18 : Visitors
Masamang tingin ang iginawad sa akin ni Deacon nang makarating siya sa aking harapan. Ang kaninang maingay na pamilihan ay pinalitan ng nakakabinging katahimikan. Para bang kapag gagawa sila ng ingay ay isang malaking kasalanan iyon.“H-hi?”
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko kaya iyon nalang ang lumabas sa aking bibig. Napatingin si Deacon sa hawak kong kuwintas, ngumisi siya—halatang sarkastiko iyon.
“Nandito ka ba para bumili ng kuwintas upang maakit mo ang lobong iyon?”
Napakunot ang noo ko. Ito agad ang naisip niya? At sinong lobo ba? Isa lang naman ‘yong kilala ko, si Dallas lang. Napatingin din tuloy ako sa kuwintas, marahil naisip niya na lobo kasi buwan ang palawit nito.
“Hindi, magkasama kasi kami ni…” Tumigil ako sa pagsasalita, hindi dapat malaman ni Deacon na nandito rin si Thyrus.
Nagsalubong ang kilay niya. “Ang lakas naman ng loob niyo at magkasama pa talaga kayong dalawa ng lobong iyon?”
Napasinghap ako at napailing-iling.
“Ano bang iniisip mo diyan?” naramdaman kong may humihila na naman sa dulo ng damit ko sa ilalim ng lamesa kung saan naroroon ang paninda. “Wala akong kasama mag-isa lang ako.”
“Magsisinungaling ka talaga sa akin?”
Hindi makapaniwalang tanong ni Deacon. Nagpakawala ako ng hangin at nilapag ang kuwintas. Tiningnan ko ang mga mamamayan na nasa lupa pa rin nakayuko.
“Bakit kaya hindi mo muna sila bigyan ng permiso na bumalik sa dating gawain nila bago mo ako pagbintangan ng kung ano-ano, Deacon?”
Naramdaman kong hinampas-hampas ang paa ko na para bang hindi makapaniwala na ganoon ako sumagot sa hari nila.
Nagpakawala ng hangin si Deacon bago nagsalita.
“Bumalik na kayo sa dating gawain at huwag niyo na lamang kaming pansinin.”
“Mahal na hari, isang kawalang respeto ang hindi ka pansinin.” Nanginginig ang boses na sabi ng isang matanda mula sa malayo.
“Huwag niyo nalang kaming pansinin o hindi kayo gagalaw ng isang buwan?”
Agad nagsi-kilos ang mga bampira ngunit nakayuko pa rin sila at hindi sinusubukang tumingin sa hari. Iniiwasan din nila ang makagawa ng ingay at lumapit malapit sa amin. Kahit iyong tindera na naririto kanina ay umalis.
Napakamot naman ako sa ulo ko.
“Ah uuwi rin naman ako mamaya saka bakit pala nandito ka?”
Hindi makapaniwalang tiningnan niya ako at napabuga pa ng hangin.
“Sasama ka sa akin sa pag-uwi ngayon din.”
Hinawakan niya ako sa kamay at hinila pero hindi ako nagpatianod sa kaniya kaya kunot-noo siyang lumingon sa akin.
Hindi ako pwedeng umalis na hindi pa bumabalik si Thyrus. Aalis lang ako kung nandito siya dahil magkasama kaming pumunta rito at isa pa baka mag-alala ang bata kapag bumalik siya nang hindi ako nadatnan.
BINABASA MO ANG
Pellucid Seed
FantasyWish granted, this is what Ada thought when she found out that she is set to be a mother. However, the "wish granted" she claimed turns out to be her nightmare because how can she be pregnant when she is a virgin? Hence, Ada tried to get rid of the...