Chapter 41

20.9K 825 106
                                    

Morixette's POV


Sa gitna ng aking pagdadalamhati, dumating bigla ang tatlo kong kasama. Kaagad na lumapit sa akin si Ate Ginny para aluin ako.


Napayakap na lang ako sa kaniya dahil wala akong nagawa para isalba ang buhay ng aking kaibigan. Ang unfair naman kasi, wala kaming laban sa tatlong maria.


Ilang saglit pa, nagliwanag ang kuwaderno sa loob ng aking bag kaya inilabas ko iyon upang alamin kung ano ba ang nais nitong iparating.


Ika'y nasawing muli kaya ito'y nagdulot ng pagdadalamhati.


Nang mabasa ko ang mga katagang iyon, para bang nagbalik ako sa ABaKaDa days ko na lagi akong talunan. Pakiramdam ko, hindi ako karapat-dapat para dito, e. Wala na akong nagawang tama.


Mayamaya, lumipat ang pahina nito at nagbigay muli ng mensahe.


Sa pagkakataong ito, mababalot ka na naman ng pagsusumamo sapagkat wala kang magagawa upang mailigtas ang susunod na biktima gayon pa't nasa malayong lugar siya.


Napatakip na lang si Ate Arianne sa kaniyang bibig habang napatingin naman sa kalangitan si Jerwel nang mabasa nila ang mensahe. Nagkatinginan lang kami ni Ate Ginny habang nangingilid ang aking mga luha.


Nabasag ang katahimikang namamagitan sa aming apat nang ibigay ng kuwaderno ang clue patungkol sa susunod na biktima.


Uugod-ugod ngunit

malakas pa ang tuhod.

Tatalak-talak kapag

nag-init ang bulaklak.


Nagsusungit-sungit na

tila inaagasan pa ng dugo,

Ito'y hindi masumpungan

kaya ulo'y kumukulo.


Sa kaniyang paglayo,

Pilagro'y 'di masipayo.

Bombang pinasabog,

Baka magdulot ng pagkalamog.


Walang magagawa,

Hahalinghing ng pagmamakaawa.

Sa pagpapakita ng pula,

Siya'y manghihilatsiya.


Nalulungkot ako para sa kaniya. Minahal ko pa rin siya kahit na hindi maganda ang aming pagsasama noong una. Hindi ko siya makokontak dahil hindi uso ang teknolohiya sa probinsiya. Sorry, sorry...


Matapos ipaalam ng kuwaderno ang sunod na biktima, nakatungo lang kami pare-pareho. Ang kapalaran na lang niya ang magdidikta kung makakaligtas pa siya.


Tumungo na silang tatlo sa may sasakyan habang ako naman ay nakamasid pa rin sa bangkay ni Jerico. Nakadapa siya, hindi ko matangkang itihaya ang kaniyang katawan dahil balot na balot siya ng sarili niyang dugo.


Gusto kong haplusin ang kaniyang ulo sa huling pagkakataon ngunit hindi ko kaya. Hindi ko maatim na nababanaag siya sa ganoong sitwasiyon.


"Jerico?" sambit ng dalawang boses sa aking likuran.


Nanlumo sa kalsada ang mag-asawa nang madatnan na wala nang buhay ang kanilang pamangkin. Napayakap na lamang ako sa kanila bilang pakikiagapay.


"Tito, Tita, sorry... Hindi ko siya natulungan," sambit ko sa garalgal na boses.


Bumusina si Jerwel para paalalahanan akong kailanagn na naming umalis.


"Condolence po," ani ko at tumakbo ako palayo patungo sa sasakyan habang pinapahid ang mga luhang lumalandas sa aking mukha.


Agatha's POV


Natutuwa ako dahil nakakuha si Rox ng isang talulot na nagdulot para magkaroon siya ng karagdagang lakas. Nandito na kami ngayon sa may ilalim ng isang puno sa may tapat ng aming sasakyan.


Wala pa ring malay ang tatlo. Si Rox naman, abala sa paglalagay ng mga halamang gamot sa aming mga kasama para mas mapabilis ang pagbuti ng kanilang pakiramdam. Naka-green ang paper gam kaya ligtas kami sa ngayon at malayo sa kapahamakan.


Ilang minuto pa, bigla itong nagliwanag at lumabas mula rito si Joan.


"Binabati ko kayo dahil nakuha ninyo ang isa sa mga susi para mabuksan ang Alibata," bungad sa amin ni Joan. Napatigil si Rox sa kaniyang ginagawa at maging ako.


Nagtatalon kami pareho sa tuwa at napayakap kami sa isa't isa dulot ng saya.


"One down, three to go kaya pagbutihan n'yo pa. Alam kong magtatagumpay kayo kaya kapit lang guys," dugtong pa niya habang nakalutang sa may ere.


"Salamat, Joan!" ani Rox.


"Tatlo na lang, magiging payapa rin ang pamumuhay natin kapag nagtagumpay tayo," saad ko.


"Tama ka roon, Agatha," pagsang-ayon ni Joan.


"Matanong lang, ang talulot nga ba ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan?" singit ni Rox.


"Oo, Rox. Ito ay mahiwaga at makapangyarihan. Kaya kapag pinagsama-sama lamang ang mga ito, doon lang mabubuksan ang Alibata. Kaya gamitin ninyo ang kapangyarihan ng mga ito nang wasto laban sa kasamaan," paliwanag ni Joan.


Dinukot ni Rox mula sa kaniyang bulsa ang talulot na kaniyang nakuha. Ito ay gawa sa glass na kung saan ay kulay transparent at sa loob nito ay parang may glitters na kulay pilak.


"Salamat sa pagpili sa akin," sambit dito ni Rox.


"Malapit n'yo ng marating ang bundok na kinatataguan ng Alibata. Huwag maging kampante, marami pa kayong makasasagupa. Hangad ko ang tagumpay sa inyong paglalakbay," ani Joan at nagmistulang usok bago bumalik sa loob ng paper gam.


Nag-apir kami ni Rox dulot ng tuwa. Sa paggising ng aming mga kasama, ipagpapatuloy na namin ang aming misyon.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon