Jerwel's POV
Hindi ako pamilyar sa dalawang babaeng nakatayo sa harapan namin ngayon. Isang babaeng nakaputi, at isang nakapula. Pareho silang maganda at may dating. Iyon nga lang, ang talas tumingin no'ng nakaputi. 'Yong isa naman, parang medyo mahangin.
Mukhang kunektado sila sa isa't isa maging ang babaeng nakaitim noon sa bahay nina Jerico. Halata namang masasama sila at may balak silang kitilin ang buhay namin gaya na lang no'ng nangyari kay Jerico. Hindi pa ako handa kung kami nga ang isusunod nila.
Ramdam ko ang panlalamig ng kamay ni Ate Arianne nang hawakan niya ang braso ko. Bakas sa kaniyang mata ang takot, marahil dala na rin ng matinding awra ng dalawa rito sa harap namin. Maski ako, kinakabahan. Tumatayo ang balahibo ko sa buong katawan.
"Sino kaya ang uunahin namin sa inyong dalawa?" ani ng babaeng nakapula. Nakahalukipkip lang siya at tila tinutuya kami.
"Mas maganda kung pagsasabayin na natin silang dalawa," turan naman no'ng nakaputi. Humakbang siya papalapit sa amin kaya naman napaurong kaming bigla ni Ate Arianne.
"Huwag kang lalapit, Ethel! Hanggang diyan ka lang!" pagpigil ni Ate Arianne. Huminto si Ethel at saka napabunghalit ng tawa.
"Wala kang laban sa akin, Arianne! Hinding-hindi mo rin ako mapipigilan!" giit nito.
Ipinagpatuloy niya ang paglapit sa amin hanggang sa hablutin niya ang buhok ni Ate Arianne.
"Aaaa! Bitiwin mo ako!" sambit ni Ate Arianne habang nagpupumiglas.
Mayamaya, may narinig kaming yabag na pababa ng hagdan kaya napatigil kaming apat.
"Mukhang may gustong makisali sa atin," bungad ng babaeng nakapula. Nagkatinginan kami ni Ate Arianne habang hinihintay rito sa kusina kung sino 'yong bumaba.
"Jerwel, anong ingay ba--" hindi na natuloy ni Manang ang kaniyang sasabihin. Napatigagal siya sa kaniyang kinatatayuan.
"Diyos kong mahabagin!" aniya at bigla na lang nawalan ng malay. Napahiga siya sa may sahig.
"Akala ko naman, makakasali siya sa atin," ani ng babaeng nakapula.
"Well, wala nang sagabal. Umpisahan na natin ang ating misyon," singit ni Ethel at kinaladkad si Ate Arianne sa may sala habang hawak-hawak sa may buhok. Walang nagawa si Ate Arianne.
Ngayon, kami na lang ng babaeng nakapula ang nandito sa may kusina. Tila ba natuod ako rito sa may tapat ng ref habang siya naman, nakatayo sa may bukana ng kusina.
"Sino ka ba? Ano ang kailangan ninyo sa amin?" bungad ko. Nilakasan ko na ang aking loob para mawakasan na ang kabaliwang ito.
"Sige, hahayaan ko na munang malaman mo kung sino ako," aniya.
BINABASA MO ANG
Might of Alibata (Published)
Mystère / ThrillerAlphaBakaTa Trilogy [Book3]: Might of Alibata (Only Strong Survive) Utak mo'y aking pipilipitin, ito'y aking kakatasin. Ulo mo'y aking pasasakitin, hanggang mabaliw ka sa akin. Hinding-hindi mo ako makakalimutan, sisiguraduhin kong tatatak ako sa 'y...