Part 32

144 13 2
                                    


PINANOOD ko sina Lola Remy, Lolo Tomas, Tiya Nanet at Tiyo Lito sa paglilipat-lipat ng tingin sa akin, kay Lex at sa mga dala naming bagahe. Kanina lang ay tuwang-tuwa sila nang makita akong bumaba mula sa sasakyan pero nang malamang may kasama akong guwapo ay bumakas ang pagtataka sa mga mukha nila.

Humakbang palapit sa amin si Lola Remy. Titig na titig ito kay Lex.

"Ay, sino areng binatang areng pagkaguwapo?"

Ngumiti si Lex sa mga kamag-anak ko. "Magandang umaga po."

"Siya po si Lex, 'La." Bumaling ako sa binata at ipinakilala sa kanya ang lahat. Miski ang apo ni Tiya Nanet na si Buboy. Noong huling punta ko roon ay six years old pa lang ito pero ngayon ay medyo malaki na kaysa sa dati.

Binati ni Lex isa-isa ang mga ipinakilala ko. Sunod-sunod nang nagsilapitan ang tatlong adults.

"Ay, nagtanan ka ga, Sachia?" tanong ni Lolo Tomas na mukhang namamangha pa rin.

Nagkatinginan kami ni Lex at sabay pang tumawa.

Wish ko lang, 'Lo. "Hindi po kami nagtanan. Business partners po kami. Nag-decide lang kaming mag-stay nang ilang araw dito since meron po kaming inaasikaso sa downtown. Okay lang po ba?"

Iyon ang napag-usapan namin ni Lex na siyang idadahilan sa mga mararatnan namin sa Sitio Libay. Hindi kasi puwedeng ipagsabi ang nangyari kay Kuya Gerry at para wala nang maraming paliwanagan pa tungkol sa pagsama sa akin ni Lex doon.

"Ala-ey, bakit hindi?" sabi ni Lolo Tomas.

"Ibig mo gang sabihin," sabad ni Lola Remy, "areng guwapong binatang are'y hindi mo nobyo?"

Wish ko lang nobyo ko areng guwapong are, 'La. "Hindi po, 'La. Best friend siya ni Kuya Gerry, 'yong pinsan ko po sa father's side."

"Ay, ganoon ba?" sabi ng matandang babae na hindi humihiwalay ang tingin kay Lex.

"Remy," tawag ni Lolo Tomas sa asawa. "Bakit nakamulamod ka riyan sa binata? Ay, parang ngay-on ka lang nakakita ng guwapo, ah. Noong kabinataan ko'y ganiyan ka rin makamulamod sa akin."

Nagtawanan kaming lahat.

Inabot ni Lex kay Tiya Nanet ang pasalubong na cake na binili niya sa downtown. Mayamaya pa ay nasa loob na kami ng bahay.

"Dal-wa lang ang kuwarto dine sa bahay," sabi ni Lolo Tomas habang umiinom ng kapeng barako na inihanda ni Tiya Nanet. "Tumabi ka na laang sa amin ng lola mo, Sachia. At si Lex ay sa isang kuwarto."

Sa kabilang bahay nakatira sina Tiya Nanet at sariling pamilya nito.

"Okay lang po ako dito sa sala matulog," sabi ni Lex. "Si Sachia na lang po sa kuwarto."

"Ay, hindi maaari," sabi ni Lola Remy. "Ika'y bisita namin. Kung gusto mo'y magtabi na laang kayo ni Sachia sa bakanteng kuwarto."

Nanlaki ang mga mata ko. Bet, Lola! aprub ko sa isip. Tutal ay nagsama na naman kami ni Lex sa isang kuwarto kagabi. Iyon nga lang, tulog na tulog lang ang lalaki.

Si Lolo Tomas ay napahumindig sa sinabi ng asawa. "Walandyo, Remy! Ano ba gang pinagsasabi mo? Ay, hindi naman nobyo ni Sachia are, ah. At kahit pa nobyo, hindi pa rin sila puwedeng magtabi kung hindi pa sila kasal."

Humagikgik ang matandang babae. "Biro laang. Lex, apo. Doon ka na laang sa kuwartong bakante at si Sachia'y sa amin. Malaki naman iyong kuwarto namin at may kuwan naman doon... kutson na de-tupi. Doon na lang siya sa ibaba ng kama namin. Hindi naman na kami nagla-labing-labing ni Tomas kaya hindi makakaabala si Sachia sa amin kung sakali."

Bumulanghit ako ng tawa. Si Lex ay hindi rin napigilan ang ngumisi. Ang mag-asawang sina Tiya Nanet at Tiyo Lito ay mukhang sanay na sa pagiging taklesa ng ina.

"Ay, ang bunganga talaga nireng si Remy, eh, napakadaldal."

"Ay, totoo naman, eh. Matatanda na tayo. Hindi na natin kaya iyon." Pinaglipat-lipat ni Lola Remy ang tingin sa aming dalawa ni Lex habang may munting ngiti sa mga labi. "Sila ay kayang-kaya pa."

Bakit parang ine-encourage kami ni Lola Remy na mag-labing-labing ni Lex? Kaya paborito ko talaga itong si Lola Remy, eh.

"Walandyo talaga areng si Remedios," napapailing na sabi ni Lolo Tomas.

Napatingin ako kay Tiya Nanet nang tawagin niya ako. "May nobyo ka na ba ngay-on?"

Umiling ako. "NBSB pa rin ako, Tiya."

"Ano gang NBSB?" tanong ni Lola Remy.

"Hindi pa ako nagkakanobyo, 'La, simula noong ipinanganak ako."

Halatang nagulat si Lola. "Ay, sa ganda mong iyan? Hindi ka pa rin nagkakanobyo?

"Ano gang problema?" tanong ni Tiya Nanet. "Pihikan ka ba?"

"Medyo po."

"Ay, ireng si Lex, may nobya?" tanong ni Lola Remy.

"Wala po sa ngayon," sagot ni Lex.

Nakita ko ang relief sa mukha ni Lola Remy. "Iyon naman pala, eh. Bakit hindi na laang kayo?"

Ngumisi lang ang binata. Medyo nahihiya na ako kay Lex dahil obvious nang gusto kaming ipagpares ni Lola.

"Friends lang po kami ni Lex," sabi ko na lang. "Hindi po kami talo."

"Ay, Remy," saway ni Lolo Tomas, "tumigil ka nga. Kung may gusto sa isa't isa ang dal-wa'y dapat nagpunta sila dineng magnobyo na. Hindi mo na kailangang ipag-mats pa sila."

Parang gusto kong mapabuntunghininga. Mukhang kailangan ko na talagang makahanap ng boyfriend. Pagbalik ko sa Maynila, uumpisahan ko na talagang maghanap ng dyodyowain para hindi na ako nasasaktan sa tuwing naiisip ko kung ilang taon ang sinayang ko para sa isang pag-ibig na walang katugon at kailanman ay hindi na matutugunan pa.

Napatingin ako kay Buboy na nakatitig sa akin habang nakayakap sa baywang ng lolo nitong si Tiyo Lito. Nakatayo ang mag-lolo sa tabi ng pinto. Bakit ganoon makatingin ang batang sampung taong gulang na pero bansot pa rin? Pakiramdam ko, nagdududa ito na wala akong feelings para kay Lex. Noong pitong taon si Buboy ay napakakulit at bully nito. Noong huli kong punta roon ay muntik ko nang itapon sa ilog ang batang ito dahil sobrang mapang-asar. Nagbago na ba ang ugali nito?

"Maiba tayo," patuloy ni Lolo Tomas. "Kayo ga'y makakaabot sa Sinukmani Festival? Ilang araw na laang."

"Opo, 'Lo! Kaya nga ako pumunta rito kasi gusto ko uling makatikhim ng sinukmani. Miss na miss ko na."

"Maigi," halatang natuwa ang lolo. Inilipat ni Lolo ang tingin kay Lex. "Ikaw ga'y malalakas ang mga braso?"

Tumango si Lex kahit halatang nagtaka sa tanong ng matanda.

"Patingin nga," sabi ni Lola Remy kay Lex, "ng iyong braso, apo."

Itinaas ni Lex ang sleeve ng kanang braso at tumambad sa amin ang maskels ng binata. Napanganga ang matandang babae.

I know, right, Lola? sa loob-loob ko. At masarap makulong sa loob ng biceps na iyon.

"Ay, puwedeng-puwede are," pag-aprub ni Lolo Tomas. "Kayang-kaya niyang maghalo ng isang kawang malagkit."

Dederella And The Magical Push-up BraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon