Morixette's POV
Ilang sandali lang ay naglaho rin sila sa may sala. Gustuhin ko man na sila'y sundan, hindi ko naman alam kung saan sila pumunta.
Napalingon akong bigla sa may silid ni Kuya Ethan nang marinig kong may nagbato ng pinto. Bumungad sa may pintuan si Kuya Ethan na galit na galit at mistulang nag-aamok.
"Pupuntahan ko si Roxette!" sigaw niya saka nagtatakbo pababa ng hagdan.
"Ethan, bumalik ka rito!" sigaw ni Ate Ginny na nakasunod naman dito.
Akmang susunod na ako sa kanila nang makarinig naman ako ng pagdagundong ng kalangitan. Ang lakas ng kulog kaya napatakip ako sa aking tainga. Gumuguhit sa kalangitan ang kagila-gilalas na kidlat kaya napapikit din ako ng aking mata.
"Nandito na tayo ngayon sa sukdulan, Morixette. Sa tingin mo, may magagawa ka pa ba?" turan ni Helga na nakatayo ngayon sa aking harapan. Bahagya kong iminulat ang aking mga mata para tingnan siya.
"Madaya kayo! Wala kaming laban ni pantapat sa inyo!" giit ko.
"Aba, hindi na namin kasalanan na hindi n'yo kami kayang tapatan. Hindi na nga ako makapaghintay na makita kayong lahat na naghihikahos at hindi magkandaugalapay habang nagsusumamo sa amin..." pahayag pa niya.
"Ang sama-sama n'yo talaga! Wala kayong mga puso! Mga halang ang bituka!" giit ko. Nanggigigil ako sa poot na nararamdaman ko ngayon.
"Ayan, diyan ka magaling. Wala akong pakialam sa sasabihin mo, matapos 'to, susunod-sunurin na namin kayong lahat!" aniya sabay halakhak na tila wala nang bukas.
"Tatapatan kayo nila ate, humanda kayo kapag nakuha nila ang Alibata! Pagbabayaran ninyong lahat ang mga kasamaang ginawa n'yo!" ani ko.
"Malalaman natin iyan kapag natapatan nga nila kami," pantutuya niya sabay kindat bago tuluyang naging usok.
Hindi ko na inintindi pa ang mga sinabi ni Helga. Alam kong sa pagbalik dito nila ate, tatalunin nila ang kasamaan at pababagsakin maging si Death.
Nagkukumahog akong bumaba nang hagdan matapos ang tagpong iyon. Nadatnan ko sa may sala sina Ate Ginny at Manang na tinatali sa isang silya si Kuya Ethan. Palag ito nang palag kaya nahihirapan sila.
Nang makalapit ako sa kanila, tumulong na rin ako para maigapos si Kuya Ethan. Heto lang ang magagawa namin sa ngayon para pigilan siya. Isa pa, ang lakas ng pagbuhos ng ulan sa may labas, tila ba galit na galit ang kalangitan dahil ang lakas din ng kulog at may kasama pa itong kidlat.
Nanlupaypay kaming tatlo sa may sofa nang maigapos namin si Kuya Ethan. Naging panatag na ang loob namin ngayon.
"Pakawalan n'yo ako rito! Susundan ko pa si Roxette! Ahh!" paulit-ulit na sambit ni Kuya Ethan. Hindi namin siya pinapansin, hinahayaan lang namin siyang magkakawag doon.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystery / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...