NAGISING ako nang masakit ang pantog at gusto nang magbanyo. Antok na antok pa ako kaya hindi ko na pinagkaabalahang hawiin ang mahaba at gulu-gulong buhok na nakatabing sa mukha ko. Kabisado na ng mga paa ko ang papunta sa banyo sa second floor kaya kahit nakapikit ay kaya kong puntahan iyon.
"O, Sachia!"
Natigilan ako sa paglalakad sa hallway nang marinig ang boses ni Lex. Saka lang nagising ang buong diwa ko.
Shet na malagkit. Dito nga pala sa bahay ko natulog sina Kuya Gerry at Lex kagabi at naglasing din ako na tulad nila. Naalala ko ang mga pinaggagawa ko habang tulog na tulog si Lex.
"Gising ka na rin pala," patuloy niya.
Dapat ay hinahawi ko na ang buhok ko para makita ang lalaki pero hindi ko ginawa. Ayokong makita niya akong mukhang bruha sa umaga. Baka may muta at natuyong drool pa ako sa gilid ng mga labi.
"Tara, breakfast na tayo. Nagluto yata 'yong kuya mo."
Nanlaki ang mga mata ko nang maramdamang may palad na lumapat sa kaliwang dibdib ko. Mabilis ring inalis ni Lex ang kamay niya. Nang hawiin ko ang buhok ay nakita ko siyang nakataas ang isang kamay at nakatitig sa dibdib ko. Halata ang pagkabigla sa mukha niya nang magtagpo ang paningin namin.
Dinakma ba talaga ni Lex ang dede ko?
"Ah..." sambit niya na halatang hindi alam ang sasabihin. "Sorry... Akala ko kasi... nakatalikod ka."
Inakala ni Lex na nakatalikod ako dahil nakatabon sa mukha ko ang buhok... o dahil mukha ring likod ang harap ko kasi ay flat?
Kusang nanggirian ang mga ngipin ko sa pagkapahiya at pagkainsulto. Itinulak ko si Lex at mabilis nang humakbang papunta sa banyo.
HABANG kumakain kaming tatlo ng breakfast ay hinahanapan ko ng apologetic look si Lex tuwing tumitingin sa akin pero wala. Ang gana pa sa pagkain ng mokong. Parang walang nangyari kanina. Parang wala siyang kasalanan sa akin.
I mean, hindi naman ang hindi sinasadyang paghawak ni Lex sa dibdib ko ang kasalanan niya—dahil wala naman siyang makakapa rito—kundi ang pag-aakala niyang nakatalikod ako. Napakasakit na manggaling iyon sa mismong lalaking mahal ko.
"Mukhang masama ang gising mo, Chia, ha," puna ni Kuya Gerry sa akin.
"Masama lang 'yong panaginip ko kagabi," pagdadahilan ko.
Nakakaasar na "panaginip." Nang sumuka si Lex kagabi pagkatapos titigan ang dibdib ko ay nagising na ako sa ilusyon ko. Inalis ko ang lahat ng mga kandila sa kuwartong tinutulugan ng lalaki at lulugu-lugong bumalik sa silid ko. Hinubad ko ang nighties, push-up bra at pads at isinuot ulit ang sleepshirt. Na-realize ko kagabi na wala akong K na magsuot ng nighties. Hanggang cute na sleepshirt na may cartoon characters print lang talaga ako.
"Talaga?" sabi ni Kuya Gerry. "Ako naman, maganda 'yong panaginip ko kagabi. Kaso paggising ko, hindi ko na maalala."
Tumingin ako kay Lex nang mapansing nakatitig siya sa akin.
"Nanaginip din ako kagabi, eh," pagse-share ni Lex. "Sa panaginip ko, naalimpungatan daw ako. May nakita akong babae sa kama ko. Nakasuot siya ng nightgown. Nakaluwa 'yong dibdib. Pag-angat ko ng tingin, nakita ko 'yong mukha si Sachia."
Shit! Pinigilan ko ang magpakita ng reaksiyon. Akalain mo at naalala talaga ni Lex ang tagpong iyon?
Naibuga ni Kuya Gerry ang kanin mula sa bibig. "Nakaluwa ka 'mo 'yong dibdib? Ni Sachia? Pati sa panaginip mo, lasing ka, 'tol?" Binuntutan nito ng tawa ang sinabi.
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomanceA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.