"Ano pa, di sinira ko ang pinto. Sigaw ako ng sigaw, di mo ako marinig sa labas.Naririndi na ako sa tunog ng cellphone mo sa sala, pag daan ko kahapon,tunog ng tunog.
Pag-uwi ko tumutunog pa rin, hanggang ngayong umaga."
"Hindi ko alam na may lahi ka palang akyat bahay." Biro ko sa kanya.
"Tse, tumigil ka nga, nagkaka-gulo sa office niyo tax season pala ninyo at marami ang naghahanap sa'yo. Deadline yata sa lunes."
Nalala ko, ang dami ko ngang iniwang trabaho.
"Huwag kang mag-alala, nakausap ko yung boss mo kanina, nag-aala daw sila at hindi sumasagot sa cellphone, sabi ko may sakit ka at walang nagbabantay sa'yo."
Nakahinga ako ng maluwag.
"S-salamat Bing."
Inayos ni Bing ang magulong silid. Napahiya ako kasi, karamihan dito ay mga kalat na iniwan ni Kim.
"Huwag mo ng gawin yan, magpahinga ka na." Sabi ko sa kanya.
Pero parang wala itong narinig. Hanggang maging ang kama ko ay hinanapan niya ng bagon kubre, pati punda ng mga unan.
Ang mga luma ay nilagay niya sa labahan.
"O, kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako."
"S-salamat Bing." Paos ang boses ko. Pilit ko sanang itinatayo ang sarili upang ihatid siya, ngunit..
"Huwag ka ng tumayo.. magpahinga ka na.."
Nanghihina ako, kaya tuluyang kung inihiga ang sarili.
Naramdaman ko na lang na isinara niya ang pinto ng silid.
Ilang minuto pa ang lumipas, muli akong nakatulog.
Hindi ko alam kung anong oras na ng muli akong magising.
May ilaw ang silid at kunting liwanag na rin mula sa sinag ng araw na sumisirit sa bintana.
Nauuhaw ako kaya, pilit na itinayo ang sarili, upang pumanaog sa kusina.
