Part 30

166 16 0
                                    

PAGBUKAS ni Lex sa trunk ng kotse niya ay tumambad sa akin ang isang malaking maleta, isang sports bag, isang golf bag, tatlong shoe bags, golf clubs at isang pink drawstring bag. Ang sabi sa akin ng lalaki ay hindi na niya kailangan pang bumili ng mga kakailanganin sa ilang araw na pananatili roon dahil may mga gamit sa kotse niya. Totoo naman. Mukhang dala na niya ang bahay sa likod ng kotse.

Tinapik ni Lex ang malaking maleta. "Para sa biglaang trip o sa mga ganitong pagkakataon na hindi ako makakauwi. Lagi lang naka-ready 'yan. Pati bag ko sa gym at golf." Mukhang may naalala siya. "Wait. Nadala ko ba 'yong...?" Humakbang ang lalaki papunta sa driver's seat at binuksan ang pinto ng kotse. Mukhang may hinahanap siya sa glovebox.

Dinampot ko ang pink drawstring bag dahil na-curious ako kung bakit pink ang kulay. May kraft box sa loob. Pagbukas ko ay tumambad sa akin ang magical push-up bra! Dala rin ito ni Lex araw-araw? Bakit? Para ba kung sakaling makita niya si Ella ay maibigay agad iyon? O sadyang na-attach na siya sa brang iyon kaya gusto niyang palaging kasama kahit saan magpunta?

Nang marinig ko ang pagsara ng pinto ng kotse ay mabilis kong isinara ang kahon at ibinalik ang bag sa pinagkuhanan ko bago pa makita ni Lex. Puwedeng-puwede ko palang ipuslit ang magical bra anytime habang magkasama kami.

Nagpilit siyang sumama sa akin sa Barangay Matamis dahil gusto raw niyang mag-unwind. Break daw muna sa trabaho. Kunsabagay ay isa rin naman iyon sa mga rason kung bakit nag-decide akong manatili rito bukod sa gusto ko talagang bantayan ang kalagayan ni Kuya Gerry. Gusto ko ring ng break sa paulit-ulit na routine araw-araw.

"Pasok ka na," sabi ni Lex nang makabalik sa tabi ko. "Dadaan muna tayong mall para makabili ka ng mga kailangan mo bago tayo magpunta sa Sitio Libay, 'di ba? Sabi mo, walang mall doon."

"Walang mall, walang restaurant at wala ring Internet. Mobile data lang. Walang hot and cold shower, tubig-poso lang. Walang luxuries, buhay-baryo lang. Sigurado ka ba talaga na sasama ka roon?"

Tumango si Lex dahil mukhang hindi alam kung ano ang naghihintay sa kanya sa liblib na lugar na iyon na dadaan pa sa gitna ng maraming bangin bago mapuntahan.

"Okay. Pero I'm sure, kapag naranasan mo na ang buhay roon nang isang araw, magbabago ang isip mo. Marami namang luxury hotels at beach resorts dito sa Batangas. Puwede kang mag-transfer doon kapag gusto mo nang umalis sa Sitio Libay. Mas makakapag-unwind at relax ka roon."

Nagkibit-balikat lang si Lex. Humakbang na ito papunta sa pinto ng driver's seat matapos isara ang trunk.

Hindi ako makapaniwalang magkasama kaming dalawa ni Lex sa malayong lugar nang kaming dalawa lang. Parang gusto ko tuloy mag-feeling na couple's leisure trip ito. Somehow, excited akong makasama siya.

Tinapunan ko ng tingin ang trunk bago ako humakbang papunta sa passenger seat. Kukunin ko ang magical bra isa sa mga araw na ito at kailangang hindi maghinala si Lex na ako ang kumuha niyon.

Dederella And The Magical Push-up BraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon