Ginny's POV
Masaya ako para sa aking kaibigan. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang ibayong ligaya gayong kasama na niya ang kaniyang kapatid.
Nakatayo ako malapit sa may pintuan habang nakatanaw sa kanila. Ang sarap nilang pagmasdan. Namutawi ang ngiti sa aking labi dahil nakatulong ako. Minabuti kong pumasok na muna sa loob ng kanilang bahay para mabigyan sila ng pribadong pag-uusap.
Habang binabagtas ko ang daan patungo sa loob, may biglang humawak sa aking braso kaya napagitla ako at napatigil. Nang aking lingunin kung sino siya, nakaramdam ako bigla ng panginginig ng tuhod.
"E-Ethel?" sambit ko habang may nginig pa sa aking labi.
"Huwag kang matakot sa akin, Ginny. Ako talaga 'to," pahayag niya. Kalmado ang kaniyang pagkakasambit kaya medyo naginhawaan ako.
Sinuri ko siya nang mabuti para alamin kung nagsasabi ba siya ng totoo. Nang titigan ko siya sa kaniyang mga mata, doon ko napatunayang hindi siya nagsisinungaling. Gano'n pa rin ang itsura niya at kasuotan na katulad sa kaniyang mga kapatid pero nabanaag ko na siya ang Ethel na naging kaklase namin sa pamamagitan ng pagtitig sa kaniya.
Nangungusap ang kaniyang mata at tila ba punong-puno ito ng ekspresyon at emosyon. Ito'y naging normal na mata at hindi tuldok lang.
"Ikaw nga..." turan ko. Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon. Pero paano? Paano siya nakabalik sa dati?
"Oo. Kaya Ginny, makinig ka sa akin. Wala na kayong kawala. Balak nilang lupigin kayong lahat!" aniya nang may bahid na pag-aalala. Ramdam ko sa bawat salitang binibitiwan niya ang pangamba.
"Ha? Ano ang dapat naming gawin? Paano namin sila matatalo?" tugon ko.
"Aaa!" sigaw niya nang pagkalakas-lakas habang nakahawak sa kaniyang ulo.
"Ethel!" ani ko habang nakahawak sa kaniyang balikat.
"Argh! Aaaa!" halinghing pa niya.
"B-basta, lumaban lang kayo! Talunin ninyo kami..." dugtong pa niya.
"Alam kong kaya ninyo! Aaaa!" pahabol niya bago siya tuluyang naglupasay sa sahig at nagkikisay habang sapo-sapo ang kaniyang ulo.
Nilapitan ko siya para tulungan. Mukhang nakikipagtuos siya sa kasamaan na inilukob sa kaniya ni Death.
Naupo ako para sana itayo siya ngunit nang iaabot ko na ang aking kamay ay bigla niya itong tinampal kaya napaigtad ako at napaupo sa malamig na sahig.
"Layuan mo ako!" anas niya at tila ba naging mala-demonyo na muli ang kaniyang boses.
Tumayo siya sa pagkakahiga at unti-unting lumapit sa akin. Nang pagmasdan ko muli ang kaniyang mga mata, naging tuldok na ulit ito. Nagbalik na sa kaniyang katauhan ang kasamaan.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystery / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...