HINDI ako makatulog kaya lumabas na lang ako ng bahay para panoorin ang ginagawang preparasyon ng mga tao para sa selebrasyon ng Sinukmani bukas. Si Lex ay sumama kina Tiyo Lito sa pananiman ng palay.
Nakita ko ang ilang taga-baryo na abala sa pagkakabit ng dilaw na mga bandera. Iyon yata kasi ang color motif ng Sinukmani Festival. Napuna ko ang isang lalaking may malaking biceps na tumutulong sa pagkabit ng bandera. Mukhang may hitsura base sa profile nito. Hindi mukhang probinsiyano dahil medyo maputi ang balat.
"Sachia," tawag sa akin ni Ate Nene. Lumapit siya sa akin at tumingin din sa tinitingnan ko. "Naalala mo iyong sinabi ko sa iyo? Iyong binatang anak ni Ka Erning? Siya iyon. Kararating lang kaninang umaga."
"Ah..." Tumangu-tango ako. Nakatalikod na sa direksiyon namin ang lalaki. Nakita ko tuloy kung gaano kalapad ang mga balikat nito. Hindi ko alam kung kanino ang may mas malapad na mga balikat sa kanila ni Lex pero sa palagay ko ay mas matangkad ang huli rito nang one to two inches.
"Gusto mo ba'y ipakilala kita?"
"Huh?"
"'Di ba ay naghahanap ka ng potensiyal mong magiging nobyo? Ay, bakit hindi na laang si Ferdie? Tutal ay pareho kayong nasa Maynila. At sinabi sa akin mismo ni Ka Lupe na walang nobya si Ferdie. Ay, baka kayo na ang naghahanapan."
Natawa ako. "Wagas ka rin makareto, 'no, 'Te 'Ne?"
"Ay, ayaw mo ba ga? Guwapo naman si Ferdie."
Humarap si Ferdie sa direksiyon namin dahil may tumawag dito at nakita ko ang buong mukha ng lalaki. In fairness, guwapo nga.
"Maraming kadalagahan dito ang may gusto sa kanya. Tulad din siya ni Lex na maraming pans dine. Para iyang artista sa tuwing dumarating. Ang tipo niya ay iyong Manilenya. Sa ganda mong iyan, malamang na magustuhan ka niya."
Pagkarinig sa pangalan ni Lex ay napaisip ako. Gusto kong patulan ang pang-aakit ng lalaki sa akin pero natatakot akong matuklasang ilusyon na naman ang lahat at malamang ay wala talagang balak si Lex na dyowain ako. Ayoko nang masaktan na tulad ng nangyari noon.
Kailangan kong subukang ibaling sa iba ang atensiyon ko. Baka sakaling may biglang makabura sa damdamin ko para kay Lex. Paano nga kaya kung si Ferdie na iyon?
"Hmm... tingnan natin. Pero sigurado kang hindi siya mahilig sa malaki ang boobs, ha."
Tumawa si Ate Nene. "Ay, hindi lahat ng lalaki ay tumitingin doon, eh. Halika. Sumama ka sa akin. Kunwari ay makikiusyoso tayo roon. Pero kapag napansin ka niya at makitang hindi ka pamilyar, ipakikilala kita."
Sumama nga ako kay Ate Nene. Nang makalapit kami ay kinausap nito ang mga nagkakabit ng bandera.
"Ay, gusto niyo ba ga ng maiinom?" alok nito.
Nagsitinginan sa amin ang mga kalalakihan. Actually, lahat ay tumingin sa akin. Batid ko na may ilang binata sa baryo ang humahanga sa akin pero hindi sila pumoporma dahil bukod sa taga-Maynila ako ay may kasama akong lalaki noong pumunta ako roon.
Sinalubong ko ang tingin ni Ferdie na nakatapak sa ikalawang baitang ng hagdang yari sa kahoy na nakasandal sa katawan ng puno. Kapansin-pansin ang pagkatigil nito. Nakita ko ang paglarawan ng paghanga sa mga mata ng binata. Gumalaw ito para siguro bumaba sa hagdan pero na-out of balance kaya nahulog ito. Buti na lang at may lalaki sa likod nito na umalalay kaya hindi natumba si Ferdie.
Parang balewala naman sa lalaki ang nangyari. Humarap ito at ngumiti sa akin.
"Ate Nene, may kasama ka yatang magandang dilag. Sino siya?"
Medyo may Batangueño accent pa rin si Ferdie pero halatang naka-adapt na sa tono ng mga taga-Maynila.
"Siya si Sachia. Apo ng kapatid ni Lola Remy. Pininsan ko siya. Malayong pinsan."
"Ah, siya 'yong sinasabi ni Ka Lito na bumisita rito noon pero wala ako noon. Nasa Maynila ako at hindi nakauwi para sa Sinukmani."
"Oo, siya nga."
"Ay, totoo naman palang maganda," nakangiting sabi sa akin ni Ferdie nang harap-harapan.
Kung hindi ko lang alam na lumaki ito sa Batangas ay iisipin kong fuckboy ito. Wala man lang subtlety. Hayagan ang paghanga. Pero mas okay nga siguro ang ganito kaysa iyong mga torpe o humahanga pero nagpapanggap na walang interes dahil sa ego.
Inalok ni Ferdie ang kamay. "Ako nga pala si Ferdie. Anak ni Ka Erning."
Tinanggap ko ang kamay nito. "'Nice to meet you."
"The pleasure is mine." Mukhang sanay na ring mag-Ingles nang matira sa Maynila. "Sorry nga pala kanina, nahulog ako... Nahulog sa iyo." Ngumiti ang loko. 'Pa-punchline pala.
Naghiyawan ang mga chuwariwap ni Ferdie sa likod. Si Ate Nene naman ay humagikgik.
Awkward na ngumiti lang ako. Wow. Ang bilis ng mokong na ito, ha.
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomanceA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.