Mabilis ang mga hakbang ni Kind papasok ng Hotel Buenavista. Walang lingon-likod siyang umalis mula sa opisina ni Cruel kahit pa tinatawag nito ang kaniyang pangalan. Dahil pag lumingon siya, pakiramdam niya ay babagsak kaagad ang kaniyang mga luha.
Masamang-masama ang kaniyang loob sa binata. Bakit nasa opisina nito si Shyra? Ito ba ang inaatupag nito kaya naman hindi siya nito nakuhang kamustahin man lamang sa nakalipas na dalawang linggo.
Marahas niyang isinara ang pintuan nang makarating siya sa kaniyang kuwartong ipinareserba. Sinigurado niyang naka-lock iyon at hinarangan pa iyon ng upuan upang hindi iyon basta-basta mabuksan. Hindi na siya lalabas ng kuwartong iyon dahil ayaw na niyang makakita ng kahit na sinong tao. Isa pa, hindi rin niya kasama sina Knox at Prim, kaya kailangan niyang protektahan ang sarili anumang sandali. Hindi na rin siya nag-abala pang buksan ang mga ilaw. Hinayaan niyang madilim ang buong kuwarto. Ang tanging ilaw lamang na nakabukas ay ang maliit na night light sa gilid ng kama.
Marahas niyang ibinagsak ang katawan sa kama. Doon niya ibinuhos ang kaniyang mga luha. Hindi niya inaasahan na magagalit sa kaniya si Cruel sa biglaan niyang pagpunta sa islang ito. Sana pala ay hindi na lamang siya nagpunta.
Hindi magkandamayaw ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Sa bawat punas niya ay may tumutulo na naman na panibago. Ngayon lamang siya napahiya nang ganoon sa buong buhay niya, at sa harap pa ni Shyra. Umusbong ang kaniyang mga insecurity. She felt dumb, ugly, and unlove, all at the same time.
Mapait siyang napangiti. Damn these pregnancy hormones. Pinasasama lalo niyon ang kaniyang loob. Huminga siya ng malalim at pinunasan ang kaniyang mga luha. Itutulog na lamang niya ang sakit nararamdaman. Baka sakaling paggising niya, wala na iyon.
Buong araw siyang nakatulog. Sa totoo lamang ay mababaw lamang ang tulog niya. Naririnig kasi niya ang mga panaka-nakang katok ng bellboy na naghahatid ng pagkain, ngunit hindi siya nag-abalang tumayo para buksan ang pinto. Wala rin naman siyang ganang kumain. Nang magising siya kinabukasan ay alas tres 'y media na ng hapon.
Nagising siya dahil sa pag-ikot ng kaniyang sikmura. Dali-dali siyang tumakbo patungong banyo at doon sumuka. Kahit wala pa siyang kinakain mula kagabi ay parang gustong lumabas ng lahat ng laman ng kaniyang tiyan. Namuo ang butil-butil na pawis sa kaniyang noo.
Pagkatapos sumuka ay hinang-hina siyang nagmumumog at naghilamos. Pagkatapos ay bumalik siya sa pagkakahiga sa kama. Muli siyang nakatulog pagkatapos niyon at nang magising siyang muli ay madilim-dilim na sa labas.
Bumangon siya, nagpalit ng damit, at inayos ang kaniyang sarili. Inayos na rin niya ang kaniyang mga gamit. Mabuti na lamang at kakaunting damit lamang ang kaniyang dinala. Uuwi na siya sa Maynila. Isang gabi lamang kasi ang reservation niya sa Hotel Buenavista, at ayaw na niyang i-extend pa iyon. Akala kasi niya, pagdating niya rito ay patutuluyin siya ni Cruel sa isla nito, ngunit nagkamali siya. Ngayon ay wala siyang choice kundi ang bumalik na lamang sa Maynila. Tutal ay hindi naman siya welcome sa lugar na ito.
Nagsisimula nang kumalam ang kaniyang sikmura ngunit ipinagpasawalang bahala niya iyon. Bitbit ang kaniyang travel bag ay tinungo na niya ang elevator at pinindot ang down button.
"Aalis na ho kaagad kayo, Miss Kind?" Tanong ng isang empleyado sa information desk. Halos lahat ng empleyado sa hotel na iyon ay kilala na rin siya. Ang ilan pa sa mga ito ay panaka-nakang bumabati at magalang na tumatango sa kaniya. "Ang bilis naman ho yata? Kararating lamang ninyo kagabi, hindi ba?" Dugtong pa ng babae.
Alanganin siyang ngumiti sa babae. "Oo, kaso lang may biglaang trabaho na kailangan kong asikasuhin sa Maynila," pagsisinungaling niya. Ibinalik na niya rito ang susi ng kaniyang room number, at agad naman iyong inabot ng babae. "Thank you."
BINABASA MO ANG
BUENAVISTA BROTHERS 3: Cruel Buenavista (COMPLETED)
Fiksi UmumKind Liliya Belmesova needs cash. A lot of cash. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang humiling na sana umulan ng pera mula sa langit. Just a week ago, she found out that her deceased mother has a huge debt on loan sharks. At naging dahilan...