naplano ang dapat gawin kung sakali ngang pupuntahan niya ako. Hindi ko alam na gugustuhin niya pang makipag usap. At lalong hindi ko inasahan na ganito kaaga!
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...