Morixette's POV
Makalipas ang isang taon, payak naman kaming namuhay sa siyudad. Medyo malayo lang kami nang kaunti sa lugar na kinagisnan namin. Masaya kami dahil malaya na naming nagagawa ang lahat ng aming gustong gawin. Wala na ang balakid upang kami'y maging masaya.
Nangupahan kami sa isang apartment sa pamamagitan ng perang natira kay Ate Ginny. Medyo may kalakihan naman ang bahay kahit isang palapag lamang ito. Mayroong dalawang silid, 'yung isa ay malaki at saktuhan naman 'yung isa.
Kaming mga babae ang natutulog sa malaking silid. Wala itong kama, naglalatag lang kami ng banig at kumot sa sahig at kasya naman kami roong lima. At s'yempre, do'n si Kuya Mark sa kabila, palatag-latag lang din.
Nanibago kami sa simula dahil hindi naman ganito ang kinagisnan naming buhay pero nasanay na rin naman kami paglaon. Mahirap man pero kinakaya...
Matapos ang digmaan sa pagitan ng liwanag at dilim, tumigil na muna kaming lahat sa pag-aaral. Nagsimula kami ng panibagong buhay.
Si Ate Roxette at Kuya Mark, nagtrabaho sila sa isang fast food chain. Siyang-siya nga ang dalawa dahil magkasama sila sa trabaho. Nakakatuwa nga sila dahil tumibay pa lalo ang relasyon nila. Umigting din ang kanilang pagmamahalan, nakakainggit tuloy.
Si Ate Nikka at Agatha naman, pareho silang naging call center agent. 'Yon nga lang, magkaiba sila ng pinagtatrabahuhan. Ang nakakatuwa rito, mabilis na na-promote si Agatha bilang Team Leader sa kumpanyang pinapasukan niya. Si Ate Nikka naman, Quality Analyst na. Nakakatuwa dahil dedicated sila sa trabaho, hindi na muna nila inisip ang buhay pag-ibig.
Kaming dalawa ni Ate Ginny ang naiwan sa apartment. Makalipas lang ang isang buwan, hindi namin inakalang maghahanap ng trabaho si Ate Ginny at nakapasok siya bilang Sales lady sa isang mall. Rich kid si Ate Ginny kaya alam naming walang alam sa gawaing bahay lalo na ang makipagsapalaran sa buhay. Iyon ang ikatutuwa namin sa kaniya dahil nasasaksihan namin ang unti-unti niyang pagyabong.
Nang dahil do'n, ako ang naging taong bahay. Ako ang nag-aasikaso sa kanila at sa lahat ng pangangailangan nila. Si Agatha ang taga-budget sa bahay kaya maayos naming napapaikot ang pera sa pang-araw-araw naming pangangailangan.
Tulong-tulong kaming lahat para makaahon muli. Sa susunod na pasukan, may balak kaming magbalik muli sa pag-aaral. Isang taon na lang ang kailangan ko para makapagtapos ng high school habang sila naman, tatlong taon pa ang bubunuin nila para maging ganap na mga inhinyero.
Nakakatamad sa bahay dahil nakatanga lang ako minsan kapag walang ginagawa o 'di kaya'y nanunod ng telebisyon. S'yempre, ako rin ang naglilinis, naglalaba at nagluluto rito sa bahay. Nagmistulang katulong ako pero binibigyan naman nila akong lima ng pera kaya nakakaipon din ako.
Ngayon, nasa kaniya-kaniya silang trabaho at naasikaso ko naman na ang lahat ng aking gagawin. Iniisip ko kung ano ang masarap na lulutuin mamaya para sa hapunan habang nakaupo sa may sala.
"Nilagang baboy!" sambit ko.
Hindi ako marunong magluto noong una pero natuto naman ako dahil sa cook book na binili ni Agatha. Akala ko, mahirap magluto pero madali lang naman pala basta tututukan mo. Ang nakakatakot lang lutuin ay 'yung mga prito dahil tumatalansik ang mantika pero tinuruan na ako ni Agatha ng technique sa pagluluto ng mga gano'n. Bilib talaga ako kay Agatha dahil ang dami niyang alam sa buhay...
Makalipas ang ilang oras, napagpasyahan kong tumungo na sa palengke para bilhin ang mga kailangan. Isang sakay lang ng jeep mula rito ay makararating na ako roon.
"Aling Dina!" bati ko sa pinagbibilhan ko lagi ng mga karne. Tiwala kami sa mga tinitinda niya kaya sa kaniya kami lagi bumibili.
"O, hija. Ano ba ang bibilhin mo ngayon?" bungad niya.
"Kasim po ng baboy saka 'yung pang-pork steak. Tig-isang kilo po," ani ko.
"A, sige..." Agad namang nagtipak si Aling Dina ng baboy kaya nakatayo lang ako rito't naghihintay.
"Aling Dina, heto na ang bagong deliver na baboy," sambit ng isang pamilyar na tinig. Alam kong narinig ko na ang boses na iyon noon kaya naman agad kong idinako ang aking atensiyon sa lalaking nagsalita.
"Syaks talaga," sambit ko sabay takip ng dalawa kong kamay sa aking bibig.
Hindi ako makapaniwalang makikita ko rito sa palengke si Eder bilang isang kargador. Hindi ko maialis ang aking tingin sa tumatagaktak niyang pawis sa katawan. Walang pinagbago, ang kisig niya pa rin. Wala pa siyang damit na pang-itaas kaya naging mas malawak pa ang aking pagpapantasya.
"Eder? Ikaw ba iyan?" turan ko. Agad naman siyang napatingin sa akin nang tawagin ko siya sa kaniyang pangalan.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko, Miss? Hindi naman tayo magkakilala," aniya.
Napakagat-labi ako nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Oo nga pala, marahil ay nawala rin ang alaala niya. Pero bakit siya nandito?
"Ay wala, crush ka kasi ng kaibigan ko," pagsisinungaling ko.
"Ang weird mo, Miss. Aling Dina, mauuna na po ako," saad niya sabay alis. Hindi ko maipaliwanag ang reaksiyon ng kaniyang mukha nang dahil sa tinuran ko.
Gustuhin ko mang sabihin sa kaniya na magkakilala na kami noon pa, no'ng tumira kami sa rest house nila Ate Ginny kaso tiyak na mas lalo lang siyang maguguluhan.
"Hindi ko akalaing kilala mo pala ang binatang iyon. Bago lang siya rito sa lugar natin dahil dito siya nag-aral ng kolehiyo; malayo sa piling ng kaniyang mga magulang. Isang linggo pa lang siyang nagtatrabaho sa akin pero nakita ko na ang sipag at dedikasiyon niya sa trabaho," kuwento ni Aling Dina habang inilalagay sa supot ang karneng baboy.
"Bilib nga ako sa batang iyan dahil ginusto niya pang magtrabaho para matustusan ang iba niyang pangangailangan," dugtong pa nito.
"Ay gano'n po ba? Nakakatuwa naman po pala si Eder," komento ko. Agad ko namang iniabot ang bayad pagkakuha ng aking pinamili.
"Nagtataka nga rin ako dahil wala naman iyang kakilala rito pero ikaw, kilala mo siya..." ani Aling Dina.
"Secret na po iyon," giit ko. Akmang aalis na ako nang bigla namang magsalita muli si Aling Dina.
"Alam mo, hija... bagay kayo ni Eder. Malay mo, magustuhan ka rin niya."
"Huwag ka namang ganiyan, Aling Dina. Kinikilig tuloy ako," saad ko habang nakapaskil sa aking mukha ang malaking ngiti. Matapos iyon, umalis na ako sa puwesto ni Aling Dina at baka kung ano na naman ang sabihin niya.
Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na magkikita kaming muli ni Eder. Pinaglalaruan ba kami ng tadhana? Hay, nakakalito.
Itinigil ko na muna ang pagmumuni at minabuti ko na lang na tumungo sa bilihan ng gulay.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Misterio / SuspensoAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...