Sinubukan ko naman. Nang ilang beses! Kaya lang, nahihirapan talaga ako. Ramdam ko ang matinding pagpapahalaga ni Jarreau sa singsing at ang saya niya sa tuwing nakikita iyon sa akin.
May mga pagkakataon kapag hinahalikan niya ako, aakalain kong sa dibdib ko ang tungo ng kamay niya. Iyon pala, sa singsing dadapo iyon at magtatagal. Palagi niyang binabanggit na gusto niya na akong pakasalan. Gusto ko rin naman kung hindi lang ako takot na ulanin siya ng insulto mula sa kapwa mayayaman. Isang Dela Siervo, pakakasalan ang isang iskwater? Hindi ba't katawa tawa iyon?
Sanay ako sa insulto. Kaya kong balewalain ang mga iyon kung kailangan. Pero paano siya?
"Konting damit lang ang dalhin mo," kabilin bilinan ni Jarreau nang ihatid ako sa bahay.
Nasa sasakyan niya kami at laging hirap na hirap na pawalan ang isa't isa tuwing gabi. Gusto ko nang pagalitan ang sarili kung bakit ako nagiging ganito kabaliw sa lalaki. Ang bilin pa naman ni Mama, lalaki daw dapat ang mababaliw sa akin para ibigay lahat ng hilingin ko.
Gusto kong umirap. Materyal na bagay ang gusto ni Mama pero kay Jarreau, tanging oras at atensyon lang ang hinihingi ko. Ni ayaw kong gastusan niya ako kahit pagdating sa Maynila. Nga lang, alam kong siya pa rin ang masusunod.
"Marami tayong pupuntahan, hindi ba? Mas dapat na marami akong dalhin," pagkontra ko.
Mapaglaro siyang ngumisi sa akin at saka ako hinila para halikan sa pisngi.
"Hindi pa sigurado kung marami tayong pupuntahan o magkukulong na lang sa condo ko."
Tinulak ko ang balikat niya. Tawa siya nang tawa. Matalim ang titig ko sa kanya pero hindi na rin naman mapigilan ang pagsibol ng ngiti.
Kagat ko ang labi habang nag iimpake, isang gabi bago ang biyahe namin. Bumili ako ng isang sexy na sleepwear, kulay pula at halos see through na. Hindi ko naman na kailangang akitin si Jarreau pero gusto ko lang makita ang reaksyon niya kung sakali.
May ilan din akong binili, mga dress at blouse kung sakaling dadalhin niya ako sa opisina nila. Punong puno ang maliit kong maleta sa mga iyon. Isang linggo ang bakasyon namin at pakiramdam ko, masyado naman yatang marami itong dala ko.
Binuksan ko ulit ang maleta, umupo sa sahig at namili ng mga tatanggalin. Ganoon ang ayos ko nang biglang bumukas ang pintuan ng bahay. Sa gulat, napasinghap ako at nagmamadaling sinarado ang maleta, walang pakialam kahit gulo gulo iyon. Agad ko iyong itinago sa likod ko kahit wala naman nang kwenta gawin iyon.
"Anong ginagawa mo?" tanong ni Mama, tunog galit at naaalarma ang tono.
Malalaki ang hakbang niyang nilapitan ako habang kunot ang noo.
"Ano 'yan?"
"P-po?"
"Bakit ka nag iimpake?" nanggagalaiti niyang tanong habang sinusubukang tingnan ang likod ko. "Lalayas ka?"
"H-hindi po! Magbabakasyon lang, Ma."
Nanginginig ako kahit pa totoo naman ang sinasabi ko. Hindi ko inasahang uuwi siya at mag aabot kami rito. Ang plano ay iiwanan ko siya ng note at iti-text din naman bilang pagpapaalam. At balak kong gawin iyon kapag nakaalis na para kung sakaling hindi niya payagan, wala na siyang magagawa.
"Magbabakasyon? Saan iyan at bakit ganyan karami ang dala mo?"
"S-sa.. Maynila po."
Malakas na napasinghap si Mama. Nang diretso na ang titig ko sa mata niya, hindi na galit kundi gulat at pagkamangha na ang naroon.
"Pupunta kang Maynila? Sino ang kasama mo?"
Tuluyan na ngang nag iba ang tono ni Mama. Nagniningning na ang mata niya at para bang interesadong interesado sa susunod kong sasabihin.
BINABASA MO ANG
Pawned (Gold Digger Series #2)
Fiction généraleMayaman lang ang pwedeng manligaw kay Yassi Hernandez. Iyon ang pinakatumatak na utos ng Mama niya sa kanya. Kaya mula nang nagkaisip at natutong makisalamuha sa mga lalaki, mayayaman lang ang pinapansin niya. Biglaan at hindi inaasahan ang naging p...