Happy New Year! Thank you so much for your support and patience with me, despite me being not so active in writing anymore. I really appreciate those who remain as readers through the years and believe it or not, I find those "pangungulit" for updates cute and motivating. So thank you so much! Hopefully I'll be active again in 2023.
Praying for a prosperous new year to all of us, and may we receive all our heart's desires! Mahal ko kayo.
-monocrystal
- - - - -
Hindi ako makahinga. Hindi ko alam kung gaano na kalayo ang natakbo ko at kung nasaan na ako.
Kadiliman.
Iyon lang ang nakikita ko. Wala akong maaninag na tao kahit pa naririnig ko ang yapak ng papalapit na mga tao. Ilang beses akong luminga sa paligid para hanapin ang mga iyon.
Wala.
Muli akong tumakbo kahit pa ang sakit ng puson ko. Parang hinihiwa at pinipiga. Gusto kong magsisigaw at humingi ng tulong. Kung hindi lang parang nanunuyo ang lalamunan ko.
Sa kalagitnaan ng pagtakbo, may naramdaman akong kamay sa braso ko. Nang bumungad ang mukha ni Jarreau, malakas ang naging tili ko.
Diretso ang naging pagbangon ko. Pagdilat, maliwanag na kwarto ng ospital ang sumalubong sa akin.
"Ma'am," tawag sa akin ng nurse na nasa gilid ko.
Tiningala ko siya. Sumasakit ang ulo ko at umiikot ang paningin kaya hindi masyadong maaninag. Nang hawakan niya ako, napaigtad ako para lang iiwas iyon.
Sa isip ko, hindi totoong nurse ang nasa tabi ko. Lalaki iyon na kinukuha ang loob ko...kunwari ay ililigtas ako...at pagkatapos, pagsasamantalahan ulit ako.
Sunod sunod ang naging iling ko habang pilit lumalayo rito.
"Huwag po kayong masyadong gumalaw," anito habang maingat akong inaalalayang mahiga. Ilang saglit akong nagpumiglas ngunit dahil unti unting lumilinaw ang paningin at nakitang nurse nga iyon, nagpaubaya ako.
Hindi ko naiintindihan ang nangyayari. Bakit ako nandito? Paano ako napunta rito? Sino ang nagdala sa akin? At...ano ang sakit ko?
Tila gatilyo, bumuhos ang alaala ng nangyari. May mga taong gustong magsamantala sa akin. Pinatay sila ni Mama. Tumakas kami. Aalis ako. Iyon ang usapan namin ni Mama. Sasakay dapat ako sa tricycle, hindi ba?
Pero...
Napahawak ako sa tiyan nang maalala ang nangyari. Dugo! May dugo sa hita ko.
Muli akong bumalikwas ng upo, tinanggal ang takip na kumot at tiningnan ang hita. Dinig ko ang pagsinghap ng nurse.
Walang kahit ano roon. Ayos na ako. Kaya kailangan kong hanapin si Mama. Nasaan siya? Ano ang nangyari pagkatapos kong mawalan ng malay? Hindi ako makakapahinga rito nang hindi nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.
"Ma'am, kailangan niyo po ng pahinga!" naalarmang pigil noon sa akin dahil pinilit kong tumayo.
Muli, kakaibang sakit sa puson ang naramdaman ko. Napakapit ako sa higaan at mariing kinuyom ang kamao.
"Anong...anong nangyari sa 'kin?" sa wakas ay naitanong ko.
Napaluhod ako sa sahig, hindi makayanan ang tila paghiwa sa laman ko. Nararamdaman ko ang paglabas ng likido mula sa akin. Wala akong magawa kundi dakutin ang bedsheet para kumuha ng lakas.
Patakbo akong dinaluhan ng nurse.
"Ma'am, makakasama po sa inyo ang ginagawa niyo eh. Mahiga po muna kayo."
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...