HABANG nakaupo sa kama ko at nakatitig sa kawalan ay ininom ko ang laman ng basong sinalinan ko ng wine. Bakit ganoon? One-fourth na ng bote ang nako-consume ko pero hindi pa rin ako inaantok? Ramdam ko na ang pag-iinit ng mukha ko at kaunting dizziness pero ayaw pa ring pumikit ng mga mata ko?
Uminom ako ng alak dahil hindi ako makatulog sa idea na nasa kabilang kuwarto lang si Lex. Ayaw akong dalawin ng antok sa pag-iisip sa pag-ibig kong walang katugon. Bakit kasi hindi ko magawang ma-attract sa ibang lalaki? Bakit kasi ayaw umalis ni Lex sa puso ko?
Napahawak ako sa puso ko at na-disappoint nang makapa ang maliit na umbok sa dibdib ko. Ito. Itong letseng dibdib na ito ang dahilan kung bakit hindi ako magawang tingnan ni Lex bilang isang babae. Niyuko ko ang underdeveloped kong dibdib.
"Bakit kasi hindi ka lumaki?" kausap ko sa dede ko na para bang kaya nitong i-explain ang side nito. "Sana kahit naging cup B ka man lang. Hindi man lang din A... Double A talaga? Dapat pa ba akong magpasalamat na hindi ka naging triple A?"
Inubos ko ang laman ng baso at muling nagsalin. "I hate you, little boobies. Kung hindi dahil sa 'yo... may dyowa sana ako. Kung hindi dahil sa 'yo, siguro... minahal din ako ni Lex. Siguro, kung hindi lang nag-stunt ang growth mo, baka mag-asawa na kami ngayon..."
Hindi sana ako nagmumukmok ngayon dito dahil nasa iisang bubong kami ngayon ng lalaking mahal ko pero hindi ko siya puwedeng makatabi. Hanggang pantasya na lang ako. Hanggang pangarap na lang na maisuot ko ang Sollera Sweet Dreams Nighties na iniregalo niya sa akin. Nang matanggap ko iyon, sinabi ko sa sarili na gusto ko iyong suotin sa wedding night namin ng binata.
Sa wedding night fantasy ko, nakapatay ang ilaw pero may scented candles na nakapalibot sa kama. May subtle romantic music sa background. Nakaupo sa kama si Lex at magga-grand entrance ako sa kuwarto na suot ang red babydoll lacy nighties na iyon para sa kanya. Napahagikgik ako.
Natagpuan ko na lang ang sarili na hinahalungkat na sa aparador ang nightgown. In an instant ay suot ko na iyon sa harap ng salamin. Napabuntunghininga ako nang mapatingin sa mababang neckline at walang makitang cleavage doon. Sa sobrang frustration ko ay humugot ako ng push-up bra mula sa underwear drawer at isinuot iyon.
Hindi pa ako nakuntento. Kumuha na rin ako ng pads. Isang pares. No, dalawang pares ng pads. Nagbuga ako ng hangin nang sa wakas ay magpakita ang cleavage kong kailangan pa ng sandamakmak na materyales para lang lumabas. Kulang na lang ay maglagay na rin ako ng dalawang monay sa loob ng bra ko. Saan ka naman nakakita ng nakasuot ng nightgown na naka-push-up bra?
Pansamantala kong inalis sa isip ang katotohanang sapilitan ang paglaki ng dibdib ko at pagpapakita ng cleavage. Nang pagmasdan ko ang chest ko sa salamin ay nasiyahan naman ako nang slight. Hindi sobrang laki pero puwede na. Kung ganito sana kalaki ang dibdib ko kahit papaano, baka mahimasmasan sa kalasingan si Lex kapag nakita ako nang ganito ang hitsura.
Natigilan ako nang biglang may ideyang pumasok sa isip. Come to think of it. Tutal ay baka hindi na maulit ang sandaling ito na makasama ko sa iisang bubong si Lex, bakit hndi ako pumunta sa kuwartong tinutulugan niya ngayon at tuparin ang pantasya ko?
Tulog na tulog naman ang lalaki kaya hindi niya malalaman ang mga pinaggagagawa ko. Gusto ko lang maranasang matupad ang bahaging iyon ng pantasya ko habang may pagkakataon. Ini-lock nga ni Kuya Gerry ang pinto ng kuwartong inookupa ni Lex pero may susi naman ako.
Sinampal ko ang sariling pisngi sa naisip. Lasing na ba ako para maisip ang kagagahang iyon? Kinuha ko ang bote ng wine at niluglog iyon.
MATAPOS kong ihanda ang setup sa loob ng kuwartong inuukopa ni Lex ay lumabas ako sa pinto para hubarin ang roba ko sa hallway. Suot ang nightgown at sandamakmak na bra pads sa loob ng push-up bra ay dahan-dahan akong humakbang pabalik sa silid.
Sa saliw ng instrumentals ng isang maharot na musikang nagmumula sa maliit na stereong ipinatong ko sa bedside table ay maharot akong nag-walling sa pinto bago ko unti-unting isinara iyon. Patay ang ilaw at tanging mga kandilang nakasindi ang nagbibigay-liwanag sa buong silid.
Natagpuan ko na lang ang aking sariling umiindayog sa maharot na musika habang papalapit sa kama kung saan tulog na tulog at naghihilik pa si Lex. Pero sa imagination ko, gising na gising ang lalaki at pinanonood ako sa ginagawang paglapit. Puno ng pagnanasa ang mga mata niya.
Dahan-dahan akong sumampa sa kama at dumapa roon para gumapang palapit kay Lex. In-squeeze ko pa nang husto ng mga braso ang push up bra para mas lumaki ang cleavage. Sa pantasya ko ay halos lumuluwa na ang mga mata ng lalaki habang nakatingin sa dibdib ko pero sa realidad ay wala siyang kamalay-malay sa pinaggagagawa kong kalokohan nang mga oras na iyon.
Nangalumbaba ako habang nakatitig kay Lex. Sana araw-araw, lasing kaming dalawa para palaging mangyari ito. Kahit ganito lang, solb na rin ako. Wala naman akong choice kundi ang magkasya na lang sa ganitong klaseng drunken fantasy. At least, natupad ko na ang pangarap kong maisuot ang nighties na iyon para sa kanya... kahit hindi niya alam.
Gumapang pa ako palapit nang husto kay Lex hanggang sa halos magdikit na ang mga mukha namin. Tulad kanina ay pinagsawa ko ang mga mata sa kaguwapuhan niya. Hanggang sa matuon ang tingin ko sa mga labi niya na parang nang-aanyaya ng halik.
Ang sabi ng alak sa utak ko, gawin ko ang gusto kong gawin. Pero ang sabi ng kaunting sense sa isip ko, huwag ko raw pagsamantalahan si Lex. Hindi ako ganoong klaseng babae at saka kahit wasak na wasak na ang puri ng lalaking ito, gusto ko pa rin siyang ingatan. Ganoon kapuro ang pag-ibig ko sa kanya.
"I love you, Lex," sabi ko. "Mahal na mahal kita. Kahit alam kong never mo akong mamahalin. Pero sana... sana... dumating 'yong araw na makalimutan na kita, na mawala ka na sa puso ko. Gusto kong dumating 'yong panahon na... kapag nakita kita, hindi na kakabog ang dibdib ko, na hindi na kita pagnanasaan. 'Yong hindi ko na panghihinayangan na hindi man lang ako naka-score sa 'yo. Sana, balang-araw, magmahal na ako ng iba. 'Yong lalaking kaya akong mahalin kahit flat ako. 'Yong walang pakialam kahit pinagkaitan ako ng dede ng tadhana. At ikaw... sana, makita mo na rin ang babaeng para sa 'yo..."
Napapitlag ako nang gumalaw ang lalaki. Suddenly ay bumangon siya at nagdilat ng mga mata. Mula sa pagkakadapa ay napaupo tuloy ako. Halatang pilit niya akong inaaninag sa dilim. Nakatitig lang ako sa kanya habang siya naman ay nakatitig sa dibdib ko.
Nang sa akala ko ay nagsisimula nang maakit si Lex sa artificial cleavage ko ay bigla siyang tumagilid at nagduduwal sa gilid ng kama.
Bumagsak ang mga balikat ko. Nakakasuka nga siguro ang dibdib kong kayraming palaman. Pagkatapos magsuka ay bumalik na sa pagtulog si Lex na para bang hindi ako nakita kanina.
Parang gusto kong maglupasay sa sama ng loob.
BINABASA MO ANG
Dederella And The Magical Push-up Bra
RomanceA modern-day retelling of the classic fairy tale, Cinderella with a fun twist.