TKITD-13

34.5K 983 10
                                    

TKITD-13

PABALING-BALING ako nang higa dahil sa bigla akong naalimpungatan. Pakiramdam ko ay may nakamasid sa akin. Marahan kong idinilat ang aking mga mata at laking gulat ko ng may nakatayong lalaki sa may paanan ko. Naaaninag ko ang bulto ng katawan nito sa pamamagitan ng liwanag ng buwan. Mabilis akong napabalikwas nang bangon at binuksan ang ilaw sa gilid ko. Sa muling pagpihit ko paharap ay ganoon na lamang ang pagtataka kong wala na ito sa kinatatayuan nito kanina. Napahilot ako sa sentido ko at napahimas sa batok ko. Guni-guni ko lamang siguro iyon. Dala lang siguro iyon ng mga nangyayari sa paligid ko. Muli akong nahiga at 'di na inabala pang patayin ang ilaw. Muli akong nakipaghilaan ng antok.

MAGAAN ang pakiramdam ko nang magmulat ako. Hindi ko rin napanaginipan ang tagpong iyon at kong maari ay ayaw ko nang maisip iyon. Marahan akong lumapit sa beranda at nilanghap ang simoy ng hangin. Kay ganda nang pagsibol ng bukang-liwayway at hindi mainit sa balat ko ang pagdampi nito.

Malamig pa rin ang aking paligid at mukhang makakasanayan ko na ang ganitong klima sa lugar na ito.

Agad kong inabala ang sarili ko sa pag-aayos para sa pagpasok sa iskuwela. Wala namang pinagkaiba ang pagtuturo ng guro namin dito, ang pinagkaiba lang ay siya lahat ang nagtuturo ng leksiyon. Siguro ay sa haba rin ng inilagi nila sa mundong ito ay ganoon na lang siguro ang dami ng kaalaman nito.

Gaya nga ng gusto ko, naaangkop pa rin naman ang kursong gusto ko, ang History. Mas lalo ka pa itong nagustuhan dahil gusto ko ring malaman ang tungkol sa mga bampira at mga teyorya nito.

Marahan ko lang na sinuklay ang buhok ko at hinayaang nakalugay ito. Ginamit ko rin ang pabangong magkukubli sa katauhan ko. Limang bote sa isang araw ang dala ko at dalawang bote ang nauubos ko hindi pa man natatapos ang araw. Hindi ko rin hinahayaan na pagpawisan ako dahil matinding problema iyon kapag nagkataon.

Nang makuntento ako sa ayos ko ay agad na akong lumabas ng kuwarto ko pero napabalik ako ulit nang pasok at marahang idinikit sa pinto ang tainga ko. Nag-uusap ng masinsinan ang tiyang ko at si Ginang Zoldic.

"May alam ba siya tungkol sa katauhan namin?" Narinig kong pang-uusisa nito sa tiyahin ko.

"Wala ho Señora. Gaya ho ng bilin niyo at mukha wala naman hong nababanggit ang pamangkin ko patungkol sa inyo." pagtatakip ni tiyang sa akin. Napalunok ako.

"Mabuti kung ganoon, ayaw ko siyang mapahamak. Ako ang mananagot kapag may nangyaring masama sa kanya. Alam mo iyan Nely, mas mahalaga ang buhay ni Catherine sa kanya Nely, kahit noon paman," may pag-aalala sa tono nitong bilin.

Narinig ko pa ang mga yabag nito palayo. Sino ba ang tinutukoy nila? Importante ako, kanino? At noon pa? Napapikit ako nang mariin. Napakarami pa pala ng tanong na kailangan kong hanapan ng sagot.

"Catherine, mag-aagahan na tayo," tawag ni tiyang sa akin mula sa labas ng kuwarto ko. Inayos ko ang sarili ko at binuksan ang pinto.

"Magandang umaga ho," masiglang bati ko ngunit taliwas sa sigla ng aking mga mata.

"Maayos ba ang tulog mo?" tanong nito. Marahan akong napatango.

"Oh siya, tara na sa hapag," gayak nito sa akin.

Mataman lang akong nakasunod. Umupo ako agad sa tabi ni Ginang Zoldic.

"Catherine, ayos lang ba kung ipapasundo na lamang kita kay Nely mamaya pagkauwi mo. May lalakarin lang ako at gagamitin ko ang sasakyan," saad pa nito. Napatango-tango ako.

"Ayos lang ho sa akin, sanay naman ho ako sa lakaran," sagot ko.

Tipid itong nangiti at kumain ng muli. Mariin akong napakagat-labi. Iniisip ko kung saan kaya ito paroroon. Pinalis ko na lamang ito sa aking isipan. Tinapos ko na lamang ang pagkain ko at agad nang nagpaalam sa kanila.

PAGKADATING ko sa unibersidad, tahimik ang buong paligid.

"Bakit ang aga mo?" Napasapo ako sa aking dibdib dahil sa gulat.

"May pasok kaya maaga," sagot ko at napairap sa kanya.

"Patawad, nagulat talaga kita, ano?" sagot nito.

Marahan lang akong napatango at mabilis na dumistansya sa kanya.

"Catherine..." tawag nito sa akin pero hindi na ako lumingon pa.

Bakit niya ba ako kinakausap? Napalinga ako ulit sa likuran ko pero laking gulat ko ng lumitaw ito sa harapan ko. Napasinghap ako sa sobrang pagkabigla.

"Pakiusap, huwag ka sanang matakot sa akin. Alam ko kung ano ka–" sambit nito pero napatigil agad dahil may patalim sa leeg nito.

"Subukan mong saktan siya at tutuluyan kita, Zairan Jacob."

Mariing banta ni Mocha sa kanya.

"Teka, magsitigil nga kayong dalawa!" awat ko. Mariing napailing si Mocha sa akin.

"Sige na Mocha, hayaan mo muna siya, pakiusap," pagsusumamo ko.

Labag sa loob nito na itago ang hawak nitong patalim.

"Huwag dito..." sabi pa ni Mocha.

Nagpatiuna nang lakad si Zairan at nakasunod lang kaming dalawa ni Mocha. Lihim kaming nag-uusap gamit ang aming mga mata. Wala akong mahinuha kung ano ang pakay nito sa akin. Umabot kami sa tambayan namin ni Mocha kung saan malayo sa teritoryo ng iba. Marahan akong inilayo ni Mocha sa kanya dahilan para mapakunot ito ng noo.

"Hindi ako gaya ng iniisip mo..." sabi pa nito. Napakapit ako sa braso ni Mocha at nagkubli sa likuran nito. Mariin lang ding napairap si Mocha sa sinabi nito.

"Alam ko, masama ang inasta ko nitong nakaraang araw. Nabigla lang ako ng malaman kong may tao na naman ang nagawi sa lugar natin. Alam mo iyon Mocha," paliwanag pa nito at pasimple akong hinapyawan ng tingin.

"Alam mo naman siguro ang nangyari sa kanya Zairan. Kaya pakiusap ko lang sa 'yo, kung gusto mo talagang makatulong kay Catherine. Layuan mo siya. Tama na iyong alam mo ang totoo." Batid ko ang galit ni Mocha sa kanya.

Mabilis niya akong hinila palayo kay Zairan. Gusto kong magtanong kung bakit ganoon na lang ang sagutan nilang dalawa. Nangingibabaw din sa akin ang malaking kuryusidad kung sino ang taong iyon. Ang taong nauna sa aking makapunta rito.

"Mocha..." mahina kong pagtawag rito.

"Kung may balak kang magtanong sa akin, pakiusap huwag muna ngayon Catherine," saad pa nito at nagpatiuna na nang lakad.

Napabuntong-hininga na lamang ako.

THE KNIGHT IN THE DARK [Zoldic Legacy Book 1] (WATTYS2016 WINNER)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon