TKITD-46

25.7K 714 20
                                    

TKITD-46

*****

Inilapag ko ang aking mga gamit sa isa pang silya at naupo sa bakanteng silya. Napalumbaba ako. Puna ko pang gulat ang mukha ng aking tiyahin.

"Ngiti na ho tiyang. Kay aga niyo namang magulat." Sabi ko pa.

Natauhan naman ito at agad akong pinaghainan. Matapos ay naupo ito sa kaharap kong silya.

"Maayos ka na ba talaga Catherine?" Tila pagduda pa nito.

Napatango ako habang kumakain.

"Kahapon lang ay wala ka sa sarili mo, may nangyari ba?" Usisa nitong muli. Nilunok ko muna ang kinain ko.

"Wala naman po. Kaya't huwag na ho kayong mabahala pa. Siguro'y dala lamang iyon ng laro tiyang." Pagdadahilan ko pa.

Magsasalita pa sana ito pero maagap kong pinisil ang kanyang kanang kamay. Umikot ako at niyakap siya mula sa likod at hinalikan ito sa kanyang pisngi.

"Mahal ko kayo tiyang. Mauna na ho ako." Paalam ko at kinuha ang mga gamit ko, maging ang baon ko.

Sumakay ako agad sa sasakyan at napatanaw sa labas ng bintana. Ayaw humiwalay ng ngiti ko sa aking labi at aminado akong masaya ako.

Nang makarating kami sa unibersidad ay agad akong napababa ng sasakyan. Hindi pa man ako nakakapasok ay sinalubong ako agad nang yakap ni Mocha.

"Maayos ka na ba talaga?" Ani Mocha habang yakap pa rin ako. Tumugon ako sa yakap niya.

"Maayos ako Mocha, sobra." Sagot ko.

"Ano nga ba talaga ang nangyari sa iyo?" Aniya habang lumalakad na kami papunta sa aming silid-aralan.

"Nakulong ako sa isang kuwarto at wala namang nangyaring kakaiba sa akin." Simpleng sagot ko.

Nagsinungaling ako at kailangan iyon upang maprotektahan ko ang katauhan ni Steffano. Sa mata nila'y mapanganib siya ngunit taliwas iyon sa nakikita at nararamdaman ko. Kapag nalaman nila iyon ay siguradong ilalayo nila ako kay Steffano at hindi ako makakapayag.

Kumunot ang noo nito at tila nagdududa ito sa naging sagot ko. Ngumiti ako ng natural upang huwag na itong magduda pa. Agad din namang nag-iba ang kanyang mukha at naging maaliwalas ito. Mukhang naniwala na ito sa naging sagot ko kaya nakahinga din ako ng maluwag. Tuluyan na naming narating ang silid at laking gulat ko nang itulak ako ni Akesha dahilan para tumilapon ako.

"Zairan..." Sambit ko nang mapagtanto kong sinalo niya pala ako kaya hindi ako natuluyang tumama sa pader.

"Akesha! Nahihibang ka na ba ha!" Sinugod siya ni Mocha at ibinalibag ito sa pader.

Inalalayan naman ako ni Zairan na makatayo at agad pang iniharang ang kanyang sarili mula sa aking harapan. Pumaling naman ako sa puwesto nila Mocha.

"Hindi ako nahihibang! Si Ren ang babaeng iyan!" Pagwawala nito at tila balewala sa kanya ang pagbalibag ni Mocha ng malakas.

Nagkalat pa sa sahig ang mga tipak ng sementong natamaan nito.

"Paano siya magiging si Ren! Baliw ka na ba!" Dipensa ni Mocha.

"May marka si Ren sa balikat niya at nakita ko iyon sa babaeng iyan! Alam mo kung ano ang tinutukoy ko!" Ani Akesha.

Bumaling si Mocha kay Zairan at parang nagkaintindihan pa ang dalawa sa simpleng tanguan. Humarap si Zairan sa akin.

"Buksan mo ang blusa mo Catherine." Utos pa nito sa akin. Laglag ang aking panga sa inutos nito sa akin.

"Nagbibiro ka ba!?" Tila hindi ko pa makapaniwalang sagot.

Seryoso lang ang mukha nito at halatang hindi nga nagbibiro. Napalunok ako at bahagyang napatalikod. Gustuhin ko mang magprotesta ngunit hindi ko naman iyon magawa. Lakas loob kong ibinababa ang aking suot na uniporme at agad din naman itong ibinalik sa ayos. Isang malutong na sampal ang natanggap ni Akesha kay Mocha.

"Hangal ka! Sa susunod na magbintang ka'y siguraduhin mo!" Galit na wika ni Mocha.

"Puro kayo mga tanga! Sa oras na mapatunayan ko na ang babaeng 'yan ay si Ren. Humanda kayo sa akin!" Ani Akesha at agad na naglaho sa harapan namin.

Nanginginig ang mga tuhod kong napasandal sa pader. Gumugulo sa aking isipan ang mga himutok ni Akesha patungkol kay Ren. Ngunit wala naman silang nakitang marka sa aking balikat. Posible nga bang ako nga si Ren? Ngunit wala akong maalala. Kahit nga ang lugar na ito'y hindi ko din matandaan. Napahilot ako sa aking sintido.

"Patawad Catherine." Paumanhin ni Zairan sa akin. Nailing ako.

"Ayos lang." Dinaluhan ako ni Mocha at inakay ako.

"Mauna ka na sa silid Zairan." Ani Mocha.

Malungkot ang mga mata nito nang sulyapan ako bago umalis at tanging pag-iwas lang nagawa ko. Ayaw kong makasakit ng damdamin ngunit hindi ko din naman kayang magpanggap at dayain ang aking nararamdaman.

"Tara na Catherine. Huwag mo na lamang isipin pa ang mga sinabi ni Akesha." Napatango ako.

*****

Pagkarating sa silid-aralan ay lahat abala sa paghahalungkat ng mga libro. Naging silid-aklatan ang aming silid aralan. Kanya-kanya ang mga kaklase ko sa paghalungkat ng kanilang mga libro na nakapatong sa kanilang mga mesa.

"Anong meron?" Takang-taka ko pang tanong.

"May pasulit tayo." Sagot ng isa sa mga kaklase ko.

Halos hindi sila magkandaugaga sa pagbubuklat sa mga libro. At ang gandang salubong nito sa akin. Masusuong na naman ako sa kapahamakan.

"Mocha?" Untag ko dito. Malalim kasi ang pag-iisip nito.

"Mocha..." Pukaw kong muli ngunit nakatanaw lang ito sa kawalan.

"Ang larong ito...imposible!" Wika nitong bigla.

"Walang imposible Mocha. Nakita siya ng mga nakakataas kung paano niya laruin ito dahil lamang sa isang katuwaan. Posibleng naisalin ito sa libro ng pasulit." Ani Zairan habang nakaupo lamang sa may bintana at nakatanaw sa labas.

Wala akong maintindihan sa pinag-uusapan nila kaya nanatili akong walang imik. Pinagdikit ni Mocha ang kanyang mga palad.

"Dahil hangal kayong mga pinsan ko! Pagpustahan niyo ba naman si Ren at ilagay sa tutok ng toreng tatsulok!" Pahayag nito na ikinagulat ko.

Si Zairan? Isa din siyang Zoldic? Pa-paanong!? Nagsalubong ang kilay kong bumaling kay Mocha. Umiling ito at pinisil ang aking kamay. Para bang sinasabi niyang huwag muna akong makialam. Tipid na pagtango na lamang ang nagawa ko. Tatanungin ko nalang si Mocha mamaya tungkol sa pagkatao ni Zairan.

"Ginusto ni Ren ang larong iyon dahil katuwaan nga ngunit hindi namin nabatid na may nakamasid sa amin." Simpleng sagot lamang ni Zairan.

"Alam mo pa ba ang mga bugtong at sagot ng mga iyon?" Ani Mocha. Umiling si Zairan.

"Napagkasunduan naming burahin ang mga alaalang iyon dahil na din sa kagustuhan ni Ren. Mapanganib ang larong nagawa namin at hindi iyon dapat maisali sa libro ng pagsusulit." Sagot ni Zairan.

"Mocha ano ba ang larong iyan?" Hindi napigilan kong pagsingit sa kanilang usapan. Bumaling ito sa akin.

"Bugtongan sa kabilugan ng buwan. Bawat pasilyong iyong madaanan ay may kaakibat na tanong. Kapag tumama ka'y hahakbang kang muli ngunit kapag nagkamali ka ng sagot ay may kaakibat itong patibong." Sagot ni Mocha sa akin.

Ngayon pa lang ay namamawis na ang mga kamay ko dahil sa sobrang tensyon. Sa tingin ko'y mas malala yata ang larong ito kaysa sa nakaraang nilaro namin.

"Sino ang tinutukoy ni Zairan?" Mahinang tanong ko kay Mocha.

"Si Cedrick..." Ani Mocha. Nakakamangha talaga siya! Napatungo si Mocha sa mesa namin.

"Walang saysay kung hahalungkatin nila lahat ng libro dahil sinunog ko iyon lahat." Ani Mocha. Napasinghap ako.

THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon