TKITD-52
*****
Nagmulat ako ng aking mga mata at laking tuwa ko't hindi niya ako iniwan. Tinabihan niya pa talaga ako sa aking pagtulog. Hinaplos ko ang mukha nito at pinadaan ang aking mga daliri sa buong mukha niya.
"Alam ko, 'di ka tulog." Mahina kong wika.
Idinilat nito ang kanyang kaliwang mata at pilyong ngumiti sa akin.
"Pilyo!" Hinampas ko ng kaunti ang kanyang balikat.
"Sinabi ko na sa iyong sasamahan kita ngayon." Aniya.
"Salamat." Sumiksik pa ako lalo sa kanya.
Wala man akong marinig na tibok ng puso nito, hindi ko man ramdam ang init ng katawan nito ngunit para sa akin siya'y walang katulad.
"May ipapakita ako..." Wika nitong bigla at laking gulat ko ng itapat niya ang kanyang kanang kamay sa sikat ng araw.
"Huwag!" Tutol ko ngunit inawat niya lang ako.
Laking pagkamangha ko't hindi man lang nalapnos ang kanyang kamay.
"Kaya ko na tumagal ng limang minuto sa ilalim ng araw." Wika niya. Napabangon ako sa sinabi niya.
"Hindi ka ba nagbibiro?" Tila namamangha ko pang paniniguro sa kanya. Inalis nito ang kanyang kamay at naupong kagaya ko.
"Totoo..." Sa sobrang tuwa ko'y niyakap ko siya ng mahigpit.
"Masaya ako para sa iyo mahal ko." Naiusal ko.
Tinugon nito ang aking yakap at muli ay ginawaran ako ng halik sa aking labi. Ngunit bahagya itong natigilan at napalingon sa pinto. Kumunot ang noo nito na tila ba at hindi niya gusto ang nararamdaman niya sa labas ng aking silid.
"Bumalik siya..." Wika nito.
Mabilis nitong kinuha ang kanyang tiyaketa at isinuot ito. Agad din niya akong kinarga at walang ano pa ay tumalon ito sa bintana habang karga ako. Walang kahirap-hirap niya akong itinakas at mabilis kaming nakalabas ng bahay. Para pang naiwan ang kaluluwa ko dahil sa tindi ng aking pagkagulat.
"Steffano..." Pukaw ko rito.
Kasasabi niya lang na limang minuto lang ang kaya niyang itagal sa ilalim ng sikat ng araw at lubos ko iyong ikinabahala.
Isang kurap lang ay ibinaba niya ako sa harap ng isang bahay kubo at agad niya akong hinila papasok sa loob. Agad akong nabalik sa sarili ko at inusisa ito.
"May sugat ka ba? Anong masakit sa iyo?" Natataranta kong tanong.
"Catherine..." Nag-angat ako ng aking paningin.
Bigla na lamang nitong pinahiran ang aking pisngi. Hindi ko man lang namalayang naiyak na pala ako.
"Ayos lang ako..." Wika niya at niyakap ako.
Mas lalo akong naiyak. Kakaiba man ang angking katangian niya ngunit hindi pa rin maiaalis sa akin ang mag-alala at mabahala. Kahit man ay may pagbabagong nangyayari sa kanya'y hindi pa rin dapat ako makampanti.
"Sino ba iyon?" Naitanong ko.
"Isang kaaway." Tipid nitong sagot.
"Mamayang gabi na tayo bumalik." Dagdag pa nito.
Napatango lang ako at pinunasan ang aking luha. Napamasid ako sa aking paligid. Ngayong ko lang napagtantong maganda ang loob ng bahay. Maliit man ngunit kakasya na rito ang isang maliit na pamilya.
"Dito ka nakatira?" Manghang tanong ko.
"Tayo..." Anito at niyakap ako mula sa aking likuran.
"Talaga?" Mangha ko pang tanong.
Pilyo naman itong napatawa.
"Ito ang lugar kung saan puwede kitang masolo. Regalo ko para sa iyong darating na kaarawan." Wika nito.
Nangilid ang aking mga luha sa sobrang galak. Hindi ko akalaing ganito nga ako kahalaga sa kanya. Humarap ako sa kanya at kinantilan ito ng halik.
"Buong puso akong nagpapasalamat sa regalong ito. Napaaga man ngunit lubos ko pa rin itong ikinagalak." Tipid lang itong ngumiti.
Pansin kong napapadalas na ang kanyang pagtawa at pagngiti, kaya't mas lalo iyong ikinagaan ng aking pakiramdam. Habang tumatagal ay mas lalong lumalabas ang totoong ugali niya. Masayahin din pala ito at pilyo rin minsan.
"Sino ba ang pinagtataguan natin?"
Gaya nga ng inaasahan ko'y wala itong imik. Wari'y ayaw niyang pag-usapan namin ang nangyari kanina lang. Baka naman iyong anak ni Mama ang pinagtataguan namin. O kaya naman, pati nga ba siya ay nagtatago din o ako ang itinatago niya sa kung sinong nilalang na iyon. Hindi ko na alam kung ano pa ang maaari kung iisipin sa mga oras ngayon.
"Kumain ka na." Pukaw nito sa akin sabay abot sa akin ng isang buslo na punong-puno ng mga prutas.
Gusto ko mang mangulit muli at magtanong ngunit mas pinili ko na lamang ang manahimik at kumain na lamang.
*****
Lumipas ang ilang oras at sumapit na ang gabi. Tanaw na tanaw ko mula sa bintana ang liwanag ng buwan sa kalangitan mula sa aking kinauupuan.
"Catherine..." Tawag nito sa akin. Agad din naman akong napatayo at lumapit sa kanya.
"Uuwi na tayo?" Tanong ko pa.
"Kailangan..." Tipid lamang na sagot nito at hinawakan ang aking kamay.
Kinarga nito akong bigla ng wala man lang abiso. Lagi naman! Sa isang mabilis na pagtakbo lamang nito'y narating agad namin ang bahay. Sa hula ko'y hindi naman medyo malayo ang bahay kubong regalo niya sa bahay ng mga Zoldic.
Ibinaba nito ako sa tapat mismo ng pinto. Magpapaalam na sana ako sa kanya ngunit laking gulat ko nang pumasok ito sa loob habang hawak ang aking kamay.
"Steffano..." Awat ko sa kanya.Nahihibang na ba siya!? Paano kung makita siya ng Mama o kaya ng tiyang? Panigurado'y magugulat ang mga iyon dahil may kasama akong bampira. Ang alam nila'y wala akong kamuwang-muwang sa paligid ko.
"Steffano..." Awat kong muli sa kanya ngunit para itong bingi dahil diretso lang ito sa paglakad paakyat.
"Catherine, sino iyang kasama mo?" Bungad ng Mama sa amin. Halos bumilog ang aking mga mata.
"Po?" Tila lutang pa ang aking utak at 'di alam ang gagawin.
"Kaklase mo ba---" Natigilan ang Mama ng magsalubong ang kanilang mga paningin. Para itong maiiyak o kaya'y parang natutuwa. Hindi mo mahulaan ang kanyang emosyon.
"Mama, kasi...ano..." Sumenyas ito na para bang sinasabi niyang 'Ayos lang'.
Umipod pa ito upang tuluyan kaming makadaan. Hinila akong muli ni Steffano papasok sa aking silid.
"Magkakilala ba kayo!?" Unang tanong ko agad.
Hindi ito umimik. Nanlulumo akong naupo sa aking kama. Sumasakit ang ulo ko sa mga nangyayari. Kaunti nalang at parang bibigay na ang utak ko.
"Catherine..." Tawag nito sa aking ngunit nag-iwas ako ng aking paningin.
Lumapit ito sa akin at niyakap ako. Tuluyan ko ng ibinuhos ang aking emosyon.
"Patawad..." Usal nito.
BINABASA MO ANG
THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)
VampireSeries 1 Highest Rank on Vampire Genre #1 Highest Rank on Vampire Genre #2 (3-9-2018) Highest Rank on Vampire Genre #3 (3-12-2018) WATTYS2016 WINNER Zoldic Legacy Series Si Catherine, isang inosenteng babaeng walang kamuwang-muwang sa mundong pina...