CHAPTER 28

2 0 0
                                        

Akala namin ay inaatake lang si tito George pero iyon pala ay na comatose din. Nandito kami sa labas ng ICU habang tinitingnan namin si tito na parang lantang gulay na nakahiga sa kama. Damang-dama ko rin ang kalungkutan ni Miguel habang pinagmamasdan ang ama niya. Maya-maya lang ay biglang tumunog ang phone ko at bahagya naman akong lumayo kay Miguel bago ito sinagot.

"Bell, ano 'tong nabalitaan namin na na-ospital daw ang daddy ni Miguel?"

Napabuntong-hininga naman ako. "Opo, mommy. Inatake kasi tapos diretso coma."

"Diyos ko! Ano kamusta naman si Miguel?"

"Ayun po at hindi maialis ang paningin sa daddy niya. Simula no'ng dumating kami rito ay palagi na lang siyang nakatunghay sa ama niya." Tiningnan ko pa si Miguel pero gano'n pa rin ang puwesto niya.

"Huwag mo siyang iwan, anak. Iparamdam mo sa kanya na nandiyan ka para damayan siya," advice pa ni mommy at tumango naman ako kasabay ang pagbuntong-hininga. "Anyway, nandito nga pala sila kuya mo at si AJ. Wala ka nang dapat ipag-alala sa boutique kasi nakagawa na ng paraan ang kuya mo."

Magandang balita ang sinasabi ni mommy kaso hindi ko naman magawang magsaya dahil sa ganitong sitwasyon. Nakatutuwa ngunit hindi ko pa rin kayang ngumiti.

"Mabuti naman po," sabi ko na lang.

"Sige na. Tatawagan na lang kita mamaya. Mag-ingat kayo riyan."

"Opo, mommy. Kayo rin po," sagot ko naman saka binaba ang linya.

Pagkalingon ko ay eksakto namang dumating si madam Kriss, ang stepmother ni Miguel. Magkatabi sila ni Miguel habang pinagmasdan si tito. Narinig ko pa nga ang malalim na pagbuntong-hininga ni madam Kriss.

"Restroom muna 'ko," maya-mayang paalam ni Miguel sa amin. Tango na lang din ang isinagot ko sa kanya.

Iyong lakad ni Miguel ay halatang naaapektuhan talaga siya sa nangyari sa kanyang ama. Halata ang lungkot at pamumublema sa tindig ni Miguel. Malimit na lang din siyang nagsasalita at nag-aalala na ako sa kanya.

"Gaano na kayo katagal ni Miguel?" biglang tanong sa akin ni madam Kriss.

"M-Maglimang buwan na po kami." Nauutal pa ako dahil hindi ako handa sa tinanong niya sa akin. Napalunok pa ako nang makita ang sarkastikong ngiti niya sa akin.

"Five months? Akala ko isang buwan pa lang. Tsk! Ang bilis nga naman ng panahon. Well, hindi pa iyan masyadong masakit." Umupo pa siya pero medyo may distansya rin mula sa akin. "Kilala mo na ba siya ng lubusan?"

"O-Opo," mautal pa rin na sagot ko.

Narinig ko naman siyang tumawa pero iyong tipong nakakaasar. "Hindi ka sigurado, alam ko." Taas-kilay pa siyang lumingon sa akin. "Hindi ko maintindahan ang mga kabataan ngayon na makikipagrelasyon na lang basta-basta kahit pa hindi ito lubusang nakikilala."

Matunog naman akong napangiti at nag-iwas sa kanya ng tingin. "Alam ko naman po na mabait na tao si Miguel. Kahit po hindi ko siya gaanong kilala sa ngayon ay alam ko naman po na sa bawat araw na magkakasama kami ay mas lalo ko pa po siyang makikilala."

Narinig ko siyang suminghal kaya napasulyap ako sa kanya at nakita ko pang umiiling-iling siya. "Alam kong mahal ninyo ang isa't-isa. Nakikita ko sa inyong dalawa iyon pero bilang isang pangalawang ina ni Miguel ay may karapatan din ako na magbigay desisyon para sa kanya," aniya at napakunot-noo naman akong tumingin sa kanya. Bumuntong-hininga pa siya saka bahagyang humarap sa akin. "Huwag mong pairalin 'to." Tinuro pa niya ang kanyang kaliwang dibdib kung saang parte ang puso. "You know why? Nakakamatay 'pag palaging puso ang sinusunod."

Bloom After The DarkWhere stories live. Discover now