DAHIL proud ako sa atensiyon at paghanga ni Ferdie kahit hindi malaki ang boobs ko, nagpaunlak ako sa lalaki nang yayain akong mag-early lunch sa bahay nila. Kasama kong kumain sina Ka Erning, Ka Lupe, Ate Susan at Mary. Hindi naman ako nagsisi sa pagsama dahil napakasarap ng luto ni Ka Lupe. Nabusog ako. Pati sa kuwentuhan ay nag-enjoy ako.
Masiyahing tao ang pamilya ni Ferdie. Mukhang masuwerte ang magiging girlfriend o asawa ng binata dahil mabait ang pamilya nito.
"Gusto ka nila," sabi ni Ferdie habang naglalakad kami papunta sa plaza.
May mga pandekorasyon kasing ipinahahatid ang ate nito roon. Si Ate Susan ay isa sa mga tagapangasiwa ng pagsasaayos ng venue para sa programang magaganap bukas.
Ngumiti ako. "Nakakatuwa sila. Ang saya ng pamilya n'yo."
"Bakit?" Lumarawan ang curiosity sa mga mata ni Ferdie. "Ang pamilya mo ba'y hindi masaya?"
Hindi kaagad ako nakasagot. Napilitan na rin akong sabihin ang totoong sitwasyon sa buhay dahil malalaman din naman nito iyon sa mga kamag-anak ko kapag nagtanong ito.
"Ulila na ako. Teenager pa lang ako nang mawala ang mama ko. Ang papa ko, mahigit isang taon pa lang noong mawala siya. Wala akong kapatid. May madrasta pero walang pakialam sa akin. May stepsisters pero masasama ang mga ugali. Kaya ngayon, mag-isa na lang ako. Wala na akong pamilya."
Halatang natigilan si Ferdie sa narinig. Lumarawan ang matinding habag sa mukha nito. Sa gulat ko ay ibinagsak ng lalaki sa lupa ang dalang box at niyakap ako. Hindi ako nakakilos sa pagkabigla sa ginawa nito.
"Kawawa ka naman, Sachia. Nakakalungkot naman ang buhay mo..."
"T-teka..." Sinubukan kong kumawala rito pero mahigpit ang pagkakayakap sa akin.
"Hindi mo man laang makakasama ang mga magulang mo sa pagtanda nila. Kapag ikinasal ka, hindi mo mararanasan ang may amang maghatid sa iyo sa altar... Kung ganiyang mag-isa ka na laang sa buhay, dapat siguro ay humanap ka na ng nobyo na makakasama mo at posibleng maging asawa. Dapat siguro, sa lalong madaling panahon ay bumuo ka na ng sarili mong pamilya..."
Nanlaki ang mga mata ko nang matanaw si Lex na papalapit sa amin. Magkasalubong ang mga kilay niya. Pilit akong kumawala sa yakap ni Ferdie. Ibinigay ko na ang isandaang porsiyento ng lakas ko para makalas ang maskuladong braso nito sa pagkakahapit sa akin.
"Walang malisya 'yong nakita mo," paliwanag ko agad kay Lex na kaagad na nakalapit sa amin. "Inaalo lang niya ako."
Kung makadepensa naman ako, akala mo ay may relasyon kami ni Lex at nahuli niya akong nangangalunya. Nagsisi rin ako pagkatapos. Dapat ay hinayaan ko na lang si Lex na isiping may budding romance sa pagitan namin ni Ferdie para hindi na niya ako akitin pa.
Tumingin si Ferdie kay Lex at ganoon din ang huli. Nagsukatan ng tingin ang dalawa.
"Aba'y..." tanong ni Ferdie, "sino ka ga at bakit ganiyan ka makatingin sa akin, brod?"
Kung makatingin nga naman si Lex kay Ferdie ay parang kapag pumalag ang huli ay makakatikim ng bigwas ito.
"Boyfriend mo ba siya, Sachia?" tanong ni Ferdie habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.
Wish ko lang pero... "Hindi ko siya boyfriend."
"Kaya nga, hindi ba? Ang sabi mo kanina ay wala kang nobyo. Pero sino siya?"
"Kaibigan ko lang siya. Siya si Lex. Kasama ko siya rito na nagbabakasyon."
"Ay, kaibigan lang pala, eh. Bakit para ba gang nagseselos?"
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomansaA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.