Nagsisimula nang tumulo ang luha ko habang padilim nang padilim 'yung lugar na pinagdadalhan sa akin nung lalaki. Habang tumatagal din nararamdaman kong dumidiin 'yung pagkakatutok niya sa akin ng kutsilyo. Unti-unti lumalakas 'yung hikbi ko kaya naman tinakpan niya agad 'yung bibig ko ng kaliwang kamay niya.
Mahigpit 'yung pagkakakapit niya sa bibig ko pero hindi ko na napapansin 'yung sakit nun. Pakiramdam ko nabibingi na rin ako sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Anong gagawin niya sa akin? Mamamatay na ba ako?
Halos mapasigaw ako nang itulak niya ako sa isang puno. Humampas 'yung kaliwang braso ko roon na hinawakan ko kaagad dahil sa sakit. Nanginginig na ang mga tuhod ko habang unti-unti siyang lumalapit. Tila siya demonyong hayok na hayok habag tinitignan ko siya sa nanlalabo kong mga mata.
Luminga ako sa paligid. Wala akong makita ni isang bahay. Sobrang liblib ng pinagdalhan niya sa akin. Na maski siguro magsisigaw ako ay walang makakarinig.
Pagkalapit na pagkalapit niya ay tinanggal niya 'yung bag na nasa likod ko. Pagkatapos nun ay hinawakan niya 'yung blouse ko at hinila 'yun na naging dahilan ng pagka-pigtas ng tatlong butones. Hinawakan niya ang dalawang braso ko at isinandal ako sa puno saka inilapit ang mukha niya sa akin. Pilit niyang hinahalikan ang mga labi ko pero naiiwas ko 'yun sa kanya.
Pilit akong kumakawala pero malakas siya. Patuloy lang ako sa pag-iyak habang iniiwas ko ang mukha ko at nagpupumiglas sa kanya. Mukhang nainis naman siya kaya humiwalay siya saglit. Nagulat na lang ako nang maramdaman ko 'yung pagtama ng kamao niya sa tiyan ko.
Unti-unti akong napa-upo dahil sa sakit. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko. May nahagip ang kamay ko pagkaupo ko sa lupa. Sa nanginginig na kamay ay pinulot ko 'yun. Nang maramdaman ko ang pagkapit niya sa kaliwang braso ko para itayo sana ako ay buong lakas kong naihampas ang malaking bato na hawak ko sa ulo niya.
Nawalan siya ng balanse at tumumba. "W-walang hiya kag babae ka!" narinig ko pang sigaw niya habang nahahandusay sa lupa.
Nahawakan niya ang kaliwang paa ko na ikinatili ko. Sinipa sipa ko siya pero lalong humihigpit ang kapit niya. Napatigil ako nang may madaanan ang mga mata ko. At sa isang mabilis ngunit malakas na pagsipa, inasinta ko ang hinaharap niya.
~*~
Kanina pa ako tumatakbo ng walang tigil. Hindi ako lumilingon dahil baka maabutan pa ako ng lalaki. Patuloy pa rin ang pag-iyak ko. Nanginginig pa rin ang mga tuhod ko. Nagsimula lang bumagal ang pagtakbo ko nang marami na akong tao na nakikita.
Hindi ko na alam kung saang lugar ako dinala ng mga paa ko basta ang alam ko lang, marami nang tao ang nasa paligid ko. Pinagtitinginan nila ako pero hindi ko sila pinapansin. Lakad takbo pa rin ang ginagawa ko at naghahanap ako ng lugar na pamilyar sa akin. Pero kahit saan ako lumingon, hindi ko pa rin malaman kung nasaang lupalop na ako.
"Ayos ka lang Miss?" tanong sa akin ng isang babae.
Hindi ako sumagot sa kanya patuloy lang ako sa pag-iyak. Hinawakan niya 'yung isang kamay ko at hinawakan ako sa likod.
"Anong nangyari Miss?" hindi pa rin ako makasagot. Dinala niya ako sa harap ng isang tindahan at pinaupo. "Manang! Pabili nga po ng tubig!" Narinig kong sabi niya sa tindera. "Tumahan ka na," aniya. "Heto o, uminom ka muna." Iniabot niya sa akin 'yung isang bote ng mineral water. Tinaggap ko naman 'yun at ininom.
"Nasaan ang pamilya mo? Gusto mong tawagan natin?"
Mabilis ang ginawa kong pagtango. Hindi ko na nagawang kunin ang bag ko kanina dahil sa pagtakas. Mas mahalaga ang buhay ko kaysa naman sa mga laman ng bag ko kaya hindi ko na 'yun pinagtuunan ng pansin. Ang kaso, nandoon ang cellphone ko at hindi ako makakatawag kung hindi ako manghihiram.
BINABASA MO ANG
My Poker-Faced Guy
Romance[Completed] Malaking palaisipan si Xander para kay Mica. Tila ba may sariling mundo ang lalake. Kahit anong mangyari, walang ibang expression ang makikita sa mukha ni Xander kundi poker face. Kahit ba may nakakatawa, nakakalungkot, or nakakagalit na...