TKITD-9
PAGKAABOT sa bahay, bumaba ako agad at dumiretso sa kuwarto ko. Isinalyado ko ang pinto at napasubsob sa kama ko at umiyak ng matindi. Napatihaya ako at napatangang napatulala habang nakaharap sa kisame. Gusto ko nang umuwi sa amin. Sa dati naming tirahan sa baryo. Malayo sa kung saang lugar man ito. Napapunas ako agad ng luha ko nang maramdaman kung pumihit ang seradora.
"Catherine..." bungad sa akin ni tiyang at isinirado ulit ang pinto pagkapasok niya.
Hindi nakapagtataka kung may susi si tiyang ng kuwarto dahil matagal na siyang kasambahay dito. Napabangon ako at napasandal sa dingding ng kama ko. Marahan din naman siyang naupo sa may paanan ko.
"May nangyari ba? Ang sabi sa labas, balisa ka raw nang madaanan nila sa daan. Tumawag dito ang unibersidad, hindi ka rin daw pumasok sa iba mo pang aralin," aniya.
Napahikbi ako ng mahina. Gumapang ako palapit sa kanya.
"Sabihin mo nga sa akin ang totoo tiyang. Ako lang ba? Ako lang ba ang normal sa lugar na 'to!?" umiiyak kong tanong.
Nanlaki naman ang mga mata niya dahil sa tanong ko.
"Pa-paano mo nalaman iyan?" tanong niya.
"Muntik na akong mapahamak kanina tiyang! Bakit! Bakit mo ako dinala sa lugar na ito! Sabihin ninyo sa akin ang totoo! Ako lang ba!?" galit kong bulyaw.
Nirerespeto ko ang tiyahin ko pero sa kalagayan ko ngayon, hindi ako puwedeng basta na lang manahimik. Napaiyak naman ito at niyakap ako.
"Ako at ikaw lang, Catherine." Natulala ako sa sinabi niya. Mabilis akong napababa ng kama.
"Umalis na tayo sa lugar na ito tiyang. Malayo sa lugar na ito." Agaran naman siyang napailing, na siya ring mas ikinabahala ko ng matindi.
"Hindi na tayo makakaalis sa lugar na ito Catherine. Nasa isang liblib na isla tayo na kung tawagin ay Isla Bakunawa. Tuwing lunar eclipse lang nakikita ang islang ito Catherine. At alam mo kung ilang taon ang aabutin 'yon," malungkot na paliwanag sa akin ni tiyang.
Kaya niya ba ako pinatulog ng gabing iyon habang nasa laot kami, kaya ba sobrang dilim ng gabing iyon. Kaya ba sa tuwing tinatanong ko siya kung saang Isla siya nagtatrabaho ay panay ang iwas niya. Napasabunot ako sa sarili ko at nanlulumong umupo sa sahig.
"Imposible po 'yon. Tuwing linggo kayo umuuwi o minsan naman, dalawang linggo ang pagitan bago kayo umuwi. Hindi taonan 'yon tiyang," naguguluhan kong tanong. Napatayo naman ito at umupo sa harapan ko.
Marahan niyang hinaplos ang mga kamay ko, pati na ang mukha kong basang-basa na dahil sa sarili kong mga luha.
"Hindi ko alam kung saang lugar nila ako dinadala sa tuwing napapauwi ako sa atin. May piring ang mga mata ko sa tuwing bumabiyahe kami at kasama ko si Ginang Zoldic sa tuwing umuuwi ako sa atin. Lalo na nang dinala kita dito, pati ako Catherine ay nakatulog din," mahaba niyang salaysay.
Napailing ako at napatayo. Gusto ko nang umalis dito! Mabilis kong tinungo ang pinto at binuksan ito pero laking gulat ko ng bumungad si Ginang Zoldic sa harapan ko. Nawalan din ako ng balanse at bumagsak sa sahig.
"Nely ano ba ang nangyayari?" baling nito sa tiyahin ko at tinulungan pa akong makatayo.
"Masiyadong napagod lang ho ang pamangkin ko. Hindi po sanay sa pamalakad ng unibersidad. Nanibago lang ho siguro," depensa ng tiyahin ko at marahang pumaling sa akin.
Nais niyang makiayon ako sa takbo ng mga nangyayari. Bahagya akong napalunok at marahang napatango ng labag sa kalooban ko. Tipid lang na ngumiti ang ginang at umuna nang lumabas ng kuwarto ko. Hinapyawan muna ako ng tingin ng tiyahin ko bago kinabig ang pinto pasarado. Napabuga ako ng hangin. Marahan akong napatayo at lumabas ng kuwarto ko. Sumilip ako saglit sa magkabilang pasilyo bago tuluyang napalabas ng bahay. Ayaw ko nang manatili sa lugar na ito. Gusto kong tumakas sa mapanganib na mundong ito. Sa likod ako ng bahay nadaan at isang masukal na kagubatan ang bumungad sa akin. Sa pagdaan ko ay panay ang aking hawi sa nagkukumpolang mga baging na humaharang sa dinaraanan ko.
BINABASA MO ANG
THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)
VampiroSeries 1 Highest Rank on Vampire Genre #1 Highest Rank on Vampire Genre #2 (3-9-2018) Highest Rank on Vampire Genre #3 (3-12-2018) WATTYS2016 WINNER Zoldic Legacy Series Si Catherine, isang inosenteng babaeng walang kamuwang-muwang sa mundong pina...