Nineteenth

993 32 6
                                    

Takip ang bibig at nanginginig, napaluhod ako. Ilang beses kong tiningnan para ikumpirmang ang boyfriend ko nga ang nasa litrato, ilang beses ding sinaksak ng katotohanan ang puso ko.

Si Jarreau ito. Namumula ang mukha, kung sa alak o sa kakatawa o sa kilig dahil sa babaeng nakapatong sa kanya, ayaw ko na lang alamin. Post ng kapatid niyang si Nei ang litrato. Selfie niya iyon, actually at nasa malapit na likuran lang si Jarreau at ang babae. May caption pang 'go siz in law!' iyon. Sunod sunod ang dagsa ng notifications ko. Tina-tag nila ako sa comments at marami ang nag aaya sa aking uminom. May mga komento ring pumupuri sa babae...kinukumpara kami. Lalo lang nanikip ang dibdib ko.

Looking at the woman on my boyfriend's lap, I couldn't help but look down on myself. Maganda, mahaba ang binti, magandang magbihis at tindig mayaman. Bagay na bagay sa mga kalibre ni Jarreau...kung sakaling hindi pa nga sila naglandian kagabi.

At higit sa lahat, aprubado ni Nei. Who knows baka pati ng Kuya niya at ng isa pang kapatid? Eh ako? Hindi man lang maipakilala sa pamilya niya. Oo, nadala na ako sa mansyon nila pero mga kasambahay lang ang nakakilala. Hindi pa nga alam na girlfriend ako. Ni hindi man lang nga niya ako inalok na sumama sa kanya sa Maynila! Kahit alok lang sana!

Pero para saan pa ba, hindi ba? Hindi ko rin naman alam...baka iyon pala ang totoong girlfriend. Baka nga libangan lang niya ako rito sa probinsya. Baka bumalik na siya sa Maynila dahil nakuha naman na niya ako. May nangyari na sa amin. Naibigay ko na ang lahat sa kanya.

Baka totoo ang pakiramdam ko noon na ginagamit niya lang ako para sa isang bagay. At baka dahil lang talaga sa katawan ko.

Nag unahan ang mga luha ko sa pagbagsak habang nagsusumiksik ako sa sulok ng maliit kong higaan, yakap ang dalawang binti. Hindi ba't sinabi kong tanggap ko namang hindi ko siya deserve? Na kung aalis siya sa buhay ko ay maluwag kong tatanggapin?

Totoo naman 'yon. Ang sakit nga lang kapag nandito na ang sitwasyon. Mas madaling magsabi kaysa totoong magbigay at magpalaya. Ang hirap pawalan ng isang bagay na ngayon mo pa lang nahawakan pero minamahal at pinahahalagahan mo.

Ano ba kasing pumasok sa isip ko at pinatulan ko siya?! Alam ko na ngang komplikado siya simula pa lang. Ang dami daming mayaman dito sa Aldersgate lalo naman sa Solano, pero bakit sa kanya pa talaga na bagong dating ko napiling mahulog?

Kaya kung nasasaktan man ako sa nangyayari, deserve ko ito. Kasi hindi ako nag iisip bago magmahal. Padalos dalos ako. Masyadong nagpakatanga at nagpakabulag.

I blocked Jarreau's number and social media. Hindi ko alam kung kakausapin niya pa ako pagkatapos nito at kung magpapaliwanag siya. O kung gusto ko bang marinig iyon.

Kasi may sapat bang paliwanag sa ginawa niya? Boyfriend ko siya eh. First boyfriend ko pero alam ko namang dapat ako lang ang uupo sa hita niya! Ako lang dapat ang hahalik sa pisngi niya! Eh bakit may iba?!

Lalong bumuhos ang luha ko habang dinadamdam ang sakit ng puso. Siguro ganti ito ng tadhana sa lahat ng panggagamit na ginawa ko sa mga lalaki noon. I made them crave for me, to the point na kusa silang magbibigay ng kahit ano para makuha ako. Ginamit ko ang nararamdaman nila sa akin para ako naman ang mabuhay.

Kaya ngayong ako na ang tuluyang bumigay, ako naman ang naloko. A dose of my own medicine, right? Pwedeng pwede nang magsaya ang mga lalaking napaasa ko.

Abala pa sa paghikbi at sa pag-self pity, malakas muling bumukas ang pinto. Sa takot kong baka si Mama ulit iyon at baka makita ako sa ganitong estado, agad akong nahiga at nagtalukbong ng kumot. Tinakpan ko ng palad ang bibig para pigilan ang pagkawala ng mga hikbi.

Sa unang pagkakataon, hiniling kong huwag akong pansinin ni Mama. Na sana saglit lang siya dahil ayaw kong magtanong siya kung ano ang nangyari sa akin.

Pawned (Gold Digger Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon