TKITD-19

32.2K 956 18
                                    

TKITD-19

MAY sigla sa mukha ko nang pumasok ako ng unibersidad. Ni hindi ko inalintana ang nasa paligid ko.

"May nakain ka?" bungad sa akin ni Mocha.

"Wala naman," nakangiti kong sagot.

"Masiyado kasing presko ang itsura mo ngayon," saad nito.

"Masaya lang ako, Mocha. Ganoon lang," sagot ko.

Hindi na ito nag-abalang magkumento pa at sumabay na lang sa aking maglakad.

"Catherine..." Napatigil ako sa aking paghakbang.

Tinatawag na naman niya ako. Siguro ay nais niya akong masilayang muli. Ganoon din naman ang aking gusto, ang makita siya.

"May problema ba, Catherine?" baling sa akin ni Mocha.

Umiling ako at sumabay na sa kanya. Lutang ang utak ko at malalim ang aking pag-iisip habang papaakyat ng hagdan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganoon ang nangyari sa akin nitong umaga.

"Mocha..." pigil ko dito.

"Hmm?" baling nito sa akin.

"Maari bang samahan mo ako mamaya sa silid-aklatan. May nais lang akong basahing libro," paanyaya ko.

"Oo naman. Halikana't tayo'y mahuhuli na sa klase. Gamitin mo na ang iyong pabango," aniya.

Napatango ako bilang pagtugon. Pagkaabot sa aming silid-aralan, diretso agad kami sa aming upuan. Tila walang pakialam ang aming mga kaklase, pati na rin ang aming guro na panay pa rin ang pagtuturo.

"Gusto mo ba ng inomin?" bulong ni Mocha sa akin.

Napangiti ako. Ibig ko ring matikman ulit ang gawa niyang inomin.

"Mamaya, may dala akong biskwit," saad ko.

Nginitian niya lang ako at nagpatuloy na sa pagbabasa ng libro. Nakapalumbaba akong napatanaw sa bintana. Laking gulat ko nang matanawan ko siya. Nakatayo ito sa may ibabaw ng tarangkahan habang nakapamulsa. Napatayo ako at pasimpleng lumabas. Pumuwesto ako sa beranda. Kitang-kita ng dalawa kong mata ang pagkasugat ng kamay nito habang nasisikatan ng araw. Walang pag-aatubili akong napatakbo palabas ng silid-aralan. Narinig ko pang tinawag ako ni Mocha at Zairan ngunit hindi na ako lumingon pa. Habang tumatakbo ako palabas ay hindi ko na namalayang mapaluha sa nakita ko. Diyos ko! Sabihin niyo sa aking maayos lang siya. Kinakapos ako ng hininga nang makarating ako sa may tarangkahan. Panay din ang pagpahid ko ng aking luha. Hindi ko na siya naabutan. Gaya ng palaging nangyayari, nawawala na lang ito na parang bula. Nanlulumo akong umupo na lamang. Nag-aalala ako sa kanya ng husto.

"Catherine!" tawag sa akin ni Mocha. Napahikbi ako at lumingon sa kanya.

"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong nito.

"Gusto ko munang umuwi," naluluha kong sagot.

"Hindi pa tapos ang klase," ani Zairan.

"Gusto kong umuwi!" pagtutol ko.

"Ihahatid ka namin. Zairan, isakay mo siya sa likuran mo. Mas mabilis ka sa akin. Kukunin ko muna ang mga gamit niya," utos ni Mocha.

Napatango lang si Zairan. Mabilis akong napakapit kay Zairan. Ibang klase ang bilis sa pagtakbo nito. Talagang kakaiba nga sila. Gustuhin ko mang mamangha sa mga nalalaman ko ngunit mas nangingibabaw sa akin ang matinding pag-aalala. Sa isang kisap-mata ay narating agad namin ang bahay ng mga Zoldic.

"Mag-iingat ka," makahulugang bilin nito bago tuluyang umalis.

"Ito ang mga gamit mo. Pumasok ka bukas, maari ba?" saad ni Mocha na kadarating lang din.

Tango lang ako nang tango. Walang ibang pumapasok sa utak ko, kung 'di siya lamang.

"Papasok ako bukas, pangako," sagot ko at tuluyan ng pumasok sa loob ng bahay.

"Catherine, kay aga mo namang nauwi?" salubong sa akin ni Mama.

Naiilang akong tawagin siya ng ganyan ngunit wala rin naman akong mapagpipilian.

"Masama ho ang aking pakiramdam. Gusto ko sanang makapagpahinga," paliwanag ko.

"Kung iyan ang gusto mo," sagot nito at marahang hinaplos ang aking pisngi.

Ngumiti lang ako at diretso ako agad na pumasok sa aking kuwarto. Nagpalit ako ng damit at lumabas ng aking silid. Kinuha ko ang itim na rosas na inilagay ko sa plorera. Lumabas ako ng bahay nang walang nakakapansin sa akin.

Gaya ng nakagawian, sa likod ng bahay ako dumadaan upang makarating sa tagong hardin. Nang umabot ako ay agad akong napahiga sa mayayabong na damuhan. Nag-aalala talaga ako ng husto sa kanya. Nagtataka din ako kung bakit nasusugatan siya habang nakabilad sa araw, gayong hindi naman nangyayari kina Mocha at Zairan iyon.

"Nasaan ka na..." naibulong ko sa kawalan. Ibig kong masilayan siyang muli. Makumusta kung mabuti ba ang lagay niya.

BUONG magdamag akong nakatingin lamang sa kawalan. Siyam na oras akong nag-antay sa kanya. Ni hindi na nga ako nakapagtanghalian at sigurado akong hinahanap na ako ng aking tiyahin. Panaka-naka rin ang pag-agos ng aking luha. Lubos talaga akong hindi mapakali. Laging sumasagi sa aking balintataw ang eksenang nakita ko. Kaya ba palaging sa dilim lamang siya nagpapakita sa akin ay dahil takot siya sa araw? Hindi ko alam kung ano na ang iisipin ko ngayon.

"Hindi ka man lang kumain. Ayaw kong magkasakit ka," narinig kong saad nito.

Napabangon ako agad at laking tuwa ko nangmakita ko siya. Malayo ito ng tatlong dipa sa akin. Nakatayo ito habang ang isangkamay ay nakapamulsa sa suot nitong kupas na maong. Gaya ng nakasanayan kongnakikita sa kanya. Nakasuot na naman ito ng tsaketa at nakakubli ang mukhanito. Alam kong gwapo ito base na rin sa pakiramdam ko ngunit para bangnapakailag nito.     

THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon