"Hindi po ba talaga pwedeng kunin ko na ngayon? Maghuhulog naman po ako," naluluha nang pakiusap ko sa staff ng pawnshop.
"Hindi po talaga pwede."
Ilang beses ko na itong binabalik balikan, paulit ulit na lang ang nagiging pakiusap ko. Hindi ko alam kung alin ang mas katanggap tanggap sa akin, ang mawala ang singsing sa kung saan o ang malamang isinangla ito ng mama ko sa halagang hindi ko kayang bayaran.
"Kahit magpirmahan po tayo sa harap ng attorney. Kailangan ko lang po talaga ang singsing. Please."
"Miss, pasensya na po pero ito ang rules ng shop. Hindi niyo po matutubos ng sampung libo ang ganito kamahal na singsing," mataray na sagot ng babae sa akin at saka inasikaso ang ibang customer.
Sinulyapan ko ang singsing. May sarili iyong lalagyang salamin, nakapatong sa pulang cushion at sentro ng atensyon ng sinumang papasok. Maraming mayayaman sa Solano kaya kapag hindi ko iyon natubos sa tamang panahon, madali iyong magugustuhan ng iba at makukuha. Iyon ang kinakatakot ko.
Hindi ko na matawagan si Mama. Gusto kong malaman kung saan niya dinala ang pera. Ang sabi ay wala pang dalawang linggo nang isangla iyon. Hindi pa naman siguro niya nagagastos lahat. Gusto kong kunin kahit magkano ang natira para lang mabawasan ang iipunin pantubos.
Pero paano kung hindi na ako sinasagot? Hindi ko alam kung saan magsisimulang hanapin si Mama. May lungga siyang hindi ko alam. At alam kong lalo siyang hindi magpapakita ngayong alam niyang may kasalanan siya sa akin.
"Ginawa ng Mama mo 'yon?" gulat na tanong ni Tita Mercy.
Hindi ako madalas tumawag sa kanya at humingi ng tulong. But this time, desperada ako.
"Opo. Partly, alam kong kasalanan ko dahil naging pabaya ako. Hindi ko naalagaang mabuti 'yung singsing."
"Pero kahit na! Hindi man lang nagtaka iyang mama mo kung bakit may singsing dyan. At hindi man lang nag isip kung bakit ganoon kamahal! Talagang kapag pera..." Matalim na nagpakawala ng buntong hininga ang tiyahin ko.
Napabuntong hininga na rin ako at pinigilan ang sariling isatinig ang idudugtong ko sa mga nabitin niyang salita.
Talagang kapag pera, malaki ang chance na mabulagan ang tao at makalimutan ang prinsipyo. Kapag pera na ang usapan, marami ang kayang talikuran ang kahit ano...kahit pamilya o sinumang mahal sa buhay. Nakakalimutan ang mga bagay na higit na mas matimbang.
Hindi ko lang magawang sisisihin nang buo si Mama. Ngayon lang siya nagkaroon ng ganitong pera. Kung hindi ba iyon singsing ko ay magagalit ako nang ganito? Hindi ko rin alam.
"Hindi ko po siya matawagan ngayon. Hindi ko alam kung saan niya dinala ang pera."
"Pasensya na anak, ha. Gustong gusto kitang tulungan. Kung hindi lang gipit, magpapadala talaga ako sa'yo agad agad," patiuna ni Tita kahit ipapasok ko pa lang sana ang panghihiram ng pera sa kanya.
Agad na nanlumo ang puso ko. Ito na lang ang huli kong bala. Alam kong kinakapos din naman sila dahil hindi madali ang buhay sa Japan, kontra sa iniisip ng ibang kakilala na mayaman sila dahil nasa ibang bansa. Nagbakasakali lang talaga ako. At mukhang mabibigo na nga.
"Okay, Tita," tipid na naging sagot ko.
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya, para bang siya pa ang nakaramdam ng guilt na walang maibigay sa akin.
"Mahina kasi ang kita ng restaurant nitong mga nakaraan dahil sa sunod sunod na malalakas na ulan. At...pabalik balik din kami ng pinsan mo sa ospital."
"Po? May nangyari ba?" naalarma kong tanong.
Si Shylene. Hindi ko na siya nakumusta mula nang umalis dito. Higit isang buwan na iyon. Problemado siya noon, malungkot...buntis. Ang huling alam ko lang ay gusto niyang itigil ang pagbubuntis.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
Ficción GeneralMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...
