PALAKAD-LAKAD ako sa likod ng pinto at pasilip-silip sa bintana habang hinihintay ang pagkatok ni Kuya Gerry. Matutulog na dapat ako nang mag-text sa akin ang pinsan ko kanina para sabihing dito muna ito matutulog sa bahay ko... kasama si Lex.
Birthday kasi ni Tito Gardo kaya may kasiyahan sa kabilang bahay. Actually, kanina ay nandoon ako pero umalis ako dahil kailangan ko pang mag-bake. Dumating ang mga kamag-anak at doon mag-o-overnight. Tatlo lang ang bedrooms sa bahay nila at mukhang sapat lang ang dalawang silid para sa mga kamag-anak.
Lasing na raw si Lex at maging si Kuya Gerry ay nakarami rin ng inom kaya hindi puwedeng magsimaneho. Katabi ko lang ang bahay nina Tito Gardo kaya sinabihan ako ni Kuya Gerry na doon muna sila matutulog ni Lex sa isa sa tatlong bakanteng kuwarto ng bahay ko ngayong gabi.
Naiinis ako sa sarili ko dahil na-excite ako sa isiping matutulog si Lex sa bahay ko. Kung kailan nakapag-decide na akong gawin ang lahat para mawala na sa puso ko ang lalaking iyon, saka naman matutulog sa bahay ko. Paano ko nga ba siya makakalimutan kung iyong thought lang na makakasama ko siya nang isang gabi sa iisang bubong ay parang gusto ko nang mangisay sa kilig?
Kanina ay butas-butas na T-shirt lang ang suot ko at magulo ang pagkaka-bun ng buhok ko pero ngayon ay nakasuot na ako ng pink na sleepshirt at nakakulot na ang mahabang buhok kong ginamitan ko ng iron curler. Nag-spray din ako ng face mist at cologne, nag-apply ng scented body lotion at naglagay ng kaunting lip tint. Kung makapag-abala naman ako, para namang magtatabi kami ni Lex.
Well, ganito ako ka-hospitable na host. Sa sobrang pagka-hospitable ko, willing pa nga akong patulugin sa sarili kong kama si Lex.
Kinagat ko ang labi sa pagpipigil na mangiti sa naisip habang sinisilip ang labas ng bahay ko at tinatanaw ang gate. Ang tagal naman nila. Sa sobrang inip ko, parang gusto ko nang sunduin sa kabilang bahay si Lex.
Kailan ba kami huling nagkita ng lalaking iyon? Three months ago pa yata. Noong birthday party ni Tin-Tin. Ninong kasi ito ng bata. Sandali lang si Lex sa party kaya nagbatian lang kami. Nagdala lang ng life size na doll house para sa inaanak.
Kailan ba kami huling nakapag-usap? Six months ago yata. Nagpunta si Lex sa Sweetie Pie at iyon ang una at huling beses na pumunta siya roon. Namakyaw siya ng cakes dahil birthday ni Bea. Ipakakain daw sa mga empleyado sa Sollera. Ang sabi niya, masarap daw ang cake ko pero hindi naman bumalik.
Kailan nga iyong huli kaming nakapag-usap nang matagal? Noong birthday ni Kuya Gerry. Kaka-break lang nila ni Maina noon. Humiwalay ako sa grupo ng mga kaibigan at pinsang nag-iinuman dahil sinusumpong ako ng hyperacidity. Kumain na lang ako ng cake sa isang sulok sa garden. Nagulat ako nang tabihan ako ni Lex. Nagkakuwentuhan kami noon habang umiinom siya ng beer. Then all of a sudden, tinanong niya ako kung bakit hindi pa ako nagkaka-boyfriend. Hindi ako nakasagot. Naaala ko pa ang pilyong ngiti at nanunudyo niyang tingin.
"Ako pa rin ba hanggang ngayon?"
"'Pinagsasabi mo?"
"Ako pa rin ba 'yong... nasa puso mo?"
"Tumigil ka nga. Hindi na kita crush, 'no?"
Alam ni Lex na crush ko siya simula pa noong bata ako dahil sa tsismoso kong pinsan pero deadma lang siya. Wala kasi siyang balak na patulan ako. Ako naman, todo deny na may pagtingin pa rin sa kanya to save face.
Napapitlag ako nang tumunog ang doorbell. Mabilis akong lumabas para pagbuksan sila. Nakita ko si Kuya Gerry na akay-akay si Lex. Mukhang lasing na lasing ang kaibigan nito. Dahil mestizo ay kitang-kita ang pamumula ng mga pisngi ni Lex. Halos hindi na niya maidilat ang mga mata pero mukhang pilit akong inaninag. Ngumisi siya nang ma-recognize ako.
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomansaA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.