"Alam kong naguguluhan ka dahil buong buhay mo ay kinilala mong ina ay si Lauren, pero sana hayaan mo akong maipaliwanag at maikwento ang lahat anak ko. Pakiusap anak ko, sana'y pakinggan mo muna ako." ang paghingi ni President Liberty ng pagkakataon kay Xavier na makapagpaliwanag. Sa mga sandaling iyon ay gulong gulo pa din si Xavier sa kung ano na nga ba ang totoo sa kanyang pagkatao, dahil ang akala niyang pagbabalik ng kanyang alaala ay mga alaala din pala na nabuo lamang din upang ikubli ang tunay niyang pagkatao.
"Ipagpaumanhin niyo po, pero may trabaho pa po kasi ako ngayon at mahuhuli na ako kung hindi pa ako aalis." Ang sabi ni Xavier, at binigyan niya ng isang pilit na ngiti si President Liberty at pagkatapos ay nagsimula nang maglakad papalayo dito, pero bago pa siya tuluyang makalayo ay naramdaman niya ang paghawak sa kanya ng nagpapakilalang ina niya sa kanyang kanang pulsuhan.
"Pakiusap, kahit sandaling oras lang, sandaling oras lang anak, bigyan mo ako ng pagkakataon na makapagpaliwanag upang malaman mo ang lahat." Ang pagsususmamo ni President Liberty, at hindi man maipaliwanag ni Xavier ang kanyang nararamdaman ngunit ang pagsusumamo na iyon ng ginang sa kanya ay nagbibigay ng kirot sa kanyang puso, kaya naman muli niya itong hinarap.
"Sige po bibigyan ko po kayo ng oras na makapagpaliwanag at makapagkwento, pero sana po ay huwag niyong asahan na pagkatapos niyong magkwento at magpaliwanag ay matatanggap ko ang lahat. Sa totoo lang po kasi ay hindi ko na alam ngayon kung sino ba talaga ako, gulong-gulo na po ako." ang sabi ni Xavier na walang kaemo-emosyon sa kadahilanang hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman sa mga sandaling iyon.
Sumama si Xavier kay President Liberty upang bigyan ito ng pagkakataon na makapagkwento at makapagpaliwanag. Nagtungo sila sa isang mamahaling restaurant sa loob ng isang mamahaling hotel, doon ay tahimik lamang si Xavier na nakaupo habang hinihintay na maglahad ng kanyang paliwanag at kwento si President Liberty.
"Matalik na mga kaibigan ko sila Lauren at Julio simula noong mga bata pa kami, ang totoo ay nagkaroon din ako ng pagtangi noon kay Julio ngunit itinago ko iyon dahil alam ko noong simula pa lamang na si Lauren na talaga ang gusto niya. Dumating na nagdalaga kami, nag-highschool, hanggang sa kolehiyo ay magkakasama kami, matatalik na magkakaibigan ngunit ang pag-ibig ko para kay Julio ay hindi nagbago at hindi nawala, balak ko na noon na umamin sa kanya noong araw na magtapos kaming tatlo ngunit noong araw ko din nalaman na si Julio at Lauren ay ganap nang magkasintahan. Nakakatawa dahil sa ilang minuto lang halos ang pagitan bago ako magtapat ay nalaman koi yon, dahilan para hindi ko na ituloy pa ang pagtatapat kay Julio, ayoko na makasira ng isang pagmamahalan ng dalawang tao na pareho sa akin ay mahalaga." Ang panimulang paglalahad ni President Liberty.
"Matapos ang araw na iyon ay nagpakalayo-layo ako dahil sa hindi ko makayanan ang sakit ng pagkabigo ko. Umuwi ako noon sa probinsiya, nagsikap na makalimutan ang nararamdaman ko para kay Julio, pumasok ako bilang isang sekretarya sa isang maliit na kompanya sa probinsiya, hanggang sa isang gabi na pauwi na ako isang pangyayari ang hindi ko inaasahan." Ang sabi ni President Liberty na napatigil sa kanyang pagkukwento, napansin ni Xavier ang pangingilid ng mga luha nito, ang bahagyang pamumutla at tila may takot sa mga mata nito.
"Gusto niyo po ba madame na ako na ang magpatuloy ng kwento ninyo?" ang tanong ni Armand na siyang nakatayo sa likuran ni President Liberty,ngunit umiling si President Liberty at kinalma ang kanyang sarili.
BINABASA MO ANG
Triple X
Tiểu Thuyết Chung[BoyXBoy|Yaoi] ~Triple X~ Sa tatlong magkakapatid na maagang sinubok ng buhay, naulila at nauwi sa isang bahay ampunan. Lumaki mang hindi salat sa pagmamahal at pag-aalaga ay ano pa nga ba ang maaaring makapagdulot sa magkakapatid para maghiwalay. A...