Part 35

165 15 0
                                    


MULA sa loob ng kotse ay natanaw ko si Lex na lumabas sa Sto. Rosario Hospital. Nang sa wakas ay sabihin ni Kuya Gerry sa kaibigan ang kalagayan ay nagpakita na si Lex sa pinsan ko. Dati ay palagi lang nasa labas si Lex para hintayin ako.

Kanina ay nauna akong lumabas at nagpaalam kay Kuya Gerrykaya umistambay muna ako sa kotse. Si Lex naman ay sinadyang magtagal nang thirty minutes para hindi halatang magkasama kami. Nauna rin akong pumasok sa ospital kanina bago si Lex kahit iisa ang ginamit naming sasakyan papunta roon.

Narinig ko ang isinagot ni Kuya kay Lex kanina kung bakit hindi kaagad sinabi sa kanya na naaksidente ito.

"I look like shit right now and I don't want anybody to see me. Hindi ko pa nga rin sinasabi miski sa kapatid ko."

Wala pa ring kaalam-alam ang mga magulang ni Kuya Gerry sa sitwasyon ng anak. Gustung-gusto ko na ngang magsumbong, eh. Kaya lang ay alam kong magagalit sa akin ang pinsan ko. Mukhang maganda naman ang improvement ni Kuya kaya hinayaan ko na lang sa diskarte nito. Hindi pa nga lang alam kung kailan ito puwedeng lumabas.

Nakatawa si Lex habang lumalapit sa akin. "Para tayong nagtatago ng relasyon nito, eh," sabi niya habang pumapasok sa sasakyan.

Bakit kaya hindi natin totohanin ang relasyon? gusto ko sanang i-suggest.

"Hindi puwedeng malaman ni Kuya na kasama ka sa Matamis. Kasi kailangan nating ipaliwanag kung bakit napunta ka rito. Malalaman niya na noon mo pa alam ang tungkol sa aksidente niya."

Binuhay niya ang makina. "Actually, mas maganda ngang hindi malaman ng kuya mo na magkasama tayo."

"Bakit?"

Hindi agad sumagot si Lex dahil naging busy siya sa pag-alis sa pagkakaparada sa parking lot. Natunugan yata niyang naghihintay ako ng sagot kaya nagsalita nang nasa kalsada na kami.

"Para hindi na siya magtanong. Kasi magtataka 'yon kung bakit naisipan kong sumama sa 'yo sa isang liblib na baryo samantalang puwede akong magbakasyon sa isa sa luxury resorts dito sa Batangas."

"Bakit nga ba?" tanong ko. "Alam kong hindi ka komportable sa papag na kama kasi manipis ang kutson. Mukhang waterbed pa yata ang hinihigaan mo sa condo mo, eh. Kasi 'yong sofa mo pa lang, nangangain na ng puwit. Paano pa kaya ang kama mo? Sa banyo, alam kong hirap ka kasi masikip. Walang shower. Ni walang tiles. Tapos ang mga kinakain nila roon, malayo sa mga kinakain mo, city boy. I mean, rich city boy."

"Inaamin ko, noong yumaman ako, I lived in comfort since then. But somehow I liked the environment there in Matamis. Hindi lang dahil tahimik at sariwa ang hangin. Alam mo 'yong kahit wala sila n'ong mga comfort na tinatamasa natin, maayos silang nabubuhay roon. Masaya at kontento na sila sa buhay. Wala silang high-speed Internet, high-end smart phones or any luxuries pero hindi nila hinahanap 'yon kasi masaya na sila sa payak na pamumuhay. I realized that one doesn't always have to live in comfort to be happy and content in life."

Napangiti ako. "Wow, ang reflective naman niya. Pangatlong araw mo pa lang ngayon doon, may paganyan ka nang realizations. So, willing ka nang i-give up ang maluho mong pamumuhay at tumira sa bundok?"

Tumawa si Lex. "Why do you have to make me feel guilty? I've worked hard kasi gusto kong marating 'to. But you know, once in a while, gusto kong balik-balikan 'yong ganoong klaseng pamumuhay sa Sitio Libay. I like the people there. Very warm and funny. And I love hearing how they speak."

"Ala-ey, totoo ba ga i-yan?" panggagaya ko sa Batangueño accent.

Nagtawanan kami.

"Nag-e-enjoy ka talaga?"

Kasi ako, oo. Nag-e-enjoy ako dahil palagi kong nakikita si Lex, nakakausap, naaamoy at minsan ay nahahawakan. Kung siya, nagustuhan ang lugar na iyon dahil sa realizations tungkol sa pagiging relative ng happiness at contentment sa buhay, ako naman ay dahil kasama ko siya roon. Ito lang ang pagkakataon ko para makasama siya. Kapag umuwi na siya sa Maynila, hindi na kami twenty-four-seven na magkikita. Magmi-meeting kami tungkol sa planong pagtatayo ng isa pang branch ng Sweetie Pie pero hindi magiging tulad nito. Kaya dapat ay lubus-lubusin ko ang pagkakataong makasama siya.

"Super," sagot niya.

"Hindi muna tayo uuwi. Kain muna tayo ng loming Batangas 'tapos akyat tayo sa Tombol Hill."

"Tombol Hill?"

"May hagdan siya pataas. Three hundred steps. Sa tuktok, makikita mo roon ang overlooking ng lalawigan ng Rosario. 'Di ba, gusto mo ng high places?"

Halatang na-excite si Lex. "I'm in!"

Dederella And The Magical Push-up BraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon