We're married!
Ang bilis at hindi ko magawang paniwalaan. Ganoon lang, naikasal kami nang walang nakakaalam. Akala ko noon ay magarbong kasal ang pangarap ko, iyong maraming pagkain at maraming bisita. Hindi ko alam na mas ramdam palang totoo kapag kaming dalawa lang.
Hindi ako handa rito pero si Jarreau, sobra. Nagawa niya akong bilhan ng simpleng white dress, off shoulder iyon at lagpas sa tuhod ko. Puting coat naman ang sa kanya at sa halip na mamahaling alahas, iyong bracelet na bigay ko ang suot niya.
"It therefore gives me great pleasure to pronounce you are now husband and wife. Congratulations! You may now kiss your bride."
Sabi nila, mapapayapa raw ang puso, ang isip at ang buhay kapag pinag iisipang mabuti ang bawat desisyon. Kapag hindi nagpapadalos dalos. Pang habang buhay itong pinasok ko. Wala nang atrasan.
Pumikit ako at dinama ang sarili. Hindi ko masasabing pinag isipan kong mabuti ang bagay na ito, ni wala ito sa planong bakasyon. Pero wala akong makapang kaba o pag aalinlangan.
Siguro may mga desisyon lang talaga sa buhay na hindi na kailangan pang patagalin. Dahil ano man ang idulot noon sa buhay natin, maganda o hindi, handa nating tanggapin...kapalit ng kakaibang kapayapaan katulad nito.
"Good morning, Mrs. Dela Siervo," Jarreau whispered behind me, pulling me more to him as if the space wasn't zero at all.
Inikot ko ang sarili para humarap sa kanya. Saka ko ibinaon ang mukha sa kanyang leeg.
Mrs. Dela Siervo.
Alam kong minsan kong pinangarap ang makapangasawa ng mayaman para iahon ang sarili. Ngayon, totoong ang yaman yaman ng pakiramdam ko. Hindi iyon dahil isa siyang Dela Siervo kundi dahil alam kong mapupuno niya ng mayamang pagmamahal ang pamilyang bubuuin namin.
Naramdaman ko ang pagbuntong hininga niya. Magkasalo kami sa iisang kumot at sa ilalim noon ay tanging underwear lang ang mayroon kami. Mataas na ang araw pero pareho kaming walang lakas na bumangon. Hindi ako nagrereklamo dahil mas gusto ko pa rito sa bisig niya, magpakalunod sa mainit niyang yakap.
"I'm sorry if it was just a very simple wedding," bulong niya maya maya.
Nangunot ang noo ko. Niluwagan ko ang yakap sa kanya at hinarap siya. Malamlam ang mata ni Jarreau, para bang malungkot sa nangyaring kasal kahapon gayong iyon ang pinakamasayang araw sa buhay ko.
"I would have wanted to marry you in a church, with all our relatives as witnesses. I would have wanted--"
"Masaya ako sa kasal natin kahapon. Wala na akong ibang hihilingin pa, Jarreau," pagputol ko sa kanya.
Totoo iyon. Gusto ko ang ideya na pakasalan siya sa harap ng kamag anak namin. Lima lang kami sa opisina ng huwes kahapon--kami ni Jarreau, ang huwes at dalawa nitong assistants bilang witnesses. Hindi namin sila kilala. Pero hindi noon nabawasan ang sinseridad ng mga pangako namin sa isa't isa.
Sa huli, naramdaman kong hindi kung gaano kagarbo ang kasal, hindi sa dami ng bisita, o sa ganda ng kasuotan nasusukat ang pagmamahal. Kahit pa iisa ang engagement at wedding ring, ayos na ayos lang. Wala akong ibang magiging ideal wedding kundi ang nangyari kahapon.
Tipid siyang tumango bago pinatakan ng halik ang noo ko. Nagtagal iyon doon at ramdam na ramdam ko ang kung anong bumabagabag sa kanya.
"Parang hindi ka masaya," biro ko nang humiwalay siya.
"Hindi mo alam kung gaano ako kasaya na asawa na kita."
"Weh? Patingin nga ng masaya?"
Hindi man lang siya ngumiti. Tumitig lang sa akin gamit ang malamlam na mata kaya ngumuso ako at mapaglarong hinawakan ang gilid ng labi niya para piliting lagyan iyon ng ngiti.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
General FictionMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...