Mag-co-commute lang ako, kung susugod ako sa labas tiyak mababasa ako. Sa kanan, bukas pa ang restaurant at jazz bar ng hotel.
"B-baka, gusto mo, mag coffee muna tayo.." Sabi ko sa kanya, sana pumayag.
Nilinga niya ang bukas na Resto sa hotel.
"Hindi ako nagkakape eh"
Patay. Nagkamot ako ng ulo.
"Pwede ako ng tea."
Napangiti ako.
Sa tig-isang tasa ng kape at tsa at dalawang slices ng ref-mango creamed cake, marami kaming nalaman sa isa't isa sa loob ng mahigit dalawang oras.
Ewan kung bakit panatag si Kim sa akin. Napasarap ang kwentuhan namin dahil tila walang balak tumigil ang ulan sa labas.
Nalaman ko na si Kimberly ay katatapos lang ng medical proper sa UP. Taga Cabanatuan. Nag-iisang anak.
Doktor ang kanyang ama at dating nurse ang kanyang ina. Naghahanda na siyang kumuha residency, baka daw sa Ospital ng Maynila o sa PGH.
Naikwento ko naman sa kanya na ako ay taga Legazpi City. Hindi ko na inabutan ang aking ina na namatay ng maaga dahil sa atake sa puso.
Lasenggo to-the-max ang aking ama, na ang huling balita ko, apat na taon ng hindi umuuwi. Pinag aral ako ng aking lola hanggang high school.
Nakahanap ng scholarship at sinuwerte namang makapag aral sa San Beda. May dalawa pa akong kapatid na nag aaral sa probinsiya.
Dalawang taon na akong nakapagtapos ng accountancy at pinalad na makapasa agad sa CPA board.
Ang SGV Accounting firm ay pangalawa ko ng trabaho. Galing na ako sa Department of Finance.
Halos wala pang isang taon, nilayasan ko ang gobyerno, dahil hindi kinaya ng aking sikmura ang malawak palakasan, pakapalan at harap-harapang nakawan.
Matapos ang gabing yun, naging textmates kami. Nagkikita paminsan minsan.
Niligawan ko siya makalipas ang tatlong linggo. Nung una ay medyo takot siya dahil pre-med pa daw nung huli siyang nakikipag relasyon ng seryoso.
Masyado daw masakit ang kabanatang iyun sa kanyang buhay.
![](https://img.wattpad.com/cover/371979171-288-k253256.jpg)