Kapitulo treinta y uno

131 8 2
                                    

Pagod na akong pumikit matapos ang isang mahaba at nakakatuwang araw kasama ang mga magulang at kapatid ko. Nasa isip ko pa rin ang lahat ng mga pangyayari—ang tawanan, ang kulitan, pati na rin ang mga sablay ko sa kusina kasama si Ms. Irene.

Hindi ako makapaniwalang nakapag-luto ako ng isang buong meal nang hindi nasusunog ang buong bahay.

Progress, diba?

Humiga ako sa kama nila at bigla akong niyakap ni Ms Irene, hindi na ako nagulat nang ginawa nya yun, as time goes by ay nasasanay na ako sa clinginess nya.

Nakatingin lang ako sa kisame, pinipilit pilitin ang sarili kong matulog—isang bagay na tila napakahirap gawin ng mga oras na iyon. Nakakulong ang utak ko sa mga tanong, at sa walang katapusang takot.

Maya-maya pa'y naramdaman ko ang pagod sa mga mata ko. Dahan-dahan itong bumibigat, at sa bawat segundo, unti-unti akong nawawala sa kamalayan.

Pero bago pa ako tuluyang makatulog, naramdaman ko ang isang bagay na hindi ko maintindihan—isang malamig na pakiramdam, tila hangin na hindi normal.

Parang may yumayakap sa akin, pero hindi ito ang yakap ni Ms Irene, hindi ito ang yakap ng pagmamahal. Isang yakap ng malamig na kawalan at nagmula sa walang kasiguraduhan.

Hindi ko na alam kung tuluyan na akong nawala sa sarili ko at nahulog sa bangungot.

Nasa isang lugar ako—hindi ko alam kung saan, pero madilim. Hindi ito ang kwarto ng mga magulang ko. Hindi ito ang Marcos-Araneta mansion. Parang nasa gitna ako ng isang makitid at madilim na kalsada, wala ni isang poste ng ilaw o bahay na maaaninag.

Tumayo ako mula sa kung saan man ako nakahiga at napansin kong ang buong paligid ay balot ng makapal na hamog.

Parang wala akong kayang gawin kundi maglakad. Nakaapak ako sa lupa, pero malamig ito. Hindi ko naririnig ang kahit anong ingay, hindi ko makita ang kahit anong ilaw. Tanging ako lang.

"Apo..."may tinig na tumawag sa akin, isang pamilyar na tinig.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Si nonna? Hinanap ko ang pinagmumulan ng boses niya, pero wala akong makita kundi puting usok na unti-unting dumadaloy sa lupa. Pakiramdam ko ay nasa gitna ako ng isang pelikula—yung tipong horror movie na walang nakikita kundi fog at ang boses ng isang mahal sa buhay ang tanging gabay mo.

"Apo, samahan mo na ako dito..." parang humihingi ng tulong na hindi ko kayang ibigay.

"Nonna?" tinig ko'y nanginginig habang sinubukan kong hanapin siya sa dilim. Pero walang sumagot.

Pumailanlang muli ang katahimikan.

Hinahanap ko siya, naglalakad ako nang walang direksyon, hinahanap ang boses niya sa kawalan.

"Lola! Nasaan ka?!" Humiyaw ako, pero parang walang boses na lumalabas mula sa bibig ko. Kahit anong sigaw ko, parang nalunod sa dilim ang tinig ko. Hindi ko siya makita. Hindi ko siya marinig. Pero naririnig ko ang malungkot na bulong.

"Mag-isa lamang ako dito, Apo..."

Nakakapangilabot. Ang boses ni nonna ay parang isang malambing na tawag, pero may kung anong malamig at malalim na pakiramdam sa likod nito. Hindi ito ang dati niyang masiglang boses na may halong kwento tungkol sa buhay. Ito ay parang isang boses na pagod, uhaw sa kasamahan, at puno ng lungkot.

Naramdaman ko ang bigat sa puso ko, ang takot, ang kawalan ng kakayahan. Parang pinipigilan ako ng bawat hakbang na ginawa ko, pero hindi ako titigil.

Kailangan ko siyang makita.

Kailangan kong malaman kung nasaan siya. 

"Nonna? Nandiyan ka ba? Saan ka po?" Nagmadali akong lumakad, pero parang wala akong nararating. Bawat hakbang ko ay parang hindi ako lumalapit sa boses na tinatawag ako.

RegretTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon