Windbreaker
"Ipapasa-diyos, ipapakulam, ipapasa-diyos, ipapakulam, ipapasa-diyos, ipapakulam."
Paulit-ulit ko itong binubulong habang nag-aayos ng mga bagong dating na inventory sa storage room. Ang huling salita ay siyang magiging kapalaran ni Jester.
"Ipapasa-diyos— tangina talaga oh," inis akong tumayo at kinuha ang bagong kahon nang hindi huminto sa kulam ang orasyon ko.
Hindi ako papayag na ipapasa-diyos lang 'yong gago. Pa'no ba naman kasi, pina-double shift ako ni Jester ngayong araw, kaya hanggang gabi ako magtatrabaho.
Para pa nga akong susuntukin ni tanga kaninang madaling umaga, talagang pinuntahan ako sa apartment para manggulo. Kulang na kulang 'yong tulog ko at may konting hang-over, tapos pina-shift pa ako ng 5 AM.
Pero kasalanan ko rin naman. Hindi ako pumasok sa night shift ko kagabi kasi nag-bar nga kami, tapos hindi rin ako nagpaalam. Kasi kung magpaalam din ako, sure rin na hindi 'yon papayag.
Mas mabuti nang hindi, iwas bangayan na rin sa gung-gong. Kaya pala todo text si bugok kagabi, hinahanap pala ako.
Daig pa mga magulang ko kung magkaroon ng pake sa 'kin— joke, wala pala ako no'n.
Ayos na rin, may excuse ako para umabsent sa mga klase ko today. Tangina, hindi ko kayang pumasok sa university na may limang band-aid sa leeg. Hindi lang talaga lima lahat ng 'to e, mayroon din sa katawan ko.
Pucha, makita ko lang 'yong hapon na 'yon, gagantihan ko talaga.
Hindi ko nga maipaliwanag kung bakit ako sumuko sa kanya kagabi. Tukso ba talaga 'yon? O ginusto ko rin?
Gago, kilabutan ka nga, Yuno! Anong ginusto mo? Dahil lang siguro 'yon sa alak. Yeah, gano'n nga. Lasing ako.
I frowned. Kung lasing ako, bakit hanggang ngayon naririnig ko pa rin 'yong boses niya, at nararamdaman ko pa rin 'yong hawak pati na 'yong mga dampi ng labi niya?
Tangina, kailangan ko na talaga yatang umiwas. Napapadalas na ang pagkikita namin e.
"Yuno."
Napalingon ako sa pintuan nang tawagin ako ni Sevi. Ngayon lang ulit kami nagkasama sa trabaho, kasi morning shift 'to lagi.
"Ano 'yon, tropa?"
"Favor naman," sabi niya.
Tinaasan ko ng kilay. "Ano 'yon?"
"May delivery. Absent kasi si Theo."
"Sige."
Agad akong tumayo at iniwan ang mga lecheng inventory. Mabuti na lang at may delivery, bugnot na bugnot na ako dito sa storage room.
Nag-ayos muna ako sa salamin, sinuot ko rin 'yong windbreaker jacket ni Cid para takpan 'yong mga band-aids sa leeg ko. Pinahiram niya ito kagabi, sinira niya ba naman kasi 'yong suot ko.
Kink niya siguro 'yong manira ng damit. Next time talaga, hindi na lang ako magdadamit kapag kasama ko siya.
Paglabas ko sa staff room ay nagulat naman ako nang makita ko ang mga kahon ng pizza.
"Gago? Ba't ang dami nito?" tanong ko kay Sevi pagkatapos bilangin ito. Sampu lahat.
Binigay niya ang papel sa akin, nando'n 'yong address at ibang info. "Baka may birthday party, pre."
"Binasa mo ba? Fillwood University 'to, tanga."
"Malas mo, makikita mo na naman si Jester," pang-aasar niya.
Mas malas baka makita ko rin ang hapon do'n.
Wala na akong nagawa kundi ayusin ang mga orders. Buti na lang nagkasya lahat sa delivery box. Pagkatapos kong ayusin ay pinaharurot ko na agad 'yong bulok na motor ng café.
