Chapter 15

35.3K 1.2K 346
                                    

Dandi's POV


Parang kailan lang, ako ang pinapakain mo. Ngunit ngayon, ako na mismo ang kakain sa 'yo.


Naaalala mo pa ba ang araw kung paano tayo nagkakilala? Mga alaala noong tayo'y magkasama? Hindi iniisip ang problema, inuuna ang pagpapakasaya?


Hinding-hindi mawawaglit sa aking isipan, kung paano ka naging mabuting kaibigan. Araw ng kapaskuhan, nang tayo'y magkakilanlan.


Gutom na gutom ako noon, habang ika'y naglalaro, bandang dapit-hapon. Tinutukso ka pa nga na isa ka raw hipon na sinisipon, kaya inaabutan ka ng mga kalaro mo ng dahon.


Batid kong ika'y naiinis, ngunit panunukso nila'y pilit na tinitiis. Matamis na kasinlaki ng ipis, hindi mabilis mapanis at kakulay ng mais. Iyan ang sa kanila'y inihagis, nang damdamin mo'y dumalisdis.


Napapalakpak ako sa iyong ginawa. Mga kapwa mo bata'y takot na takot ang mukha. Nagsitakbuhan sila at ang ila'y nadapa. Napabungisngis ka't sumalampak sa lupa, kinuha ang kendi na napunta sa basa.


Binuksan at kinuha ang laman, dinila-dilaan at kinagat nang walang pakundangan. Lumapit ako sa iyong paanan, nagbabaka-sakaling ako'y iyong bigyan.


Nginitian mo ako, nangilid ang luha ko. Hindi ko inaasahan na ako'y iyong pagmamalasakitan, kaya naman nagdiwang ang aking kaibuturan.


Munting luha, dumaloy sa aking mukha. Ikaw sa aki'y pagpapala, hindi inalintana kung ano sa aki'y iyong mahihinuha.


Mapula't kay sarap kagatin, maliit ngunit ika'y manginginain. Iyan ang pagkaing ibinigay mo sa akin. Hindi masyadong napapansin, ngunit sa mga bata ito'y lapitin.


Aratilis, akala mo'y mismis at 'di malinis. Para akong hinagibis dahil sa tumatagaktak kong pawis. Nang sa labi ko ito'y kumiskis, nguso ko'y biglang nangamatis.


Tawa ka nang tawa, para kang naalunsina. Hindi ko alam kung saan mo hinugot ang nadaramang ligaya, ngunit masaya ako dahil lungkot mo'y napawi na.


Nais ko sana sa iyo'y makipagkwentuhan, ngunit tinatawag ka na ng iyong magulang nang ika'y kanilang businahan. Akala ko, ako'y iyong iiwan, ngunit nabigla ako nang ilagay mo ako sa iyong bulsa nang walang alinlangan.


Nawindang ako, hindi ko inaasahan na maraming pagkain sa lalagyanan mo.


Sinampal muna bago inalok, sampalok. Maasim-asim at nakasisinok, ngunit masarap ihalo sa sinabawang manok.


Gatas na ipinamalas, sa tindaha'y lumalagaslas. Matamis nitong karakas, sa lalamuna'y mabibisagas. Krema de bola, wala ng iba.


Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin, nakakapang-akit ang mga pagkain, sa iyong bulsa'y kay sarap dukutin. Pero kailangan kong maging mahinhin, nang 'di ka magalit sa akin.


Pagkarating sa inyo, napanganga ako mismo. Masasarap na pagkai'y nakahain sa mesa, kaya hindi ko maiwasang sumilip mula sa iyong bulsa.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon