Mica
Halatang-halata kay Kuya ang sobrang pagod. Kahit ako pagod na rin. Pagkagaling namin sa ospital, dumeretso kami rito sa airport. Darating kasi si Mommy ngayon dahil sa nangyari. Ang totoo, hindi niya pa alam na wala na si Ate Ara. Ang alam niya lang, nasa ospital siya.
"Umidlip ka muna d'yan," sabi ni Kuya Maico. Pababa na siya ng kotse nang magsalita ako.
"Hindi na, Kuya. Ayos pa naman ako. Saka ilang minuto na lang naman darating na si Mommy," sabi ko. Bumaba na rin ako para sumama sa pagsalubong.
Fifteen minutes din kaming naghintay bago dumating si Mommy. Hinayaan ko munang mag-usap sila ni Kuya. Halata sa hitsura ni Mommy ang pagkagulat kaya naman lumayo muna ako ng konti. Hindi ko na naririnig ang pinag-uusapan nila nang tumunog ang cellphone ko.
Mabilis na sinagot ko ang tawag nang makitang si Xander 'yun.
"Xander?"
"Mica! Nasaan ka?"
Napakunot ang noo ko sa tanong ni Xander. Mayamaya, naramdaman ko agad ang pagiinit ng sulok ng mga mata ko. Kahit hindi niya sabihin alam ko kung bakit niya tinatanong.
"Xander..." naiiyak na sabi ko.
"Hey, Mica? Bakit ka umiiyak? May nangyari na naman ba?" tanong niya.
Umiling ako kahit na hindi niya naman nakikita. "Xander naman e..." sabi ko habang humihikbi.
Hindi siya nagsalita at hinintay lang akong magsalita ulit. Inayos ko pa muna ang sarili ko saka ako sumagot.
"Nasa airport kami. Sinundo namin si Mommy. Pauwi na rin kami ngayon."
"Okay. Saan—"
Binigay ko agad sa kanya ang address ni Kuya hindi pa man niya tapos 'yung sasabihin niya. Alam ko naman na 'yun na rin ang itatanong niya e.
"Ingat ka, Xander," sabi ko.
"Ikaw din. Malapit na pala ako sa bahay ng Kuya mo. Isang sakay na lang mula dito," sabi niya.
"Okay, see you."
Kakababa ko lang ng tawag nang lumapit sina Mommy at Kuya. Hilam pa sa luha si Mommy nang mapansin niyang galing din ako sa pag-iyak.
"Michaela, ayos ka lang ba?" tanong agad ni Mommy.
Tumango ako. "Okay lang ako, Mommy," sabi ko.
"Sino ba 'yung kausap mo?" tanong ni Kuya.
"Si Xander. Uhm, papunta siya ngayon sa bahay mo, Kuya. Nasa biyahe na siya paluwas."
Yumakap sa akin si Mommy. Naiintindihan niya kung bakit bigla na lang akong umiyak. Hindi ko lang kasi akalain na gagawin 'yung ni Xander para sa akin. To think na hindi ko man lang siya nasabihan nang mas maaga.
"Tara na, baka mauna pa sa atin si Xander sa bahay," sabi ni Kuya.
Thirty minutes din ang biyahe namin mula sa airport. Pagkarating namin sa bahay ni Kuya Maico, naroon na si Xander sa may gate. Nakaupo lang siya sa may gilid at halatang hinihintay kami. Nang makita niya ang kotse, mabilis na tumayo siya.
"Bakit hindi ka pa pumasok, hijo?" tanong ni Mommy pagkababa ng kotse.
"Magandang gabi po, Tita," sabi ni Xander. "Ayoko na po kasing gisingin 'yung ibang tao sa loob. Alam ko naman pong parating na rin kayo."
Bahagyang ngumiti si Mommy saka inaya si Xander na pumasok. Lumapit naman ako at sumabay sa kanila sa paglalakad.
Umakyat agad si Mommy sa isang guest room at sumunod na rin si Kuya kalaunan. Nang mapag-isa kami ni Xander, mabilis na niyakap ko siya ng mahigpit at pinakawalan ko ang lahat ng luha na kanina ko pa pinipigilan.
Hinagod lang ni Xander ang likod ko habang patuloy ako sa pag-iyak.
BINABASA MO ANG
My Poker-Faced Guy
Romance[Completed] Malaking palaisipan si Xander para kay Mica. Tila ba may sariling mundo ang lalake. Kahit anong mangyari, walang ibang expression ang makikita sa mukha ni Xander kundi poker face. Kahit ba may nakakatawa, nakakalungkot, or nakakagalit na...