Thirty Four

120K 2.3K 144
                                    

Mica

"Umuwi ka na. Ako nang bahala rito," ani Kuya Maico.

"Ayokong umuwi. Wala akong kasama roon."

Huminga nang malalim si Kuya. Halatang nagpipigil lang ng inis. Kanina pa niya ako pinapauwi pero ayoko. Sigurado kasi, 'pag umuwi ako, maaalala ko lang lalo si Xander.

"Matulog ka. Kailangan mo 'yun. Tignan mo nga 'yang mata mo, parang tinbuan na ng pigsa sa kakaiyak mo!"

"Sa naiiyak ako e! Akala mo siya hindi iniyakan si Ate Jacky! Mas malala ka pa nga sa'kin d'yan!"

Pinagtitinginan na kami ng ibang tao sa hallway ng ospital kaya tinignan ako ng masama ni Kuya. Pero wala akong pakialam. Mabigat ang pakiramdam ko at gusto kong ilabas lahat ng sakit.

"Tumahimik ka nga!" mahina lang pero mariin ang pagkakasabi ni Kuya. "Nakakahiya sa ibang tao o. Saka, makakagulo ka lang dito. Hala't umuwi ka na!"

Inis na tumungo lang ako. Nagpalipas lang ako ng ilang segundo saka padabog na tumayo. Mukhang nakahinga naman ng maluwag si Kuya at umakbay sa akin.

"Ihahatid na kita sa sakayan. Bumili ka ng makakain mo ha? Wag mo nang masyadong isipin 'yang Xander na 'yan."

Hindi agad ako sumagot. Pero nang maghihiwalay na kami ng landas, humarap ako sa kanya. "Sabihin mo sakin na 'wag ko nang isipin si Xander 'pag hindi mo na naiisip si Ate Jacky!" sabi ko saka umirap sa kanya. Nakita ko pa 'yung paniningkit ng mata niya saka ako tumakbo at sumakay ng jeep.

Masikip na 'yung jeep na sinasakyan ko. Rush hour kasi. Bakit ba naman kasi sa lahat ng oras, ngayon pa ako napilit pauwiin ni Kuya? Ang sikip na nga ng dibdib ko, ang sikip pa ng pwesto ko. Ilang kanto pa, bumaba 'yung tatlo sa tabi ko. Mabuti naman, makakahinga na ako ng maluwag.

Tumingin ako sa labas ng jeep. Naalala ko 'yung mga panahon na magkatabi kami ni Xander dito. Automatic na tumulo na naman ang mga luha ko. Nakakinis. Pinunasan ko na lang 'yun ng kamay ko. Ang kaso, ayaw naman tumigil kaya hinayaan ko na lang. Kahit pinagtitinginan na ako wala akong pakialam. Mayamaya, may sumakay na mag-jowa at umupo sa tabi ko. Tahimik lang akong nakatungo nang bigla na lang magharutan 'yung dalawa.

Kunot ang noong tinignan ko sila. 'Yung lalaki ang nasa tabi ko at pasimpleng kinikiliti niya 'yung girlfriend niya. Sa inis ko, tinabig ko 'yung braso niya saka sumigaw. "Wag nga kayong maglandian dito! Kita niyo nang mag brokenhearted o!" sabi ko sabay turo sa sarili. "Mga leche!" Kasabay ng huling salita, humagulgol na ako ng iyak.

Natahimik lahat ng sakay ng jeep. 'Yung iba umiwas pa ng tingin sa akin. 'Yung iba naman, pasimpleng nililingon ako habang iyak ng iyak.

Pagkababa ko ng jeep. Tumakbo na agad ako papunta sa bahay. Pero bago pa man ako makarating sa gate, may nabangga akong lalaki. Mabuti na lang at nasalo niya agad ako dahil kung hindi, siguradong bumagsak ako sa semento sa lakas ng pagkakabangga ko sa kanya.

"Mica? Ayos ka lang?" tanong niya.

Tinitigan ko pa siyang mabuti. Hindi ko kasi makita 'yung mukha niya dahil blurred 'yung paningin ko luha. "Josh?" sabi ko nang maaninag nang maayos ang mukha niya.

"Anong problema?" tanong niya.

Umiling lang ako. Pero hindi ko pinipigilang umiyak. Inalis ko agad 'yung pagkakahawak niya sa akin saka nilagpasan siya. Hindi ko na pinansin 'yung pagtawag niya sa akin. Sinara ko agad ang pinto pagkapasok ko saka naupo sa likod nun.

Ilang minuto rin ako roon hanggang sa maisipan kong umakyat na sa kwarto. Bago makatayo, may nahawakan akong papel sa sahig. Kunot ang noong tinignan ko 'yun. Dahil madilim na, hindi ko 'yun mabasa. Ayokong buksan ang ilaw kaya umakyat na lang ako sa kwarto at doon tinignan ang papel.

My Poker-Faced GuyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon