Twenty Two

143K 2.4K 235
                                    

Pinagtitinginan kami ng lahat pagpasok namin sa classroom. Sino ba naman kasing hindi titingin e magkahawak kami ng kamay ni Xander? Bitbit niya pa 'yung bag ko sa kabilang kamay niya.

Naririnig ko 'yung mga bulung-bulungan nila at napapangiti na lang ako sa sarili ko.

Sila na ba talaga?

OMG! Na-hook na nga ni Mica si Xander!

Bagay na bagay sila 'no?

Napatingin ako kay Xander habang ibinababa niya 'yung bag ko sa upuan. Wala man lang siyang reaksyon sa mga sinasabi ng lahat. Hay naku, ano bang bago? Sanay naman na ako e. Besides, mission ko ang mapangiti siya. At ngayong girlfriend niya na ako, malaki na ang tsansang ma-reach ko ang goal ko! Ha-ha!

Binitawan na ni Xander ang kamay ko nang paupo na kami. Pagkaupo ko, tumingin ako sa paligid. Nakatingin pa rin silang lahat sa amin na para bang mga artista kami. Gusto ko na ngang kumaway sa kanila at sumigaw ng 'hi fans!'.

"Sabi ko na nga ba may namumuong kalandian sa inyong dalawa e." Napatingin ako kay Andi nang magsalita siya. Nasa harap na pala namin silang dalawa ni Claire at parehong nanunukso 'yung tingin.

Nagulat ako nang kamayan ako bigla ni Claire. "Welcome to the family! Sakto, bagay ka sa pamilya namin. Isa ka ring abnormal e," aniya sabay tawa.

Nakitawa na lang din ako sa kanya. Hay naku, pareho pa sila ng sinabi ni Kuya. Abnormal ba talaga ako? Ganda kong 'to? Ha-ha!

"Kelan pa naging kayo? Bakit hindi niyo man lang sinasabi sa amin?" tanong ni Claire.

Sasagot na sana ako nang unahan ako ni Xander. "Pag nalaman mo ba kung kelan mabubusog ba 'yung mga nagugutom na bata sa mundo?"

"Ang sungit mo naman! Nagtatanong lang e." Ngumuso pa si Claire saka tinignan ng masama ang pinsan niya. "Palibhasa kasi sinuwerteng mabingwit si Mica kaya nagyayabang. Hmmp!" aniya pa saka umirap.

Natawa na lang ako sa kanilang dalawa. Nagulat ako nang biglang pinagsalikop ni Xander ang mga kamay namin na nagpaaas ng kilay ni Andi. Si Claire naman, nag-make face sa amin.

"Bawal PDA dito! Hmmp! Makaalis na nga!" ani Claire saka bumalik sa upuan niya.

"'Wag niyo na lang siyang pansinin. Inggit kasi e," pabulong na sabi si Andi saka sumunod kay Claire.

Nakangiting tumitig ako sa kamay namin. Mayamaya ay bigla na lang 'yung inilapit ni Xander sa kanya saka kumuha ng red ballpen. Kunot noong pinagmasdan ko kung anong gagawin niya. Habang magkahawak pa rin e dinrowingan niya ng puso 'yung mga kamay namin, doon sa bandang ibaba ng hinlalaki. Bale tig-kalahati kami sa puso.

Nangingiting tinignan ko siya. Seryoso lang siya at nilagyan pa ng Xander at Mica sa loob nun. 'Yung totoo? Si Xander ba talaga 'tong katabi ko ngayon? Para kasing sa aming dalawa ako ang posibleng gumawa ng ganyan e.

Binitawan niya lang ang kamay ko nang dumating na ang Professor namin at nagsimulang mag-klase.

Nang lunch time na, sabay kaming nagpunta sa cafeteria para kumain. Habang naglalakad ay nakasalubong namin si Josh at masigla naman kaming binati. Oo nga pala, kailangan ko ring sabihin sa kanya ang tungkol sa amin ni Xander. Na sure nang kami.

"Sabay ka na sa'ming kumain," yaya ko kay Josh.

"Sakto! Wala nga akong kasabay."

Mukhang wala namang problema kay Xander kaya naman hindi ako nag-aalala na isabay sa amin si Josh.

Pinaupo na ako ni Xander at siya na lang ang bibili ng pagkain namin. Naroon din si josh para bumili naman ng pagkain niya. At dahil pandalawa ang binibili ni Xander, mas naunang makabalik sa mesa namin si Josh.

Noong una, parang nag-aalangan pa siya pero sa huli, nagsalita na rin siya.

"So... ibang level na kayo?" tanong niya.

Hindi ako nagsalita at tumango na lang.

"I'm happy for the both of you," nakangiting sabi niya. "Pwede pa rin naman akong maki-sali sa inyo paminsan-minsan 'di ba? Kahit na... basted na ako?" aniya saka tumawa. Pero ramdam sa tawa niya na pilit 'yun. Kahit naman hindi niya sabihin, alam kong nasaktan siya kahit na paano.

"Sorry ha..." sabi ko.

Umiling siya. "Don't worry about me. Hindi naman porke nanligaw ako e sasagutin mo ako 'di ba? Naiintindihan ko. Kung saan ka masaya, masaya na rin ako."

Sa totoo lang, humanga lalo ako kay Josh sa pagiging understanding niya. Swerte malamang ang magiging girlfriend niya. Pero hindi ako 'yun, dahil masaya ako kay Xander. Oo, masaya ako sa kanya. Kahit biglaan naa naging kami, hindi ko maitatangging masaya talaga ako.

Saktong pagkasabi ni Josh ng huling sinabi niya e dumating si Xander at inilapag sa harap ko 'yung mga pagkain.


~*~


Bago umuwi kinahapunan ay nagpunta muna ako ng CR. Hinihintay ako ni Xander sa labas dahil ihahatid niya raw ako sa bahay. Mukhang araw-araw na kaming ganito. At hindi ko mapigilang kiligin sa mga gesture ni Xander na ganyan.

Naghuhugas ako ng kamay nang may biglang magsalita sa tabi ko.

"So... nagtagumpay pala si Xander ha?"

Kunot noong tinignan ko sa salamin kung sino 'yun. Si Gen. Nagsusuklay siya at nakatingin lang sa repleksyon niya habang nagsasalita.

"Ano bang ibig mong sabihin?" tanong ko.

Tumawa siya ng bahagya at ngumiti ng nakaka-asar. "Akala mo siguro mahal ka ni Xander 'no? Well... I can't blame you. Mukha ka naman kasi talagang uto-uto."

Ngali-ngaling sabunutan ko siya. Buti na lang at may lumabas sa isang cubicle at napigilan ko pa ang sarili ko. Ayoko ngang ma-guidance. Suki na ako roon dati, ayoko nang mauilit.

"If I know, naiingit ka lang kasi ako ang pinili ni Xander at hindi pinansin 'yang—" Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. "Kagandahan mo," sarkastikong sabi ko.

Ngumiti pa rin siya sa kabila ng sinabi ko.

"Ginagamit ka lang niya. Kaya kung ako sa'yo, bago ka pa niya itapon sa pusali e ikaw na mismo ang makipaghiwalay."

"Para ano? Magkaroon ka ng pagkakataon na maakit siya ng 'alindog' mo? Ha-ha-ha! Patawa ka talaga, Gen."

"Laugh at me if you must. Pero hindi mo kilala si Xander. Ako, mula pagkabata e magkasama na kami. Alam ko ang bawat detalye ng buhay niya. Kaya kong ikwento 'yun sayo mula umpisa." Parang naghahamon pa 'yung tingin niya.

Pinaikot ko na lang ang mga mata ko sa kanya. Tinalikuran ko na siya at lalabas na sana pero pinigilan niya ako sa braso.

"Bitiwan mo nga ako!" sigaw ko sa kanya.

"Ikaw lang ang inaalala ko. Siguradong 'pag iniwan ka na ni Xander, ngangawa ka d'yan."

"Wala kang pakialam. Buhay ko 'to at hindi ko basta na lang hihiwalayan si Xander dahil lang sinabi mo." Pabalang na inalis ko ang kamay niya sa braso ko.

"Bakit hindi mo itanong kay Xander kung sino si Shan?" aniya nang makahakbang ako.

Naiinis nang tinignan ko ulit siya. Itinaas niya ang kaliwang kilay niya saka nagpatuloy. "Oh... malamang hindi niya sasagutin 'yun kung itatanong mo. Might as well, ask Josh. Siguradong masasagot niya kung anong kaugnayan ni Shan sa kanilang dalawa ni Xander." Pagkasabi niya nun e nilagpasan niya ako at nauna nang lumabas ng CR.

Naguguluhang tumingin ako sa pintong nilabasan niya. Ano bang ibig niyang sabihin?

Tinignan ko ang kalahating puso na naka-drawing pa rin sa kamay ko. Anong meron sa mga sinasabi ni Gen? Sino si Shan? At anong kinalaman niya kina Xander at Josh?

My Poker-Faced GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon