LAHAT ay masaya sa araw ng selebrasyon para sa Sinukmani, maliban lang yata kay Lex. Hindi ko alam kung nasarapan siya sa Sinukmani na noong nakaraan ay excited siyang matikman dahil walang reaksiyon nang makatikim na siya. Pinaghirapan pa man din iyon ng lalaki. Ginamit ang muscles para maghalo ng isang malaking kawang Sinukmani.
Pinigilan ko lang ang matawa sa pagkaaliw kanina pero halatang-halatang nakikipagkompetensiya si Lex kay Ferdie. Dalawang kawa ang isinalang kaninang umaga para makapagluto ng Sinukmani sina Tiya Nanet at ang nanay ni Tiyo Lito na si Lola Senya.
Tag-isang kawa ang Team Lex at Team Ferdie. Kasama nila ang kaniya-kaniyang chuwaripap as back-up kapag napagod na ang maskels ng "team leaders." Akala mo ay may pa-contest si Mayor sa dalawa—pagalingang maghalo ng malagkit na bigas.
Noong una ay mukhang chill lang si Ferdie pero napuna yatang gusto itong pagmukhain ni Lex na ampaw ang muscles dahil ang extra ng huli, minamani lang ang sampung kilong malagkit! Hanggang sa magpabilisan at patatagan na ang dalawa. Walang gustong magpatalo. Ni hindi nakahawak ng panghalo ang mga back-up.
May nagpustahan pa nga sa likod ko kanina. May mga tumaya kay Lex at mayroon din kay Ferdie. Binitiwan muna ng mananabong ang manok na pula at biglang napataya sa "sabong" ng nag-uumpugang biceps ng dalawang human mixer. Siyempre, Team Lex ako kaya nakitaya rin ako nang pasekreto.
Paramihan din ng cheerleaders ang dalawa. Ang fans ni Lex versus fans ni Ferdie. Si Ate Nene na nasa tabi ko kanina ay hindi maka-decide kung sino ang manok dahil pareho raw nitong gusto ang dalawa kaya bumulong na lang sa akin ng "kung maglabanan ang dal-wa, o! Parang ikaw ang papremyo" na nagpahaba ng hair ko. Si Lola Remy ay napatayo sa tumba-tumba para makiusyoso sa paligsahang hindi inasahan ng lahat.
Sa huli ay walang nanalo dahil biglang dumating si Kapitan at umepal kaya natigil sa paghahalo ang dalawa. Palihim ko na lang na hinila ang singkuwenta pesos ko sa nangongolekta ng taya kanina.
Mula sa umpukan ng mga tsismosa sa nipa hut ay natanaw ko ang pagngiwi ni Lex habang kumakain ng Sinukmani kasama ang oldies. Saglit niyang dinama ang braso pero mabilis ding binitiwan. Malamang ay masakit ang mga braso ni Lex dahil sa kalokohang ginawa niya kanina. Nagpaalam na muna ako sa mga kausap para lapitan ang binata.
"Lex," tawag ko sa kanya. "'Lika!"
Tumingin lang siya sa akin. Mukhang may tampo pa rin sa akin ang loko.
Sumenyas ako na tumayo siya. Parang nag-atubili pa si Lex bago tumayo at lumapit sa akin. Naglakad ako papunta sa bahay na tinutuluyan namin at nagtuloy-tuloy sa kuwartong inuukopa niya. Nakuha ko na ang first aid kit nang pumasok ang binata. Inutusan ko siyang umupo sa tabi ko sa kama.
"Itaas mo ang sleeves mo," utos ko habang iniikot pabukas ang takip ng pain-relieving gel in tube.
Nagbuga ng hangin si Lex. "Hindi masakit ang mga braso ko. Si Ferdie na lang ang lagyan mo. Mukhang mas kailangan niya." Umakma siyang tatayo pero hinagip ko ang braso niya at pinisil ang biceps.
Humiyaw ang lalaki.
"Hindi pala masakit, ah."
"Wala 'yan. Sanay ako diyan dahil madalas akong mag-workout. Parang sore muscles lang after a workout. Bearable. Hindi kailangang lagyan ng ointment. So, save your effort."
Sa tuwing nagpapakita ako ng concern sa kanya ay ngumingiti siya at tini-tease ako. Ngayon ay parang balewala sa kanya.
"Hoy, nagtatampo ka ba sa 'kin?" nakasibing tanong ko.
Baka nagtatampo sa akin si Lex dahil hindi kami gaanong nagkausap at nagkasama kahapon. Naging abala kasi ako sa pagtulong para sa preparasyon para sa Sinukmani. Pagkatapos ay maaga akong pumasok sa kuwarto dahil kulang ako sa tulog at sobrang pagod sa maghapon na aktibidades.
Bumuntunghininga si Lex matapos akong titigan. Nalusaw yata ang paninikis sa akin dahil sa hitsura kong parang batang tinanggihan ng kalaro na makipag-play sa akin.
"Do you like him?" out of the blue ay tanong niya.
Nakita ba niya kami ni Ferdie na nag-uusap kanina? Hindi naman ako ang lumapit dito. Sadya lang yatang mapang-asar ang lalaking iyon at gustong pagselosin si Lex kaya sinadyang dumikit sa akin noong kumakain na ang lahat ng Sinukmani na naka- boodle fight presentation.
"Si Ferdie ba? Hindi, 'no!"
Mukhang bigla ay nawala ang bumabalot na madilim na aura kay Lex. Lumarawan ang matinding relief sa mukha niya.
Gusto ko sanang itanong kung bakit parang mahalaga para sa kanya na malaman kung may gusto ako kay Ferdie. Gusto kong aminin niya kung may nararamdaman na siya para sa akin pero natakot akong magtanong dahil baka hindi ko makuha ang sagot na inaasam kong marinig.
"Kung hindi talaga masakit, halika na. Labas na ulit tayo." Umakma akong itatabi na ang tube gel.
Biglang humiyaw si Lex at humawak sa braso. "Medyo masakit kapag iginagalaw." Sinimulan niyang i-roll up ang manggas.
Napangiti ako at sinimulang pahiran ng gel ang braso ng lalaki. Pigil na pigil ang reaksiyon ko sa ginagawa. Dati-rati ay pinapangarap ko lang na mapisil-pisil ang arm muscles niya pero ngayon ay nahihipo ko pa.
"Ang show-off mo kasi kanina," komento ko.
"Competitive lang talaga ako."
"Pero mas magaling kang maghalo ng Sinukmani. Kung hindi dumating si Kapitan, malamang ikaw ang nanalo."
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Lex. "'You think so?"
Tumango ako. "Kung hindi umepal si Kap, ikaw dapat ang itinanghal na Sinukmani King kanina."
Lumuwang ang ngiti ng lalaki. "You know what I was thinking a while ago habang naghahalo ng malagkit? How did I ever end up here mixing sticky rice in this rustic, secluded place? I didn't imagine myself doing that in this lifetime."
Humagikgik ako. "Pero nag-enjoy ka kasi bidang-bida ka sa fans mo kanina. Parang iyon na 'yong pinakamasarap na Sinukmaning natikman nila sa buong buhay nila kasi ikaw ang naghalo. Sa 'yo lahat ang credits kahit hindi naman ikaw ang nagtimpla ng kakanin. I guess, simula ngayon, kasama na sa kasaysayan ng Sitio Libay ang legendary Sinukmani Master na si Alexis dela Torre."
Ang lakas ng tawa ni Lex.
Lumipat ako sa kabila niya para doon naman magpahid. "Lagot ka. Baka hanap-hanapin ka nila rito taon-taon para maging tagahalo," sabi ko habang nakatingin sa brasong pinapahiran ko.
"I'd come here yearly basta kasama kita."
Napatingin ako kay Lex at nasalubong ko ang tingin niya. Nagbalik na ang fondness sa mga mata niyang madalas kong makita sa tuwing tumitingin sa akin. Pero may iba pang damdamin ang nakalarawan sa mga iyon. Excitement ba iyon? Eagerness? Anticipation?
Gusto ko rin siyang makasama taon-taon doon. In fact, gusto ko siyang makasama forever.
"Paano na 'yong plano nating pumunta sa downtown para manood ng parada?" tanong ni Lex.
"Tuloy 'yon." Ako na ang nagbaba ng manggas ng lalaki. "Magbibihis lang ako."
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomanceA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.