Roxette's POV
Hindi ko na mapigilan ang damdamin ko. Oo, hanggang ngayon ay si Mark pa rin ang itinitibok at isinisigaw ng puso ko. Tuwing gabi, siya ang tumatakbo sa isipan ko.
Mahal ko rin naman si Ethan, pero hindi kasing lalim ng pagmamahal ko para kay Mark. Kailangan ko ng magpakatotoo, ihahayag ko na ang talagang nararamdaman ko.
Nang mapansin ko kanina na nahihirapan na si Mark, nasasaktan ako. Gusto ko siyang tulungan pero pinipigilan ako ng aking mga kasama. Sumidhi ang aking damdamin at tila ba gusto kong maglupasay na lang sa sahig dahil akala ko, patay na si Mark.
Unti-unting nadudurog ang puso ko nang marinig ko ang bawat sigaw at halinghing niya. Puro pagtangis ang namayani sa aking kaibuturan.
Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya nang makita kong buhay siya. Nanalo siya at napagtagumpayan na makuha ang talulot. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at nagkukumahog na akong tumakbo para mayakap siya.
Iba talaga 'yung pakiramdam kapag hagkan mo ang iyong minamahal at mapayapa kang nakasandig sa kaniyang bisig. Buo na ang desisyon ko ngayon, susundin ko na ang aking puso para tumigil na ito sa pagdugo.
"Mark, I love you..." sambit ko nang humiwalay ako sa pagkakayakap sa kaniya. Hindi maipinta ang kaniyang mukha dulot ng gulat.
Tumutulo angmga luha ko ngayon dahil sa buhat ito ng luha ng kaligayahan. Sa wakas, nasabi ko rin sa kaniya ang totoo kong nararamdaman.
"Roxette..." pagsingit ni Agatha. Nakapatong ngayon ang kaniyang kamay sa aking kaliwang balikat.
Nilingon ko siya. Sa kaniyang tabi, nandoon si Nikka at Aaron na tila nagtataka rin dahil sa aking isinambit.
Hinawakan ko ang kamay ni Agatha at kinausap ko siya nang mata sa mata na nagpapakahulugang magtiwala siya sa akin. Dahan-dahan naman niya iyong bininaba nang maintindihan niya ang nais kong iparating. Nakinig na lamang silang tatlo sa pag-uusap namin ni Mark.
"Mahal din kita, Rox. Pero..." saad ni Mark. Nakayuko lang siya nang sambitin niya ang mga katagang iyon.
Kumirot ang puso ko dahil sa pero niya. Hindi pa naman huli ang lahat, kailangan ko lang i-tama ang mga pagkakamali ko.
Iniangat ni Mark ang kaniyang ulo at nakipagtitigan siya sa aking mga mata. Nangungusap ang mga ito. Gamit ang kaniyang kanang kamay, hinaplos niya ang aking mukha.
"May Ethan ka na," bungad niya sabay pakawala ng isang pilit na ngiti.
Para akong sinampal sa magkabila kong pisngi nang sambitin niya iyon. Masakit dahil totoo. Masakit dahil nakikita kong tumutulo ang kaniyang mga luha nang dahil sa akin.
Hindi ko alam kung bakit tila gumalaw nang kusa ang aking sistema at kinabig siya sa ulo at ginawaran siya ng isang banayad na halik. Kakaibang enerhiya ang gumapang sa aking katawan nang magtagpo ang aming mga labi.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystery / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...