Part 34

145 14 1
                                    


NAKAUPO ako sa mahabang bangkong yari sa kawayan sa ilalim ng puno habang pinanonood ang pakikipagkuwentuhan ni Lex kina Lolo Tomas, Tiyo Lito at isa pang lalaking kaedaran ng huli na panay ang himas sa alagang manok na pula. Medyo malayo sila kaya hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila. Mukhang enjoy naman ang binata sa pakikipagtsimisan sa mga taga-Sitio Libay. Baka ipinagyayabang niya ang negosyong panties at bra kaya mukhang amazed na amazed ang male oldies.

Sino ba kasi ang mag-aakalang biglaan akong magbabakasyon doon at mapapadpad si Lex sa lugar na iyon? Pero aaminin ko sa sariling natutuwa ako dahil nagkaroon ako ng pagkakataong makasama si Lex. Kung hindi siya mapapasaakin, solb na ako na makasama siya rito kahit sandali.

Ang sarap nga ng tulog ko kagabi sa lapag ng kuwarto nina Lola Remy kahit maingay ang hilik ni Lolo Tomas sa kama. Knowing na makikita ko si Lex umaga pa lang, kakaiba sa feeling.

Nang tumunog ang cellphone na hawak ko ay sinagot ko agad iyon nang makita ang pangalan ng aking beki friend.

"Talaga bang mag-i-stay ka riyan kasama si Lex nang isang linggo?" manghang pangungumpirma nito.

"Oo. Isang linggo ang hininging leave ni Lex. Pero depende sa development ni Kuya ang uwi ko. Kapag pinauwi na siya agad, eh, di uuwi na rin ako. Ang nakakatawa nga, hindi alam ni Kuya na nandito rin si Lex na hindi niya sinabihan na naaksidente siya."

Siguradong magbuburaot na naman si Kuya Gerry kapag nalamang magkasama kami ni Lex dito. Magpa-panic na naman siya dahil baka dungisan ko ang puri ng kaibigan niya kung magkakaroon ako ng pagkakataon."

"Pagkakataon mo na nga 'yan, girl! May chance ka nang gapangin si Lex."

"'Wag mo akong demonyohing bakla ka. Hindi ako katulad ni fake Ella."

"I mean, gapangin ang puso niya."

"Nagpalusot ka pa."

"'Di nga, beshie. Habang nandiyan kayo, magkasama, nasa iisang bubong, magkasabay kumakain at iisang banyo lang ginagamit, bakit hindi mo subukang mapaibig ang mahal na 'prinsipe?'"

"Sinabi ko naman sa 'yo, tanggap ko nang hindi mapapasaakin si Lex. Kaya tigilan mo na 'ko. Hindi—" Nagulat ako nang mapansin si Lola Remy na nakatayo sa gilid ng upuan. Kanina pa ba ito roon? "Mamaya ka na uli tumawag, beks." At pinatay ko na ang tawag.

Bumaling sa akin si Lola Remy. "Hindi ka dapat basta-bastang sumusuko, apo."

Narinig nga niya! "Lola naman. Ba't bigla-bigla na lang kayong sumusulpot?"

Umupo ang matanda sa tabi ko at tumanaw kina Lex. "Nang makita ko pa lang areng guwapong binatang are kanina, eh, alam kong siya iyong binatang nabanggit mo noon na gusto mo pero hindi ka gusto at parang kaibigan laang ang tingin sa iyo."

"Lola, 'wag mo nang ipagkalat 'yan, please? Atin na lang. Ang alam po ni Lex, wala na akong gusto sa kanya. Kasi tanggap ko na rin naman pong hindi siya para sa 'kin."

"Ay, hindi ka dapat basta-basta sumusukong bata ka. Alam mo bang iyong mamay mo, dati ay hindi rin ako gusto niyan. Pero dahil hindi ako sumuko na mapapaibig ko rin siya. Pagkaku-an, na-in lab na rin sa akin at ngay-on, matatanda na kami pero magkasama pa rin kami."

"Sana all," sabi ko.

"Ano 'ka mo?"

"Hindi po lahat ganoon ang kahihinatnan kapag sumubok na mapaibig ang taong gusto. Hindi rin po lahat may forever na tulad n'yo ni Lolo Tomas."

"Paano mo malalaman kung may poreber kayo ni Lex kung hindi mo susubukan?"

"Lola, isa pa kayo, eh. Buong universe na lang ipinagtutulakan ako kay Lex, eh, ayaw naman sa 'kin no'ng tao. Kung gusto niya ako, sana noon pa niya ako niligawan. Noong nalaman niya na may gusto ako sa kanya."

Naalala ko tuloy ang isang pagkakataon noong seventeen years old pa lang ako. Noong nalaman ni Lex na may gusto ako sa kanya, pakiramdam ko ay nagpapa-cute na siya sa akin. Ang feeling ko nga noon ay liligawan na niya ako. Noong sumukob siya sa payong ko habang umuulan, akala ko, sa ilalim niyon ay magko-confess na siya ng feelings para sa akin. Feelingera lang pala ako.

Ngayon, twenty-six na ako at thirty na siya. Lalong wala nang pag-asang matugunan ang feelings ko. But come to think of it, naranasan ko naman ang matugunan ni Lex ang feelings ko pero kailangang suot ko ang magical push-up bra.

"Kailangan pa po ng magic para mapaibig ko si Lex," pabuntunghiningang sabi ko habang nakatanaw sa binata.

"Ibig mo gang sabihin ay kailangan mo ng gayuma?"

Napabaling ako kay Lola Remy. "Gayuma? May gayuma po kayo rito sa Sitio Libay? Magkano po?"

Dinagukan ako ng matanda. "Linsiyak kang bata ka. 'Wag ka gang magpakababa nang ganoon. Hindi mo kailangang piliting ang pag-ibig. Kusa iyong mararamdaman. Kailangan laang minsang hindi lalaki laang ang kikilos."

Na-guilty tuloy ako. Para ko na ring ginayuma si Lex noong suotin ko ang magical push-up bra dahil alam kong automatic na magkakainteres siya sa isang babaeng may malaking boobs.

"Paano n'yo po ba napaibig si Lolo?" curious na tanong ko.

"Magiliw at mabait ako sa kanya. Ipinagluluto at dinadalhan ko siya ng paborito niyang ulam. Kapag may problema siya ay palagi akong nakahandang tumulong at makinig. Kung ipapakita mo sa isang lalaki ang damdamin mo at mahalaga sa iyo na masaya siya at maayos ang kanyang kalagayan, unti-unti ay mapapaibig siya sa iyo."

"Ang old-fashioned. Iba na sa panahon ngayon, 'La. Mas madali nang magkadyowa ngayon kasi digital na. Add to cart na lang nang add to cart at pa-mine-mine lang ngayon, nagkakadyowa na agad. Ako lang ang nahihirapang magkadyowa dahil flat ako."

"Anong plat?"

"Flat." Iniliyad ko ang dibdib. Kutodo liyad na ako pero mukhang hindi pa rin ma-get ni Lola Remy kung ano ang tinutukoy ko. Wala yata kasi siyang makitang umuumbok. "Hindi po malaki ang dede ko."

"O, eh, ano ga kung hindi kalakihan ang dibdib mo? Hindi ka naman baka para kailangang mayaman ang dibdib mo para magatasan at maibenta ang iyong gatas."

"Ang type po kasi ni Lex ay 'yong mga malalaki ang dibdib."

"Nakow! Type niya laang marahil iyong dalhin sa kama. Kapag tumingin sa suso ng babae ang isang lalaki, nakow, asahan mong hindi niya balak mahalin iyon. Iba ang tinitingnan ng lalaki sa dibdib ng babae kung mahal niya ito... ang puso. Iyon ang tinitingnan, hindi ang suso."

"Totoo ba 'yon, Lola?"

"Ala-ey, oo. Kaya kung ako sa iyo, eh, 'wag mong sukuan ang pag-ibig mo. Iparamdam mo laang sa kanya ang presensiya mo at maging mabait at magiliw ka sa kanya. Unti-unti ay mahuhulog din siya sa iyo. Sinasabi ko sa iyo, malakas ang pakiramdam kong kayo ng guwapong iyon ang magkakatuluyan."

Napangiti ako sa huling sinabi ni Lola Remy. Sana nga ay posibleng makita ni Lex ang puso ko... dahil mas malaki pa yata iyon kaysa sa suso ko.

Dederella And The Magical Push-up BraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon