TKITD-1
"CATHERINE!" Napabangon ako sa gulat.
Pawisan ang buo kong katawan ng magmulat ako.
"Nako bata ka, kanina pa kita ginigising," pambungad ng aking tiyahin.
Napalingon ako sa kanya.
"Pasensiya na ho," sagot ko na lamang at agad na lumabas sa kulambo.
"Ako na ang bahalang magligpit niyan..." tukoy pa ng tiyahin ko sa pinaghigaan ko.
Napailing ako.
"Ako na lang po," pilit kong pagpresenta.
Nakakahiya naman kung siya pa ang magligpit ng higaan ko. Minadali ko itong niligpit, pagkuwan ay napaharap ako agad sa tiyahin ko na masusing nakamasid lang sa akin. Inabot naman niya ang kamay ko at marahan itong pinisil.
"Ganoon pa rin ba?" makahulugan niyang tanong.
Ang tinutukoy nito ay ang masamang panaghinip ko. Tipid na lamang akong napatango.
"Maayos po ako, Tiyang," sagot ko na lamang kahit na ang totoo ay hindi.
Lubos akong nahihirapan sa tuwing mababalik tanaw sa 'king kaisipan ang ganoong pangitain.
"Nag-aalala ako sa 'yo. Simula ng tumuntong ka ng beynte anyos noong isang taon ay lagi ka na lang binabangungot," paalala pa sa akin ng tiyahin ko.
Napailing ako at ngumiti ng matipid.
"Ayos lang po ako, huwag niyo po akong intindihin."
Umuna na akong pumanaog sa hagdan, puna ko ring sumunod ang tiyahin ko. Nagtungo ako sa kusina para maghilamos at agarang naupo sa hapag. Naupo rin sa tabi ko ang tiyahin ko.
"Madali na at baka mahuli ka pa sa trabaho," paalala pa ng tiyahin ko.
Tipid akong napatango at nagsimula nang kumain.
Simpleng buhay lang ang meron ako. Natapos lang ako ng high school sa aking pag-aaral dahil hindi na kayang tustusan pa ng tiyahin ko ang pangkolehiyo ko. Siya na lang ang kasama ko, ang tanging nagpalaki sa 'kin simula nang iwan ako ng aking ina. Ang ama ko naman, hindi kilala ng tiyahin ko. Matandang dalaga siya at nagtatrabaho bilang katulong sa pamilya ng mga Zoldic. Wala akong alam sa pamilya ng mga Zoldic, maliban sa katulong nila ang tiyahin ko, kapatid ng aking ina.
"Tiyang, saang lugar po nga ulit kayo nagtatrabaho?" pang-uusisa ko.
Napatigil naman ito sa pagkain at napainom agad ng tubig.
"Sa ano... Sa..." hindi mapakali nitong saad.
"Saan po?" tanong ko ulit.
Matagal ko na ang gustong malaman kung saang lugar siya nagtatrabaho. Ang alam ko lang kasi ay matagal na siyang naninilbihan sa pamilyang iyon. Bukod sa sumasakay pa siya ng bangka patawid sa kabilang nayon ay wala na akong iba pang alam. Masiyadong malihim ang tiyahin ko at hindi ko iyon gusto.
"Bakit mo ba tinatanong bata ka?" balik niyang tanong sa akin.
"Kasi po, para naman madalaw ko kayo doon. Sa isang linggo, napapadalas na po ang hindi niyo pag-uwi ng maaga. Alalahanin niyong, tumatawid po kayo sa kabilang nayon at hindi po iyon kalsada, dagat po 'yon," dahilan ko pa.
Napatawa naman ito.
"Nako bata ka, sa susunod, dadalhin kita doon, sa takdang panahon," makahulugan pang sagot ng tiyahin ko at para bang nangingilid pa ang mga luha niya.
"Umiiyak ho kayo?" taka kong puna.
Mabilis naman itong napailing sa tanong ko pero agad din namang napaluha ng tuluyan at niyakap ako ng mahigpit. Napatda ako sa naging kilos ng tiyahin ko. Marahan ko na lang na hinagod ang kanyang likod kahit na ang totoo ay gusto kong magtanong sa kanya kung bakit. Kinalas naman niya ang pagkakayap sa akin at mabilis akong hinalikan sa noo.
"Balang araw, sana ay mapatawad mo ako anak pero sa ngayon, huwag na muna ito ang pagtuunan mo ng pansin," pakiusap niya.
Wala akong nagawa kundi ang tumango na lang. Punong-puno ng katanungan ang utak ko pero gaya nga ng pakiusap ng tiyahin ko ay huwag ko muna isipin ang ano mang nais niyang ipahiwatig sa akin.
Tahimik naming tinapos ang pagkain. Nag-ayos na rin ako para pumasok sa trabaho.
Nagtatrabaho ako bilang History Teacher sa isang pampublikong paaralan. Alam ko, wala akong natapos ni isang kurso man lang pero dahil na rin sa pagkahilig ko sa History ay nakapasok ako bilang pansamantalang guro. Hindi man regular pero ayos na din sa 'kin basta lang makaipon ako.
"Tiyang Nely! Alis na ho ako!" sigaw ko pa.
Kumaway lang ang tiyahin ko sa 'kin. Sumakay na ako agad ng dyip patungo sa paaralang pinapasukan ko. Ilang minuto din ang biyahe para makarating ako sa paroroonan ko. Nang matapat ang Jeep na sinakyan ko sa mismong paaralan ay agad akong pumara at pumanaog.
"Gurong Lumibao..." tawag sa akin ng mga bata.
"Oh? Kumusta ang pananatili mo rito?" masayang pang-uusisa ko.
"Ayos po ma'am," sagot naman ng isa kong estudyante.
Ginulo ko lang ang buhok niya at mabilis na nalukot ang itsura nito. Matipid akong napatawa. Nakalimutan kong mga binata na pala sila. First year high shool ang tinuturuan ko. Isa-isa naman nilang binitbit ang mga gamit ko at agad na pumasok sa klase.
"Bb. Catherine Lumibao?" salubong sa 'kin ng punong guro ng paaralang pinapasukan ko.
Tipid akong napatango kahit na kabado ako bigla. Sana naman ay maganda ang pag-uusapan namin.
BINABASA MO ANG
THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)
VampirosSeries 1 Highest Rank on Vampire Genre #1 Highest Rank on Vampire Genre #2 (3-9-2018) Highest Rank on Vampire Genre #3 (3-12-2018) WATTYS2016 WINNER Zoldic Legacy Series Si Catherine, isang inosenteng babaeng walang kamuwang-muwang sa mundong pina...