Third Person's POV
Sa isang lugar na tinatawag na Saliao ay mayroong tatlong sorsera at isang sorsero na namamahala at gumagabay sa mga tao. Maliit lamang ang kanilang kaharian na kung saa'y pinapanood nila ang mga tao na kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng isang malaking kawa.
Si Taciana, ang sorsera na eksperto sa pagtatawas. Siya ang nakatalaga upang magsabi kung oras na ba ng isang tao. Kung tutuusin, siya ang pinakamabait sa kanilang lahat. Kung kailangan niyang tumulong sa mga tao ay ginagawa niya nang walang hinihintay na kapalit.
Sumunod naman ay si Krusita, ang sorsera na eksperto sa pangkukulam. Siya ang nakatalaga upang litisin ang isang tao. Siya naman ang pinakamailap, limitado lang ang alam ng kaniyang mga kasama patungkol sa kaniya. Tila ba mas tinuturing nitong kaibigan ang butiking nagngangalang Lilia na laging nasa balikat niya.
Si Lucia naman ay ang sorserang eksperto sa panggagaway. Kaya niyang magbigay ng sakit at talunin ang mga isinumpa sa pamamagitan ng pagpupunla ng sakit. Siya naman ang nagbibigay pasya kung saan ba dapat tumungo ang kaluluwa ng namayapang nilalang. Ang pinakabibo sa kanilang apat, mas gusto niyang inaalam lagi kung ano ba ang pinagkakaabalahan ng mga kasama.
At ang panghuli, si Demetrio. Ang sorsero na eksperto sa pambabarang. Ang katungkulan niya'y sumundo ng mga kaluluwa. Hindi siya palabigay ng opinyon at tila ba maraming sikretong itinatago. Mas gusto nitong mag-isa lang madalas at malimit kung makihalubilo sa mga kasama.
Sila ang apat na sinaunang sorsero at sorsera. Okay naman ang kanilang samahan ngunit nagbago ang lahat dahil sa pagtataksil ni Demetrio.
---
Nasa kaniya-kaniyang tahanan ang mga sorsera at sorsero nang dalawin si Demetrio ng kaibigang uod. Iyon ang madalas niyang nakakausap at napaglalabasan ng kaniyang hinaing at sama ng loob.
"Masyadong malapit sa isa't isa ang mga sorsera at tanging ikaw ang higit na napag-iiwanan," bungad ng uod kay Demetrio habang namamahinga sa kaniyang silid.
"Ano ba ang nais mong pakahulugan?" tanong nito sa kaibigan. Umayos siya ng upo at itinuon ang atensiyon sa kasama.
"Hindi naman sa nanghihimasok ako subalit masasabi kong ikaw ang pinakamahina sa inyong apat. Wala kang laban kapag pinagtulungan ka nilang tatlo. Ikaw pa naman ang lalaki; dapat, ikaw ang pinakamalakas," ani pa ng uod.
"Bakit mo ba sinasabi sa akin ang bagay na iyan? Huwag mong dumihan ang aking isipan!" singhal ni Demetrio. Napakamot siya ng ulo dahil naguluhan na ang kaniyang isipan.
"Alam kong hindi ka lubusang masaya. Aminin mo na sapagkat nahihinuha kong gusto mong maging pinuno at higitan si Lucia," panunukso pa ng uod.
"Layuan mo ako! Huwag ka nang magpapakita pa sa akin!" giit ni Demetrio habang tinataboy ang uod palabas ng kaniyang tahanan.
"Nasabi ko na ang nais kong sabihin. Bilang kaibigan mo, inaalala lang kita. Pero kung magbabago ang isip mo, tawagin mo lang ako..." turan ng uod bago tuluyang makaalis.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystery / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...