Matapos dumaan sa puntod ng mga magulang ang magkakapatid kasama si sister Therese ay sandaling naisipan ng madre na kasama ng magkakapatid na dumaan sa pamilihan upang ipamili ng ilang damit ang magkakapatid upang mapalitan din ang mga suot nitong halatang lumang luma nang mga damit, nang makabili na ay agad niyang pinagpalit ng kasuotan ang magkakapatid, at pagkatapos ay agad na silang dumiretso sa terminal ng bus, at sakto namang pabiyahe na ang bus na kanilang sasakyan kaya naman di na din sila nagtagal pa doon, sa likod na bahagi sila ng bus naupo, sa tabi ng bintana sa kaliwa nakaupo si Xavier katabi niya ang kuyang si Xian at kasunod nito si Xenon at si sister Therese na kausap ang konduktor para magbayad.
"Ah sister Tere saan po ba ang bahay ampunan na pupuntahan natin?" ang tanong ni Xenon sa madre, tumingin sa kanya si sister Therese at ngumiti ito at hindi agad sinagot ang kanyang tanong dahil sa nagbabayad pa ang madre nang mga sandaling iyon.
"Ang bahay ampunan ba? Sa Isla Pag-asa ang bahay ampunan na pupuntahan natin, isa 'yong di kalakihang isla ngunit payapa doon at mabubuti ang mga tao, at hindi tulad sa mga ampunan na alam niyo dito sa siyudad ay may kalayaan ang mga kabataang aming inaaruga roon, kaya huwag kayong mag-alala dahil sigurado akong magiging maayos kayo roon." Ang nakangiting pagsagot ni sister Therese nang makuha na nito ang ticket ng bus mula sa konduktor.
"Kung ganon sister hindi lang bus ang sasakyan natin papunta ron?" ang tanong ni Xian.
"Oo Xian, pagbaba natin ng bus ay sasakay pa tayo ng katig o bangka para marating ang isla na kinaroroonan ng ampunan, at huwag kayong mag-alala muli dahil mabubusog ang mga mata niyo sa magagandang tanawin na makikita niyo habang nasa daan tayo papunta roon." Ang masayang tugon ni sister Therese, at nabaling ang pansin ng madre sa tahimik na si Xavier na noo'y nakatingin sa labas at pinagmamasdan ang lahat ng kanilang madaanan.
Tumagal ang kanilang biyahe sakay ng bus na iyon ng mahigit dalawang oras para lamang marating ang lugar kung saan sila sasakay ng katig, tahimik na bumaba sa bus ang magkakapatid, at sa kanilang pagbaba ay sinalubong sila ng malamig at preskong hangin na nagmumula sa dagat, ngunit sa halip na mamangha sa dami ng bangka at sa magandang tanawin ng dagat ay para bang nakaramdam ng kirot sa kanilang mga puso ang magkakapatid, tila ba nanariwa sa kanilang alaala ang huling bakasyon na kasama nila ang kanilang mga magulang, hindi na naiwasan ni Xavier na mapayakap kay Xian dahil sa muli itong nakaramdam ng pagkalungkot at pangungulila sa magulang, niyakap naman ito ni Xian ngunit nagpakita siya ng katatagan sa bunsong kapatid, habang si Xenon naman ay tahimik lamang na tinanaw ang dagat.
"May problema ba? Bakit parang bigla kayong nalungkot nang makita ninyo ang dagat?" ang agad na tanong ni sister Therese nang mapansin niya biglaang pagkalungkot sa mga mata ng magkakapatid, agad na umiling at ngumiti sa kanya si Xian bilang tugon habang yakap pa din nito ang bunsong kapatid.
"Wala po sister, wala pong problema, bigla lang po kasi namin naalalang magkakapatid ang mga magulang namin, huli po kasi naming bakasyon na magkakasama bilang isang buong pamilya at bago sila mawala ay sa tabing dagat, kaya di lang po namin naiwasan na makaramdam ng kaunting lungkot at pangungulila." Ang sabi ni Xian bilang sagot sa tanong ng madre, ngumiti sa kanila si sister Therese at niyakap niya ang magkakapatid.
"Alam kong hindi lubusang mapapawi ng aking mga salita ang lungkot at sakit na mayroon kayo ngayon sa inyong mga puso, lalo na't mga bata pa kayo ay naulila na kayo, pero lagi ninyong tatandaan na hindi kayo nag-iisa basta kasama niyo ang bawat isa, at mananatiling buhay ang mga magulang niyo sa puso at isip niyo, at narito din ako bilang kaibigan niyo na handang umalalay sa inyo." Ang sabi ni sister Therese at pagkatapos ay bumitiw siya sa pagkakayakap sa magkakapatid.
BINABASA MO ANG
Triple X
Fiction générale[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...