Chapter 84

16.9K 677 210
                                    

Agatha's POV


Kakaibang lakas ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko, mas lalakas pa ako kapag gamit ko ang talulot ng hangin.


"Hindi ko alam kung bakit ka nakakalutang ngayon. Anong kapangyarihan naman ba ngayon ang ipamamalas mo't may pabutiki ka pa sa balikat?" bungad ni Xiara habang nakatanaw lang sa akin.


"Bakit? Kinakabahan ka na ba? Hindi mo pa alam kung ano ang kayang gawin ni Lilia," litaniya ko.


Bumaba ako nang kaunti sa lupa ngunit hindi pa rin nakasayad dito ang aking mga paa. Malaki ang naitulong nito dahil hindi ko na kailangan pang alalahanin ang pagtakbo. Mahahabol ko na rin si Xiara sa wakas kung sakali mang kinakailangan.


"Ako, kakabahan? Hindi yata..." aniya. Hindi niya man sabihin, ramdam kong may gumugulo sa isipan niya.


"Sige, ipakita mo sa akin kung ano ang kayang gawin ng butiking iyan," dugtong pa niya.


"Huwag mo siyang patulan, hayaan mo na muna siyang dumakdak diyan," ani Krusita na sinunod ko naman.


"Mamaya na lang," sambit ko sabay pakawala ng isang mapang-uyam na ngiti kay Xiara.


"Pinapakulo mo talaga ang dugo ko, Agatha!" nanggagalaiting tugon ni Xiara. Ilang saglit pa, itinuon niya ang dalawa niyang kamay sa akin at nag-uusal na naman ng dasal ngayon.


Corre miudo gobollo

Arika navis erehe


Iyon ang mga katagang paulit-ulit niyang sinasambit. Lumalakas ang ihip ng hangin pero hindi ako nagpatinag. Patalas nang patalas ang tingin sa akin ni Xiara na tila ba sinasaksak niya na ako sa kaniyang isipan. Poot ang yaring namamayani sa kaniya ngayon.


"Agatha, dumudugo ang ilong mo!" pahayag ni Lilia.


Naramdaman ko ngang may lumalabas na likido sa aking ilong at tama nga si Lilia, dugo iyon. Pinunasan ko iyon gamit ang aking kamay ngunit patuloy pa rin iyon sa pagdutugo. Kamukatmukat ko, lumuluha na rin ako ng dugo ngayon. Tila ba sumisikip ang dibdib ko kaya nakaramdam ako ng panghihina. Unti-unti ako bumagsak sa lupa at doon bumulagta.


"Kawawa naman 'yung isa riyan, malapit nang matuyutan ng dugo," pasaring ni Xiara habang paimpit na natutuwa.


"Lumaban ka, Agatha! Ako ang bahala sa iyo," ani Krusita. Nagtitiwala ako sa kaniya dahil siya lang ang masasandalan ko ngayon.


"Ano ka ngayon? Nasaan na ang pinagmamalaki mong kayang gawin ng butiki sa balikat mo?" sambit ni Xiara habang ginagasak-gasak ako. Hindi pa rin tumitigil sa pag-agos 'yung dugo sa aking ilong at mata. Hindi ako makalaban dahil sa panghihina.


"Lilia, isagawa mo na," saad ni Krusita. Agad namang sumunod rito ang butiki. Umalis ito sa aking balikat at tumalon sa may lupa upang harapin si Xiara.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon