Agatha's POV
Medyo mahaba ang biyahe kaya hindi ko maiwasang magmuni-muni muna.
Naalala ko pa noon...
Tuwing umaga, nakasanayan ko ng dumaan muna sa simbahan bago dumiretso sa paaralan.
"Sa ngalan ng ama, ng anak, at ng espiritu..."
Hindi ko pa natatapos ang aking inuusal nang biglang higitin ng isang matandang babae ang aking braso mula sa aking likuran.
"Hija, huwag kang magpapalamon sa galit kung ayaw mong makasakit," aniya.
Nakasuot siya ng belong itim na wari mo'y nagluluksa. Hindi ko mawari ang nais niyang ipahiwatig. Bakit naman kaya ako magagalit? Isang ngiti ang aking itinugon bilang ganti.
"Lola, salamat po sa payo ninyo," pahayag ko.
Tinanggal ko na ang kaniyang kamay na nakahawak sa aking braso saka humarap muli sa pulpito ng simbahan.
"Kapag nagsimulang dumugo ang markang ekis sa kanan mong pisngi, magsimula ka ng magdasal sapagkat hindi mo na siya mapipigilan," bulong pa niya.
Hindi ko maituon ang buo kong atensiyon sa pagdarasal nang dahil sa mga tinuran niya.
"Siya? Sinong siya?" tanong ko.
Nilingon ko siyang muli sa aking likuran ngunit bigla na lamang siyang naglaho. Bumilis tuloy bigla ang tibok ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan nang ganito.
Pumikit akong muli at nagsimula ng magdasal.
---
Hindi ko alam kung bakit ako lapitin ng mga ganoon noon. Siguro, itinadhana na ganito ang magiging kapalaran. Sinadya ng panahon na ito ang aking magiging landasin.
Lalo pa ngayon, mukhang malaki ang aking magiging gampanin. Kailangan ako ng mga kaibigan ko para mapagtagumpayan ang delubyong pinasok namin.
---
Malapit na ako sa entrada ng aming paaralan nang bumungad sa akin ang isang lalaki. Matangkad, may biloy sa kanang pisngi, mapusyaw ang balat, at guwapo. Tindig pa lang niya, makalaglag salungguhit na.
"Magandang umaga, bebe," sambit niya.
Tumatalon sa tuwa ang aking puso sapagkat hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na mabibingwit ko ang isang tulad niya.
Hindi kami bagay sa totoo lang. Mukhang alipin niya lang ako sa tuwing magkasama kami.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystery / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...