Chapter 10

89 4 0
                                    

10 : Dallas


Nanlalaki ang mga mata ko na pinagmamasdan ang karwahe namin na natutunaw sa hindi malamang dahilan. Nasa harap namin ang karwahe habang hawak-hawak ako ni Deacon na nasa aking likod. Tiningnan ko ang mga bampirang kasama at nakitang nakatayo na sila palibot sa amin.

“Planado ang pag-atakeng ito, Haring Deacon.” Sabi ni Harmon.

Hindi pa rin inaalis ni Deacon ang mga kamay niya na nakapalibot sa aking tiyan.

“May taga-Bertram na naman,” Nagtatagis ang ngipin na saad ni Deacon.

Walang ni isang nilalang sa paligid at ang tanging liwanag lang namin ay ang buwan. Akmang kikilos ang mga guwardiyang kasama nang pigilan ito ni Deacon.

“Huwag kayong aalis.”

Hindi na gumalaw ang mga guwardiya at alerto lamang na tumingin sa paligid. May narinig kaming mga yapak na naglalakad palapit sa direksyon namin, hindi lang isa kundi marami sila. Biglang may lumundag sa harapan namin, isang babaeng may pakpak! Sinundan pa ito ng isang lalaki at may isa pa hanggang sa napalibutan na kami!

“D-Deacon.” Sambit ko sa pangalan niya dahil natatakot sa mga nasaksihan.

Mas lalong humigpit ang hawak niya sa akin pagkatapos ay bumulong sa aking tainga.

“Hindi ko hahayaang dumampi ni buhok nila sa iyo.”

Tumango lang ako sa sinabi niya. Ang mga nilalang na may pakpak na kulay itim ay nagsimulang maglakad palapit sa amin.

“Huwag kayong kumilos.” Pigil muli ni Deacon nang akmang kikilos ang isang bampira dahil napapalapit na ang isang lalaking kalaban.

Mahahaba ang kuko ng mga nilalang na ito at napapalibutan ng mga itim na ugat ang kanilang mga mata at meron din sa kanilang mukha, leeg, at iba’t-ibang parte ng katawan.

“Kagagawan ‘yan ng isang salamangkero.” Sabi pa ni Deacon.

Ang mga yabag na naririnig namin kanina ay mas lalong naging klaro hanggang sa matanaw namin ang mga nilalang na mapupula ang mga mata at nakalabas ang pangil, mga bampira. Biglang nahawi ang mga bampira at lumabas ang isang lalaking hanggang balikat ang buhok at nakasuot ng mabahang pulang damit. Nakangising pumapalakpak ito. Ang mga nilalang na may pakpak naman ay huminto sa paggalaw.

“Poly.” Sambit ni Deacon.

Ngumisi naman ang lalaki at humalakhak. Huminto ito sa paglakad nang nasa harapan na ng mga guwardiya kung saan si Harmon ang kaniyang kaharap. Tiningnan niya si Harmon.

“Harmon, kumusta ang asawa mo?”

Sabi noong Poly at nakita ko kung paano mas kumuyom ang mga kamay ni Harmon pero hindi ito nagsalita. Humalakhak ang Poly at napapalakpak muli.

“Sabi ko naman sayo, bantayan mo ang iyong asawa.”

Humigpit ang hawak sa akin ni Deacon pagkatapos ay unti-unting lumuwag at naglakad. Binigyan naman siya ng daan ng mga guwardiya at ang mga ito ay mas lalong dumikit sa akin. Si Harmon ay nasa harapan ko na.

“Gaano ba kataas ang buhay mo?” tanong ni Deacon.

Tumawa si Poly at sarkastikong yumuko na para bang nagbibigay galang.

“Haring Deacon, isang karangalan ang makilala ka.”

Umayos ng tayo si Poly at inilahad ang kamay ngunit hindi iyon pinansin ni Deacon at nakatingin lang siya sa lalaki.

Pellucid SeedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon