Xander
Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko. Nakalayo na si Mica pero hindi ko pa rin siya magawang sundan. Hindi ako makapaniwala sa huling sinabi niya. Tapos na kami. Hindi 'yun pwede. Mahal na mahal ko siya. Hindi ako papayag sa gusto niyang 'yun.
Parang nagising naman ako nang mag-sink in sa utak ko ang lahat. Mabilis na tumakbo ako at sinundan siya. Pero kahit saan ako tumingin, hindi ko na siya makita. Kinuha ko agad ang cellphone ko para tawagan siya pero naka-ilang ring na 'yun, hindi niya pa rin sinasagot. Mukhang seryoso nga siya sa sinabi niya.
Sumakay agad ako ng jeep papunta sa apartment na tinitirhan niya pagkalabas ko ng campus. Sana naman doon siya tumuloy. Hindi ko alam kung saan siya hahanapin sa buong school e.
Wala si Mica nang dumating ako sa apartment. Gusto ko sanang hintayin na lang siyang dumating, ang kaso, kailangan ko nang pumunta ng ospital dahil kailangan ko pang magbantay. Gumawa na lang ako ng note at nilagay 'yun sa ilalim ng pinto.
Halos madilim na nang dumating ako sa ospital. Naroon pa rin ang pagkaing binigay ko kaninang tanghali. Pati 'yung cake na ibinake ko para sa kanya hindi niya rin ginalaw. Ilang beses ko na ring tinangka na pakainin siya nito dahil alam kong ito ang paborito niya pero ayaw niya pa rin.
Naupo ako sa gilid ng kama saka sinuklay ang buhok niya gamit ang kaliwang kamay ko. Ngumiti ako ng mapait saka nagsalita. "Ayaw niya na sakin. Nakipaghiwalay na siya. Kunsabagay, kasalanan ko naman eh. Masyado ko siyang nai-take for granted. Ni hindi ko ipinaliwanag sa kanya kung ano bang nangyayari. Masyado ko siyang nasaktan."
Huminga ako ng malalim saka tumitig sa kawalan. Mayamaya, ibinalik ko rin ang tingin ko sa kanya.
"Ma... ano nang gagawin ko?"
Unti-unti siyang dumilat saka tumingin sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko saka dinala 'yun sa pisngi niya. "Ipakita mo lang na nagsisisi ka sa nagawa mo. At iparamdam mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal," aniya.
Sobrang payat na ng pisngi ni Mama. Ilang araw ko na rin siyang binabantayan dito kaya hindi ako makapasok sa school. Na-dengue kasi siya kaya nandito siya sa ospital ngayon.
Bumalik si Mama sa bahay pagkatapos niyang mawala ng maraming taon. Naalala ko pa noong unang beses na makita ko siya sa gate ng bahay. Galing ako sa plaza nun nang sabihin sa akin ni Shan na buntis siya. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Halata sa hitsura niyang matagal na siyang nandun sa harap ng bahay.
"Mama?" bungad ko sa kanya nun. "Anong ginagawa niyo rito?" tanong ko.
"Xander, anak..." naiiyak na lumapit siya sa akin saka hahawak sana sa magkabilang pisngi ko pero umatras agad ako. Binawi niya naman agad ang mga kamay niya saka umatras din ng isang hakbang. "Gusto ko lang naman sanang makita kayo at makasama. Saka... gusto kong hingin ang kapatawaran niyo."
Hindi ako sumagot noon. Tinignan ko lang siya ng masama saka nilagpasan at pumasok sa loob ng bahay. Ilang araw rin siyang naghintay na pagbuksan namin siya. Minsan lang siya umaalis para siguro kumain at magbihis pero babalik din agad siya at magtitigil sa harap ng gate.
"Papa, papasukin na natin si Mama. Ilang araw na siyang ganyan d'yan o," sabi ko kay Papa pagkatapos ng ilang araw na naghihintay si Mama. Napansin ko kasing nagkakasakit na siya at baka kung ano pang mangyari sa kanya.
"Pabayaan mo siya d'yan. Ginusto niya 'yan."
"Pero Papa, baka kung anong mangyari sa kanya! Hindi mo ba nakikita? Hindi siya titigil hangga't hindi natin siya kinakausap."
"Magsasawa rin ang babaeng 'yan! Baka nakakalimutan mong pinagsawaan niya na tayo dati at iniwan?" pagkasabi nun, padabog na umakyat ng kwarto si Papa, naiwan akong nakatitig lang kay Mama sa labas.
BINABASA MO ANG
My Poker-Faced Guy
Romance[Completed] Malaking palaisipan si Xander para kay Mica. Tila ba may sariling mundo ang lalake. Kahit anong mangyari, walang ibang expression ang makikita sa mukha ni Xander kundi poker face. Kahit ba may nakakatawa, nakakalungkot, or nakakagalit na...