G
ALING ako sa bahay nina Ate Nene para kunin ang meryendang ginataang bilo-bilo pero pagpasok ko sa bahay nina Lola Remy ay nakita ko si Buboy na nakaupo sa sala. Wala itong suot na pang-itaas at may dalang maliit na bag.
"Ano'ng ginagawa mo rito, Buboy?"
"Pupunta kami ni Tiyo Lex sa batis. Hinihintay ko siya."
"Batis?" Naalala ko ang batis na dalawang kilometro ang layo mula roon. "Niyaya ka niyang magbatis?"
"Ay, ako ang nagyaya sa kanya. Gusto ko kasing maligo sa batis, eh, ayaw akong payagan ni Nanay kung wala akong kasamang malaki. Iyong mga kalaro ko ay ayaw payagan kasi ay noong nakaraa'y biglang lumakas ang agos ng tubig at may batang taga-kabilang baryo ang natangay."
"Ayaw kang payagan kasi pasaway kang bata ka."
Nag-make face sa akin si Buboy.
Lumabas si Lex mula sa kuwarto na nakasuot ng shades, sandong puti at board shorts. Batis lang ang pupuntahan pero ang hitsura parang magbi-beach. Siguradong kapag nagtampisaw na ang lalaki roon ay magiging classy na ang dating ng batis na iyon.
"Nandiyan ka na pala," puna niya sa akin. "Sama ka."
Nagtalo pa ang loob ko kung sasama ako. Ang sabi ko kasi sa sarili ay medyo babawasan ko na ang dumikit-dikit kay Lex dahil baka totoong iniisip niyang may gusto pa rin ako sa kanya.
Napansin kong nakatingala sa akin si Buboy na mukhang hinihintay ang sagot ko pero walang ekspresyon ang mukha. Wala man lang pang-e-encourage ang batang ito. Parang ayaw akong sumama.
Napuna kong masyadong malapit si Buboy kay Lex. Mahilig itong bumuntot-buntot at sumasama sa mga lolo at ama sa tuwing kasama ang binata. Kung babae lang ang bata, iisipin kong pati ito ay kasali sa fans club ni Lex sa baryo na palaging nakatunganga sa binata sa tuwing nagbobomba siya ng poso at nagsisibak ng kahoy.
Minsan pa nga ay naghubad si Lex ng shirt dahil pawis na pawis habang nagbobomba ng poso sa katanghaliang tapat. Ang sabi ni Kuya Mario ay muntik nang magsi-collapse ang mga dalaga. Sayang nga lang at wala ako roon dahil tumulong ako kay Tiya Nanet na mamitas ng mga kamatis at ampalaya. Miski as early as eleven year-old girl ay nagniningning na ang mga mata sa tuwing nakakasalubong si Lex.
Bumalik ang tingin ko sa binata nang makarinig ng tunog ng spray. Nag-i-spray ng sunblock ang loko. Mukhang excited nang mag-trek nang thirty minutes at lumangoy sa batis. Nang ipasok niya sa loob ng sando ang sunblock spray at wisikan ang tiyan ay nasilip ko ang patikim ng abs ni Lex.
Mabilis akong nagbawi ng tingin. Ibig bang sabihin ay makikita ko ulit ang abs niya kung sasama ako sa batis?
"Okay. Sama ako." Nakita ko ang disappointment sa mukha ni Buboy. "Kukuha lang ako ng damit."
"UTOY, bakit parang hindi ka masaya na kasama ako?" tanong ko kay Buboy habang naglalakad kami sa trail na papunta sa batis.
"'Wag mo nga akong tawaging 'utoy,'" masungit na sabi ng bata.
"Bakit? Utoy ka naman talaga, ah."
Naggirian ang mga ngipin ng bata. "Magpapatuli na ako sa isang buwan!"
Nakita ko ang pagngisi ni Lex. Mukhang nakuha niya na bukod sa 'batang lalaki' ay may iba pang meaning ang katawagang 'utoy.'
"Utoy," pang-aasar ko.
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomanceA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.
